Tuluyan nang suminay ang araw at tuluyan na ngang nag-umaga, at ang nalalabi na lamang na katunggali ng liwanag ay si Arthana. Maging ang tagapagbalanse ng kapangyarihan na nangangalaga sa kaniya ay umurong na rin sa bakbakan.
Subalit batid nila na mahihirapan pa silang daigin ito, pagkat hawak pa nito ang aklat ng Reluvious. Sinubukang lapitan ni Cielo ang kinaroroonan ng mga itinakda, subalit hinarangan lamang siya ni Adam. Batid nito na hindi magiging sapat ang kaniyang kapangyarihan, kung usaping Reluvious ang makakalaban nito.
"Kung gayon, ay alalayan ninyo sila. Itutok ang inyong mga saglip at mga pana sa kanila," utos ni Cielo. "Baka mapahamak lamang— baka magapi sila ni Arthana."
"Sandali lamang!" Pagpigil ni Maxim, habang tinatanaw ang labanan ng mga itinakda.
"At bakit? Ano't hinahadlangan mo ako?" Pagtataka ni Cielo, habang nakatitig naman kay Maxim.
"Hindi mo maaaring gawin iyan. Baka mamali kayo ng matamaan at sa halip ay sina Hadley ang masapul ng inyong gagawin," sagot ni Maxim. "Manalig na lamang tayong kakayanin nila 'yan— na kakayanin 'yan nina Hadley at Brianna."
"Tama siya. Hayaan na lamang natin sila roon," sabat pa ni Adam. "Isa pa ay kung may basbas nga sila ni Locasta ay tiyak may laban sila sa Reluvious."
"Ano ang gagawin natin dito? Tutunganga na lamang? Hawak ni Arthana ang Reluvious," sabi pa ni Cielo, habang nananatili itong nakatitig kay Maxim.
"Mga itinakda ang lalaban at haharap kay Arthana. Magtiwala ka na lamang," panghihimok ni Adam dito. "Nagampanan na natin ang ating talatakdaan dito— ang puksain ang mga alagad ng ganid na si Arthana."
Tinignan ng matalas ni Cielo ang pinuno ng Cerulean, at saka nito dahan-dahan na ibinaba ang kaniyang hawak na saglip. Isa-isa na rin namang nagbabaan ng kani-kanilang mga sandata ang mga mandarayo, kasabay ng pagbababa ng mga saglip ng mga puting sorcerer.
Ibinaba naman ni Hadley ang kaniyang saglip dahil sa sobrang kahapuan, at tinantanan na ang pagpapaulan ng puting salamangka kay Arthana.
Kaagad namang napangisi ang ganid na pinuno ng mga itim na sorcerer, at saka muling umilaw ang mga mata nito. Subalit bago pa man ito muling bumwelta, ay lumapag na si Brianna sa kanilang labanan at kaagad itong nagpakawala ng itim na salamangka.
"Arthana!" Galit na sigaw ni Brianna, kasabay nang pag-ilaw ng dulo ng saglip nito.
Nagpalitan silang dalawa ng salamangka, habang iwinasiwas naman ni Hadley ang kaniyang saglip. Hindi na kasi nito kayang magpakawala ng puting salamangka dahil na rin sa sobrang kapaguran, kaya tinawag na lamang nito ang tulong ng mga elemento sa kaniyang paligid. Nagsimulang umilaw ng puti ang kaniyang saglip, subalit bago pa man ito makapangyari ay natamaan si Brianna ng kapangyarihan mula sa Reluvious at bumagsak.
Lumutang ang mga bato sa paligid, at saka ito tumamang lahat kay Arthana. Kaagad din naman itong nakabwelta nang magpakawala ng apoy ang Reluvious patungo sa kaniya, subalit ginamit ni Hadley ang hangin upang paglahuin ang kapangyarihang pinakawalan ng aklat dito.
"T-tapos na ang paghahari ng mga itim na sorcerer!" Pagod na sabi nito rito.
"Ngayon, subukan mo ang lakas ng isang itinakda!" Sabat pa ni Brianna, habang nakatutok ang saglip nito kay Arthana.
"Maghunustili ka Brianna! Maaari mo pang baguhin ang kapalaran. Umanib kang muli sa'kin at mapapasaiyo ang lalaking minamahal mo! Tutulungan kita, tutulungan ka ng Reluvious!" Sabi ni Arthana. "Hindi ka magiging tunay na masaya kung makikita mo ang kakambal mong siya lamang ang makikinabang kay Maximo— Maxim."
BINABASA MO ANG
Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉ
FantasyIt is a story about love, hate, faith, death, trust, distortion, and war that originated from the most powerful spellbook in Sorceria; Reluvious. Sa laban ng dalawang pusong nagmamahal, kanino nga ba ang mas matimbang? Sa minahal o' sa nagmahal? Sa...
