Kinahapunan, ay nakarating na ang mga mandarayo sa bukana ng palasyo. Doon ay naghihintay ang mga puting sorcerer, upang doon na rin ay bawiin ang kanilang kaharian laban sa mga mananakop. Ngayon ay higit nang marami ang bilang ng kanilang hukbo upang makipaglaban. Higit mang mahina ang mga mandarayo kaysa sa isang pangkaraniwang sorcerer, ay mas mahalaga pa rin ang pagkakaisa sa isang digmaan.
Mala-sementeryo ang katahimikan sa bukana ng palasyo, na tila ba hindi nila natunugan ang pagsalakay na kanilang gagawin. Bagay na kanilang tiyak na ikauusad sa pagkakataong ito. Kaagad na inilabas na ni Mia ang kaniyang saglip. Siya kasi ang maghuhudyat sa simula ng digmaan, kaya kakailanganin niya ang tulong ng kaniyang puting salamangka.
"Maggagabi na, hindi pa ba natin sisimulan itong digmaan? Hindi ba't mas makapangyarihan ang itim na salamangka sa gabi?" Tanong ni Ysa.
"Huwag kang mainip, Ysa. Mangyayari rin ang paglusob natin," sagot ni Mia. "Pero sa ngayon, ay kailangan muna nating maghintay ng mabuting pagkakataon upang lumusob."
Nananatili namang nakatayo si Hadley sa kaniyang posisyon, habang kumuha ng isang patpat mula sa sanga ng puno si Maxim upang gawing pananggalang sa labanan mamaya. At ang mga nalalabi nilang kasamahan ay naghihintay na lamang ng hudyat.
Samantala, matalas namang tinignan ni Brianna si Noah habang ito ay nananatiling nakatayo. Hindi kasi ito naniniwala na wala itong alam ukol sa kung saan nagtungo ang mga puting sorcerer.
"Wala nga, hindi ko nga alam! At kung alam ko man ay hindi ko sasabihin sa'yo," sabi ni Noah.
"Talaga lang, huh? Kakaiba talaga ang nararamdaman ko sa mga kapanalig mo rito," sagot ni Brianna.
"Wala akong pakialam sa nararamdaman mo. Ang mabuti pa ay lumayas ka na rito sa kubol namin," sabi pa ni Noah.
Maglalaho na sana si Brianna, nang biglang dumating ang kumpol ng mga puting sorsera. Tangka nilang isaayos ang mga gamit doon, kung sakali mang magwagi ang kanilang mga kapanalig sa magaganap na digmaan mamaya.
"Mga puting sorcerer, nasaan ang iba nating mga kasamahan?" Tanong ni Noah sa kanila.
"Hindi mo ba nababatid na may digmaan na magaganap ngayon sa pagitan ng mga puti at ng mga itim na sorcerer?" Sagot ng isang sorsera.
"Digmaan? May digmaan na magaganap?" Pagtataka ni Brianna.
Agad nitong naisip ang palasyo. Baka nasa palasyo sila at doon magaganap ang apoy ng digmaan. Kaagad nitong tinignan si Noah, at saka ito mabilis na naglaho gamit ang kaniyang itim na salamangka.
"Saan magaganap ang digmaan?" Tanong muli nito sa kanila.
"Sa ating palasyo. Nakatakda na nila itong bawiin sa mga mananakop," sagot ng isa pang sorsera.
Kaagad din na naglaho si Noah gamit ang kaniyang puting salamangka, upang magtungo roon sa paggaganapan ng labanan. At tanging ang mga puting sorsera na lamang ang naiwanan doon, upang gawin ang nakaatas sa kanilang tungkulin.
Sa loob naman ng palasyo, ay dumating na si Arthana sa trono. Inaalalayan pa ito ng mga itim na sorcerer, lalo na at sugatan pa ito buhat noong nakaraan. Kaagad itong umupo sa tronong ninakaw lamang nito, at saka nito tinignan ang kaniyang mga nasasakupan.
"Ano na naganap sa palasyo habang wala ako?" Pag-uusisa nito.
"Maayos ang palasyo at walang naging suliranin," sagot ni Cissy.
BINABASA MO ANG
Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉ
Viễn tưởngIt is a story about love, hate, faith, death, trust, distortion, and war that originated from the most powerful spellbook in Sorceria; Reluvious. Sa laban ng dalawang pusong nagmamahal, kanino nga ba ang mas matimbang? Sa minahal o' sa nagmahal? Sa...
