Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Casimiro habang pinagmamasdan ang liham na inihanda niyang pormal na kautusan. May selyo ito ng pamahalaan at pirma niya bilang gobernadorcillo, isang dokumentong magbibigay sa kanila ng karapatang magsagawa ng di-inaasahang inspeksyon sa tanggapan ng eskribano.
"Nakahanda na ba ang lahat?" tanong niya kay Anastacia na kasalukuyang naglalagay ng ilang dokumento sa supot na yari sa tela.
Tumango ito, bagaman bakas ang kaba sa kanyang mga mata. "Handa na. Pero Casimiro... sigurado ka ba rito?"
"Ito ang tamang hakbang," sagot niya. "Kung totoo ang mga natuklasan mo, kung totoo ang mga tinagong talaan at pekeng titulo, kailangang mailantad ang lahat."
Makalipas ang ilang sandali, magkasabay silang lumakad patungo sa tanggapan ng eskribano. Sa kanilang pagdating, sinalubong sila ni Señor Gaspar, ang tagapamahala ng mga talaan ng lupa sa buong lalawigan. May bahid ng pag-aalinlangan sa kanyang mukha habang tinititigan ang dokumentong inilahad ni Casimiro.
"Hindi ito nakasaad sa napag-usapang araw, Gobernadorcillo," ani Señor Gaspar, mariing kinuyom ang isang sulok ng kanyang mesa.
"Hindi lahat ng katiwalian ay sumusunod sa nakatakdang araw, Señor Gaspar," malamig ngunit mariing sagot ni Casimiro. "Bilang Gobernadorcillo, may kapangyarihan akong mag-utos ng inspeksyon sa anumang oras. At ngayong araw, nais kong silipin ang silid-aklatan at mga arkibong matagal nang hindi nabubuksan."
Saglit na katahimikan. Napakagat-labi si Señor Gaspar bago napilitang tumango. "Kung gayon... sundan ninyo ako."
Pagdating sa silid-aklatan, sabay na luminga sina Casimiro at Anastacia. Naramdaman ni Anastacia ang kabog ng kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang estante sa dulong bahagi ng silid. Doon niya unang napansin ang tila hindi pantay na bahagi ng pader, isang senyas ng posibleng tagong lagusan.
"Doon," bulong niya.
Lumapit sila sa estante, pinilit itulak. Kumalabog ang kahoy at lumitaw ang bitak sa likod, isang lihim na pinto.
"Huwag niyo akong papahamak," mariing bulong ni Señor Gaspar mula sa kanilang likuran. "Hindi ko alam kung anong hinahanap niyo, pero hindi lahat ng lihim ay dapat alamin."
Ngunit hindi natinag si Casimiro. "Lahat ng lihim na nagsasangkot ng pagkamkam sa mga mamamayan ay kailangang ilantad."
Pagbukas nila ng lagusan, bumungad ang alikabok at dilim. Gumamit sila ng ilawan at tumambad sa kanila ang isang maliit na silid na puno ng mga kahon.
Isa-isang binuksan ni Anastacia ang mga ito. Nandoon ang mga lumang talaan ng lupa, may ilang sunog ang gilid—tila tinangka na itong sunugin.
"Mga titulo ng lupa... iba-ibang pangalan... ngunit halos lahat ay may kaparehong lagda," bulong ni Anastacia.
Kinuha ni Casimiro ang isang kuwaderno, makapal, luma, at amoy amag. Sa unang pahina pa lamang, tumambad na ang mga listahan ng pangalan ng mga indio na pinalayas, katapat ng mga bagong pangalan—mga Don at pari.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Historical Fiction[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
