Pula sa Kulay ng Puti

340 13 1
                                        

Binitiwan na ni Brianna ang kaniyang itim na salamangka, at nakahinga na ng maayos si Mia mula sa pagkakasakal nito. Napaubo ito at napahawak sa kaniyang lalamunan, dahil na rin sa tagal ng pagkakakapit ng itim na mahika nito sa kaniya. 

Sunod naman itong pinatamaan ni Arthana ng malakas na puwersa ng itim niyang kapangyarihan, kaya ito nawalan ng malay at nauna nang bumagsak sa simula pa lamang ng labanan.

Samantala, nagsisimula na ang mapait na labanan ng mga puti at ng mga itim na sorcerer. Nagpang-abot ang kapwa lahi sa bawat pasilyo ng buong palasyo, kalat-kalat din ang posisyon ng mga itim na sorcerer kaya mabilis na kumalat ang nagaganap na labanan. 

Dahil ang karamihan ng mga puting sorcerer ay nasa kani-kanilang mga tahanan, alinsunod sa utos na rin ng kanilang pinuno, at bunsod na rin ng pagbagyo, kakaunti lamang sa hukbo ang nakapintong humarap sa mga mananakop. 

Maraming pagsabog ang nagaganap sa bawat sulok ng palasyo, marami-rami nang mga puting sorcerer ang bumagsak sa simula pa lamang ng labanan. Subalit batid ng lahat ng lumalaban na ito ay isang mapamuksa nanamang labanan. 

"Kayo na ang bahala sa kaniya— kailangan pa naming magtuos ni Hadley dahil marami pa siyang utang na dapat pagbayaran sa'kin," sabi ni Brianna. "Dapat ay bumagsak siya ngayong gabi kasabay ng pagbagsak ng kaniyang mga kasamahan."

"Gawin mo ang nararapat upang mapaslang siya sa iyong mga kamay," sabi naman ni Arthana, habang nakatitig ito sa walang malay na pinuno ng mga puting sorcerer.

"Hanggang sa kabilang buhay ay tutugisin ko pa rin siya," dagdag pa ni Brianna. "Hanggang sa tuluyan na siyang sumuko sa aking bagsik at poot— kaya humanda siya."

Kumaripas ito ng takbo papalabas ng trono, at daglian nitong hinalughog ang bawat silid ng palasyo upang tuntunin ang kaniyang kakambal. Sa pagkakataong ito ay tila wala nang iba pang nararamdaman ang kaniyang sarili, kung hindi ang galit para rito.

Nakarating naman na ni Cielo sa tarangkahan ng mga saglip ng palasyo, at agad nitong nilapitan ang Reluvious. Sa tangka nitong paglapit, ay bigla itong nagbukas at nagliwanag ng kulay pula ang mga ginto nitong pahina. 

Tila hindi tumutugma ang mga kulay, subalit ito marahil ay isang babala sa kaniya sa kahindik-hindik na nagaganap sa labas ng tarangkahan. Subalit hindi nito nalaman ang tunay na ipinahihiwatig ng Reluvious pagkat daglian niya itong kinuha, at naglaho gamit ang puting salamangka kasama ito.

Sa labas naman ng palasyo, lumusob ang mas maraming mga itim na sorcerer doon sa mga kabahayan at kanilang pinasok at pinagpapaslang ang mga puting sorcerer na mamamataan nila roon. Mga bata, matatanda, maging mga may sakit at mga kasama sa hukbo. 

Ang ilan namang mga kasapi ng hukbo na hindi pa natutunton ng mga itim na sorcerer ay nagtipon-tipon upang protektahan ang kanilang mga pamilya, at kanilang hinarangan ang mga paparating na kalaban. 

Sila ay nakipagpalitan ng salamangka sa mga kalaban, habang ang mga pamilya nila ay nagtatakasan sa gitna ng malakas na pagbagyo. Tinangkang habulin ng ilang mga itim na sorcerer ang mga nagsisitakasan, subalit hinadlangan sila ng iilang mga puting sorcerer.

Kalaunan, ay lumitaw ang hukbo ni Fredo roon at kanilang pinagpapaslang ang kakaunti na lamang na mga puting sorcerer sa kabayanan sa labas ng palasyong puti. Magkagayon man ay nagtagumpay pa rin silang maitakas ang kanilang mga pamilya, lalo na at nakalayo na ang mga ito sa pook ng labanan.

Sa loob naman ng palasyo, ay maya't-maya pa rin ang pagsabog at pagpapatamaan ng mga kapangyarihan. Napuna naman ni Maxim na parang may kakaibang nagaganap sa labas ng kanilang silid, kaya agad nitong ginising ang natutulog nang si Hadley.

Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon