Lumipas na ang ilang mga araw, subalit si Arthana ay hindi pa nagbabalik mula nang ito ay umalis. Tila ba bula itong naglaho, at naging malaking palaisipan sa lahat kung saan na ba ito nakarating. Labis din naman ang pag-aalala nina Erlinda at Gil, lalo na at baka may kung ano nang nangyari rito. Hindi naman nila maiwasan na mag-isip ng hindi maganda, lalo na at mag-iisang linggo na itong nawawala.
Sa pamantasan naman, napansin ni Adrien na iba ang kinikilos ni Alunsina sa klase kumpara sa mga naunang araw. Ipinagtataka rin nito ang ilang araw nang pagliban ni Arthana sa kanilang klase. Naisin man niyang tanungin, subalit nangangamba itong baka hindi siya sagutin nito sa kadahilanang hindi pa sila ganap na magkaibigan.
Tulala lamang si Alunsina sa kalagitnaan ng klase. Bakas na bakas sa kaniya ang malalim nitong iniisip ngayon, marahil nga ay may hindi magandang nangyari sa kakambal nito. Maraming mga pala-isipan ang umiikot ngayon, lalong-lalo na sa mga taong nakakakilala sa kanila nang lubus-lubusan sa loob ng kampus.
Pagtapos ng klase, agad na nagtungo si Alunsina sa kantina kung saan doon na nila nakagisnan ng kaniyang kakambal na magtungo tuwing pagtapos ng klase. Doon ay nilapitan siya ni Andrea, na katulad ng lahat ay nagtataka rin ito sa pagkawala ng kaniyang kaibigan.
"Hhhmmmppp! Magtapat ka nga sa'kin," paunang sabi ni Andrea. "Nasaan nga bang talaga si Arthana ngayon? Bakit hindi pa rin siya pumapasok? Nagkasakit ba siya? May pinuntahan ba at hindi pa rin nabalik? Nasaan?"
"Sa totoo lang ay hindi ko rin talaga alam," sagot ni Alunsina rito, habang binubuksan nito ang isang lata ng softdrink gamit ang buong lakas nito.
"Hhhmmmppp! Tinatago mo lang siya, noh?" Tugon ni Andrea rito. "Tinatago mo lang siya mula sa'kin, choss! Pero hindi ka ba nangangamba kung hindi mo pala alam? Ano 'yun? Bigla na lang siyang lumayas? Ganoon?"
"Hindi ko pa kayang sagutin 'yung tanong mo," sabi ni Alunsina. "Kahit ako ay naguguluhan pa rin sa mga nangyari noong nakaraan. Hindi ko talaga alam kung papaano ako sasagot."
Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap, bigla na lamang dumating si Adrien at tumabi roon sa kanilang dalawa na tila ba malapit na silang magka-kaibigan. Inilapag nito ang kaniyang tray ng pagkain sa lamesa, at saka ito napabuntong-hininga. Pagtapos pa, ay saka naman nito tinitigan ang dalawang dilag ng matalas.
"Inaasar mo pa si Alunsina? Grabe ka naman," depensa ni Adrien. "May pinagdaraanan na nga 'yung tao. Kung tantanan mo na lang kaya si Alunsina? Edi masaya pa ang lahat!"
"Hhhmmmppp! Magkasintahan na 'to! Choss!" Asar ni Andrea rito. "Akala n'yo siguro ay hindi ko kayo napapansin, 'noh? Wala na kayong dapat na tinatago dahil ayos lang naman 'yan."
"Ano? Anong magkasintahan ang sinasabi mo?" Sabat ni Alunsina. "Walang magkasintahan dito! At isa pa ay ikaw lang naman ang may kinikitang lalaki sa labas ng kampus kada uwian."
"Wala, 'noh! Wala akong kinikitang lalaki roon," giit ni Andrea rito. "At saka pa'no mo naman nalaman?! Minamanmanan mo ba ako pag uwian? Sinusundan mo ako nang palihim?"
"Magkakasabay lang talaga tayong umuwi lagi," sagot ni Alunsina. "Kinikita mo 'yung binata na nagtitinda ng balu't-penoy sa labas. Ano nga ulit ang tawagan n'yo? Tart? Munchkins?"
"Maiwan ko na nga kayong dalawa at lugi ako," saad ni Andrea, habang tumatayo ito mula roon sa kaniyang pagkaka-upo.
BINABASA MO ANG
Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉ
FantasíaIt is a story about love, hate, faith, death, trust, distortion, and war that originated from the most powerful spellbook in Sorceria; Reluvious. Sa laban ng dalawang pusong nagmamahal, kanino nga ba ang mas matimbang? Sa minahal o' sa nagmahal? Sa...
