Wakas

259 7 1
                                        

Isang linggo na ang nakalilipas matapos ang huling digmaan na tumapos sa masamang layunin ni Arthana sa lahat, subalit parang kahapon pa rin nang maganap ang lahat. 

Nagwagi man ang kabutihan at liwanag laban sa dilim at kasamaan, subalit tila ba ang kanilang mga puso naman ang nagluksa sa dami ng mga napaslang. Datapwat, magkagayon man, ay muli nang bumalik ang kinang at tanglaw ng kahariang puti. 

Ang aklat ng Reluvious ay tuluyan na nilang pinagpasyahang isara, at ilagak muli sa mahiwagang gubat, doon sa Kobrena. Habang ang Luvisious naman ay naging nasa pangangalaga na ni Hadley.

Itinalaga naman alinsunod sa kagustuhan ng mga itim na sorcerer na gawing pinuno nila si Brianna, na kaagad naman nitong tinanggap. At ang kaharian ng mga itim na sorcerer na noon ay kinatatakutan, ngayon ay kapareha na ng kahariang puti sa pagtulong sa mga mandarayo.

Samantala, habang naglalakad si Brianna pabalik sa palasyo ng mga puting sorcerer, ay namataan nito ang ilang mga pirata na may tangkang paslangin ang ilang mga taga-Cadet sa kagubatan.

"May mga masasama pa rin pala sa Sorceria?!" Sabi nito sa kanila, habang inilalabas nito ang kaniyang saglip.

Sumugod ang mga pirata, subalit kaagad na nagpatama si Brianna ng itim na salamangka patungo sa kanila. Sumabog ito sa gitna nila, dahilan upang kaagad silang bumagsak at mapaslang. Napangisi naman si Brianna, habang inalalayan ng mga itim na sorcerer na tumayo ang mga taga-Cadet na nabihag.

Sa kaharian naman ng mga puting sorcerer, nakatayo si Hadley sa balkonahe ng palasyo habang pinagmamasdan ang kaniyang saglip. Ito na lamang ang tanging ala-ala ng yumao nitong kaibigan sa kaniya. Ang kaibigan na pinaka-unang nagtiwala at nagturo sa kaniyang kakayahan dito sa Sorceria. Isang kaibigan na mahirap kalimutan, kahit na dumaan man ang maraming taon.

"Maging ako ay hindi rin mapalagay sa kaiisip na wala na si Noah sa'tin. Ilang araw pa lamang ang lumilipas kaya napakasakit pa rin ng lahat," sabi ni Maxim dito. "Naging kaibigan ko rin siya kahit papaano— at tumatag yaon nang huling digmaan."

Nagulat na lamang si Hadley sa kaniyang biglaang pagdating, at saka niya ito tinignan. Napabuntong-hininga ito, at saka ibinaba ang kaniyang saglip.

"Bakit sa dinami-dami ng maaaring mamatay sa digmaan ay siya pa?" Tanong ni Hadley rito. "O' hindi kaya ay bakit hindi siya napasama sa Reluvious nang ito ay bumuhay?"

"Hindi lang naman si Noah ang namatay. Nalagas din sina Ysa at Dominick. Maraming nalagas sa ating pangkat," sagot ni Maxim. "At marahil ay hindi ito napasama sa hiwaga ng Reluvious— dahil tapos ang misyon nito sa Sorceria?"

Ilang saglit pa, ay dumating ang isang puting sorcerer at lumapit sa kanila. Sila pala ay ipinatatawag na sa trono, para sa isang pagpupulong. Ngunit kung ano iyon, ay kanila pa lamang aalamin. Kaya naman, mabilis na sumama ang dalawa sa puting sorcerer patungo sa trono ng palasyo.

Sa kanilang pagdating, ay kaagad silang nagulat. Puno ng mga puting sorcerer ang trono, lingid sa kanilang kaalaman na pagpupulong lamang ito ng konseho. Subalit hindi nila ito inalintana, at lumapit pa roon sa hangganan ng trono.

"Mabuti at nandito na kayo," bati ni Cielo sa kanila. "Kanina ko pa kayo hinihintay."

"Ano ito? Anong mayroon?" Pagtataka ni Hadley, habang nakatitig sa mga puting sorcerer sa paligid.

"Sapagkat panahon na para malaman mo— panahon na upang malaman ninyong lahat ang inihandang kasulatan ni Mia noon. Batid niyang nasa panganib ang lahat sa patuloy na paglakas noon ng mga itim na sorcerer kaya mariin niyang pinaghandaan kung sakali mang may mangyayaring hindi maganda sa kaniya," sagot ni Cielo, habang nakatitig din ito sa mga puting sorcerer sa paligid.

Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon