Sa Cerulean

287 13 1
                                        

Bakas pa ang naganap na digmaan sa palasyo ng mga puting sorcerer, tila ba mas malala pa sa bagyong nagdaan ang kinaharap ng kahariang yaon. 

Tila ba kumpol ng mga lobong nagsipagtaboy sa mga tupa sa sarili nilang lupain. Wala nang kahit isang puting sorcerer sa buong palibot ng kaharian, inabandona na kasi ng mga ito ang palasyo pansamantala upang isalba ang kanilang mga sarili sa mapait at madugong labanan na yaon. 

Marami ang nagsakripisyo, ngunit kung hindi nila iyon ginawa, ay mas darami lamang ang masasawi at babagsak. Kahalintulad din sa dami ng mga inosenteng nadamay, kabilang na ang mga walang kalaban-laban na mga bata at matatanda. Subalit iyan na nga marahil ang malaking kabayaran ng isang digmaan, ang madamay ang mga walang malay at magwakas ito sa isang mapait na katapusan.

Sa lupain naman ng Cerulean, ang teritoryo ng mga mandarayong naturingang kapanalig ng mga puting sorcerer, doon muna sila pansamantalang lumikas. Bukod kasi sa kanila itong katuwang sa pagpapalago ng mga bagay-bagay, ay mas madali nilang mababawi ang kanilang kaharian pag nagkataon, lalo na at malapit lamang ito roon.

Maganda ang tanawin dito lalo na katabing-katabi ito ng dalampasigan, kung saan maaaring maging mapayapa ang kanilang mga isipan sa digmaan sa dami ng mga magagandang tanawin dito. Para bang isang isla. Isang isla na sa hindi kalayuan, ay naroroon ang kanilang mga kaaway— doon sa iniwanan nilang palasyo.

Ang mga nasawi naman ay kanilang ipinagdasal, upang kahit walang maayos na seremonya ang mga ito, ay maging payapa pa rin ang kanilang pagtungo sa kabilang buhay. At ang mga sugatan naman na katulad ni Mia, at agad na inihilera sa isa sa mga kubol ng isla upang gamutin ang kanilang mga kapanalig.

Sa labas naman ng kubol, ay malungkot na nakatayo at nag-aabang si Maxim lalo na at isa sa mga nakaratay sa loob noon ang kaniyang kasintahan. Hindi rin naman kasi nito magawang maipagtanggol si Hadley, lalo na at wala naman itong kapangyarihan upang protektahan ito sa nangyaring labanan kani-kanina lamang.

"Ano't nagmumukmok ka riyan?" Pagtataka ni Cielo rito, habang nakatingin ito sa kaniya.

"Inaalala ko lamang si Hadley" malungkot na sagot ni Maxim. "Naiinis ako sa sarili ko na wala akong nagawa kanina para sa kaniya."

"Huwag mong sabihing wala kang nagawa— 'yang nariyan ka para sa kaniya at ngayong nag-alala ka para sa kalagayan niya ay isang bagay na," sabi naman ni Cielo. "Isa pa ay malaking sakrpisyo ang ginawa mo upang talikdaan ang mundong pinanggalingan mo para sa kaniya rito."

"Sana nga," ika pa ni Maxim. "At sana nga ay bumuti na ang kaniyang kalagayan."

"Oo naman," panghihikayat ni Cielo rito. "Pero sa ngayon— ay kumain ka muna lalo na at nakahanda na ang pagkain sa isang kubol."

Naglakad na si Cielo papaalis, at muli namang sinilip ni Maxim ang kalagayan ng kasintahan nito bago nito naisipang umalis sa labas ng kubol upang sundin ang bilin sa kaniyang kumain muna. 

Mapait namang tinitignan ni Noah ang kaniyang pag-alis, at saka ito nagtungo sa kubol kung saan nakaratay si Hadley. Umupo ito sa isang upuan na malapit sa kaniyang kama, at saka ito naglagay ng dala nitong prutas sa tabi nito.

Sa palasyo naman ng mga puting sorcerer, ay bigong mahanap ng mga kalaban ang Reluvious. Wala na ring mga puting sorcerer sa paligid, kaya naman natitiyak nilang tuluyan nang nagsi-urong ang mga yaon sa digmaan. Subalit ang malaking palaisipan sa mga itim na sorcerer na naroroon, ay kung saan maaaring nagtungo ang mga nakaligtas at mga nakatakas na kalaban nila.

"Wala pa ring ulat ukol sa mga kalaban," inip na sabi ni Arthana, habang nakatitig ito sa kaniyang nasasakupan.

"Maghunustili ka nga at wala pa namang isang araw nang magwakas ang labanan," sabat naman ni Brianna. "Kung kakatakas lamang nila ay nasa malapit lamang silang lugar ngayon."

Reluvious: Ang Tanglaw Sa Madilim Na Gabi ᵇᵒᵒᵏ ᵒⁿᵉTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon