Nang gabing din na yaon, sa Sorceria. Ay nakahanda nang maglakbay sina Arthana kasama si Fredo at ilang mga itim na sorcerer. Pakay nilang tunguhin ang kahariang puti, dahil na rin sa kanilang paanyaya. Walang alam ang mga itim na sorcerer sa kung ano ang magaganap mamaya sa pagpupulong na inihanda ni Mia.
"Tara na," paanyaya ni Fredo. "Nakahanda na ang mga itim na sorcerer na ating isasama sa kaharian ng mga puting sorcerer,"
"Sana ay hindi natin pagsisihan ang pagtanggap sa paanyayang ito," malamig na sabi ni Arthana. "Lalo na at kakaiba ang nararamdaman ko sa magaganap mamaya."
"Hindi ba't ikaw na rin ang nagsabi," dugtong naman ni Fredo. "Maaaring maging plano tungo sa kasamaan ang magaganap mamaya, kaya wala kang dapat na ipangamba."
"Tama," sabi ni Arthana. "Ngunit makikita natin mamaya iyan."
Inilabas nito ang kaniyang saglip, at itinaas nang nakaturo sa himpapawid. Lumikha ito ng itim na usok, at saka sila naglaho sa palasyong itim.
Samantala, higit na matingkad kaysa sa mga pangkaraniwang araw ang palasyo ng mga puting sorcerer. Subalit kung anong tingkad nito sa labas, ay siyang mas matingkad pa sa loob nito. Sunud-sunod ang pagdating ng mga tagaluto, dala-dala ang iba't-ibang putahe. Kanila itong inihahatid sa isang napaka-habang lamesa sa gitna ng trono. Punong-puno rin ng gayak ang bawat sulok ng palasyo, na tila ba may piyestang magaganap. Maging ang mga bintana, ay mas makintab pa sa brilyante, mistulang hindi nila nais mapahiya sa mga paparating na bisita. Tunay na pinaghandaan nila ang magaganap na pagpupulong.
"Hinahangad ko ang inyong pakiki-isa at pakiki-sama sa ating mga panauhin mamaya... nawa ay maghari na nga ang kapayapaan dito," panawagan ni Mia sa lahat ng kaniyang nasasakupan. "Tiyakin din na nakahanda na ang lahat sa pagdating ng ating mga panauhin."
Lumapit naman si Cielo sa kaniya, upang usisain patungkol sa mga magaganap mamaya. Subalit katulad din ng kaniyang inaasahan, ay wala siyang nakalap na impormasyon. Kaya bumalik na lamang ito sa kaniyang puwesto, katabi ng ilan pang kasapi ng konsehong puti.
Ilang saglit pa, ay mas lalo nang lumalim ang gabi. Ang lahat ng mga kailangan sa magaganap na pagkakaisa ay nakahanda na. Tanging mga panauhin na lamang ang kanilang inaantay.
"Wala pa rin ba ang mga hinihintay mo, Mia? Palalim na ng palalim ang gabi," giit ni Sweetie Pop. "Nagtataka akong baka naman nabahag na sila sa iyong paanyaya?"
"Maghunustili ka... nararamdaman kong nandirito na sila," sabi ni Mia. "Maghintay ka lamang ng ilang sandali pa."
Biglang lumakas ang hangin sa kanilang paligid, at lumitaw sa kanilang harapan ang mga itim na sorcerer gamit ang itim na usok. Natahimik ang lahat ng nasa trono, at napatingin sa kanilang pagdating.
"Pasensya na kung pinag-antay namin kayo ng matagal," salubong ni Arthana. "Ngunit ngayong nandirito na kami ay... maaari na nating simulan ang pagpupulong."
Nagsimulang magbulungan ang mga puting sorcerer sa paligid. Mistulan silang mga bubuyog. Bulong doon. Bulong dito. Subalit walang pakialam ang mga itim na sorcerer sa kanilang mga bulung-bulungan. Bagkus, ay tumayo si Mia upang salubungin ang kaniyang mga panauhin, at upang ihatid ang mga ito sa kanilang mga nakatakdang upuan ngayong gabi.
Umupo si Arthana katabi ni Mia, at si Fredo naman ay umupo katabi ng mga nalalabing kasapi ng konsehong puti, doon sa kabilang bahagi ng mahabang lamesa. Ang mga nalalabing itim na sorcerer ay naiwang bantay, kasama ng mga bantay na puting sorcerer. Nasa gitna naman ng mahabang lamesa ang aklat ng Reluvious.
BINABASA MO ANG
Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉ
ФэнтезиIt is a story about love, hate, faith, death, trust, distortion, and war that originated from the most powerful spellbook in Sorceria; Reluvious. Sa laban ng dalawang pusong nagmamahal, kanino nga ba ang mas matimbang? Sa minahal o' sa nagmahal? Sa...
