Isang linggo na ang lumipas, subalit hindi pa rin naggigising si Brianna. Dineklara na itong patay, subalit nakakakita pa ng butas ang mga manggagamot na ang pagkamatay nito ay galing lamang sa isang sumpa, sa Reluvious. Kaya naman hindi pa nila ito pinal na dinedeklarang patay, kasabay rin na hindi naaagnas ang katawan nito. Kakatwang pangyayari, lalo na at lagpas isang linggo na siyang patay.
Samantala, wala naman nang panahon pa si Hadley upang pagluksaan pa ang kapatid nito lalo na at nagpatawag ng mandatoryong pagpupulong si Cielo roon sa trono.
Ang lahat ng may katungkulan ay marapat lamang na magtungo roon, at doon ay kinakailangan na nilang makapag-plano ng mga bagay-bagay ukol sa patuloy na paglakas ng kanilang mga kalaban.
Ilang linggo na ngang nananahimik ang mga itim na sorcerer matapos ang sumpang naganap kay Brianna, ngunit hindi pa rin sila nakakasigurong tunay na nga silang nananahimik. May kutob ang mga puting sorcerer na ang kanilang pananahimik ay may mas malalim na pakahulugan.
"Nakakasiguro akong may iba pang pinaplano ang mga itim na sorcerer sa kanilang pananahimik. Baka isa nanamang digmaan o' paglusob— o' 'di kaya ay panggugulo nanaman sa ibang libot ng Sorceria," sabi ni Dominick. "Mas dapat tayong mangamba kung ang isang bulkan ay nananahimik tapos ay bigla na lamang sasabog— magiging mapamuksa ito lalo na kung hindi paghahandaan."
"Mas makulit pa sila sa isang manliligaw. Ubod ng kulit at walang balak tumigil," sabi rin ni Ysa, habang nakatitig ito kay Cielo.
"Papaano mo maihahalintulad kung wala ka namang manliligaw sa tinagal-tagal mo rito sa Sorceria?" Asar ni Cielo, habang nakatitig naman ito kay Ysa.
Napatingin na lamang si Ysa sa ibang parte ng trono, at bahagya itong nakaramdam ng pagkainis dito. Sino ba naman kasi ang mag-aakalang nagagawa pa nitong magbiro sa bingit ng isang digmaan?
"Tama! Wala ngang balak tumigil ang mga itim na sorcerer hangga't hindi sila ang tinataas at kinikilalang pinaka-makapangyarihan dito sa Sorceria. At alam nilang tayong mga puting sorcerer lamang ang malaking hadlang para magawa nila 'yun kung kaya tayo ang pinupulbos nila ngayon," dagdag pa ni Noah dito. "At nakakatiyak akong lalakas sila at lalakas sa bawat segundong lumilipas... o' baka ginagamit na ni Arthana ang kaniyang kapangyarihan ngayon upang tumawag pa ng mas malaking pwersa ng hukbo."
"Subalit ano na ba ang marapat nating gawin ngayon? Hindi maaaring ang pananahimik nila ay pananahimik din natin sa pagpaplano— lalo na at kung tama man ang sabi ni pinunong Dominick ay lalaban nanaman tayo nang hindi handa pag nagkataon," tanong ni Hadley sa lahat, kasabay nang pagbuntong-hininga nito.
"Mas mainam sana kung narito ang isa pang itinakda (si Brianna). Upang mas mahigitan natin sana ang lakas at kapangyarihan ng Reluvious," sabi pa ni Cielo, na kasalukuyang binabasa na ang mga kalatas na ulat mula sa bawat sulok ng palasyo.
"Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya naggigising. At may kutob kaming si Arthana ang may kagagawan nito," sagot ni Hadley. "Tiyak ay isinumpa niya ito gamit ang aklat na ninakaw niya sa atin— ang Reluvious."
"Baka hindi nito matanggap na kumampi na sa'tin si Brianna, kaya niya ito isinumpa?" Pagtataka ni Noah. "O' baka may malalim pa itong rason kung bakit niya ito nagawa sa dati niyang kapanalig?"
"Basta— napakasama ng Arthana na 'yan," sabat ni Maxim, habang nakatitig ito kay Cielo.
"Hindi naman dating masama ang mga itim na sorcerer. Sa katunayan nga n'yan— ay kapanalig pa namin sila laban sa mga Sisellayan noong unang panahon. Sadyang naging ganid lamang sila dahil sa tuksong dala ng kapangyarihan ng Reluvious," sagot ni Dominick dito.
BINABASA MO ANG
Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉ
FantasiaIt is a story about love, hate, faith, death, trust, distortion, and war that originated from the most powerful spellbook in Sorceria; Reluvious. Sa laban ng dalawang pusong nagmamahal, kanino nga ba ang mas matimbang? Sa minahal o' sa nagmahal? Sa...
