Mala-multong katahimikan ang bumabalot sa kahariang itim, nang biglang lumitaw sina Arthana gamit ang kaniyang itim na salamangka. Sa loob lamang ng segundo, ay biglaang dumami ang laman ng palasyo dahil sa kanilang pagbabalik.
"Ano ang naganap kanina?" Pag-uusisa ni Fredo. "May kinalaman ka ba roon?"
"Sabihin na lamang natin na ikinalulugod kong naganap ang mga nangyari kanina," sagot ni Arthana.
Umupo ito sa kaniyang trono, at sinenyasang umalis ang mga itim na sorcerer, maliban kay Fredo. Hindi mawari sa kanilang isipan ang naganap sa pagpupulong kanina. Sinadya ba yaon? Nagkataon? Subalit isa lamang ang malaking palaisipan, sino ang nagtaksil sa usapang tigil-digmaan?
"Nawa ay hindi maapektuhan ng naganap ang nangyayaring kapayapaan sa pagitan ng mga lahi natin," ika ni Fredo. "Alam ko kasing tayo ang sisisihin nila."
"Mas mainam na yaon," sabi ni Arthana. "May patutunguhan lamang ako."
"At saan ka naman patutungo?" Matalas at diretsang pag-uusisa ni Fredo. "Palagi kang may tinutungo subalit hindi ko naman malaman kung saan ito, dahil hindi mo ibig sabihin sa amin?"
"Malalaman mo rin sa aking pagbabalik," malamig na sabi ni Arthana. "Hinahanda ko lamang ang ating mga sarili kapag nabuwag na ang ang tigil digmaan kuno nila."
Tumayo ito mula sa pagkakaupo nito sa kaniyang trono, at saka ito naglaho. Tanging si Fredo lamang ang naiwanan sa loob ng trono, sapagkat pinaalis nila kani-kanina lamang ang mga itim na sorcerer doon.
"Ano ang binabalak mo Arthana?" Bulong nito sa kaniyang sarili.
Sa kaharian naman ng mga puting sorcerer, ay patuloy ang pagsisiyasat nina Cielo ukol sa lason na kumitil sa buhay ni Joana. Kasalukuyan silang nasa kusina ng palasyo, kung saan ginawa at inihanda ang mga ubas upang gawing serbesa.
Doon ay kanilang natagpuan ang isang maliit na botelya. Yaon marahil ang lason. Inamoy ito ng isa sa mga kasama ni Cielo, at naamoy nito ang amoy na mas matapang pa sa mga pabango. Tama! Ito nga ang lason na ginamit sa serbesa. Agad na nga silang nagtungo kay Mia, upang ipagbigay alam ang kanilang natuklasan. Agad din naman niyang namukhaan kung anong uri ito ng lason.
"Ghermile... hindi ako maaaring magkamali," makagulat na hayag ni Mia. "Iyon nga ang lason na kumitil sa buhay ni Joana."
"Ang lasong nakukuha mula sa dagta ng puno ng aqusha na tanging sa mahiwagang gubat lamang natatagpuan," dagdag pang impormasyon ni Ysa.
"Tama... iyon nga,"
"Nakatitiyak akong ang mga itim na sorcerer ang sala nito... nais nila tayong isahan," bintang ni Ysa. "Tunay na hindi sila nakikiisa at kailanman ay hindi sila makikiisa dahil taliwas ang pananaw nila sa pananaw nating mga puting sorcerer."
Napayuko na lamang si Mia, at saka ito tumingin sa kanila. At ilang saglit pa, ay saka ito napabuntong-hininga na para bang may malalim itong iniisip na hindi naman maiwaksi ng kaniyang mga kasama kung ano iyon.
Buntog at matalinong mag-isip si Mia, kaya kung ano man ang binabalak nito ay malaki ang tiwala ng kaniyang mga kasama rito. Isa pa, ay namana nito kay Quesana ang husay nito sa pamumuno, kaya nakatitiyak na malalagpasan niya ang pagsubok na ito.
BINABASA MO ANG
Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉ
Viễn tưởngIt is a story about love, hate, faith, death, trust, distortion, and war that originated from the most powerful spellbook in Sorceria; Reluvious. Sa laban ng dalawang pusong nagmamahal, kanino nga ba ang mas matimbang? Sa minahal o' sa nagmahal? Sa...
