Matapos ang matagumpay na paglantad ng mga dokumentong nagpapatunay ng pandarambong ng lupa, nakamit nina Casimiro at Anastacia ang pansamantalang tagumpay. Naaresto ang mga sangkot at natanggal sa puwesto si Padre Jimeno. Sa mga lansangan ng Pueblo Camaya, pumailanlang ang balita: "May hustisya pa pala!"
Ngunit sa gitna ng pagdiriwang, isang lihim na sulat mula sa loob ng kumbento ang ipinaabot sa Casa de Gobernadorcillo. Isa itong matandang dokumento na nilagdaan ng isang "Fray Pedro de Herrera" — isang pangalan na hindi nila kailanman narinig... ngunit tila'y isa sa mga ugat ng matagal nang sabwatan.
Malalim na ang gabi ngunit nanatiling bukas ang ilaw sa silid-aklatan ng Casa de Gobernadorcillo. Sa gitna ng mga nakalatag na dokumento, mapa, at talaan ng lupa, nakaupo si Anastacia habang binabasa ang isang lumang sulat na bagong tuklas. Nasa likod niya si Casimiro, pinagmamasdan ang bawat reaksyon ng dalaga.
"Hindi ko akalaing may mas lalalim pa pala sa mga lihim na ito," mahina niyang wika. Kinuha ni Casimiro ang sulat mula sa kanyang kamay at binasa ito muli.
"Sa ngalan ng pag-ibig, itinago ko ang anak naming isinilang sa Visita ng Pagsuyuan. Hindi siya maaaring lumaki bilang anak ng isang paring Espanyol. Ngunit sakaling dumating ang panahon ng pagkakabunyag, hangad kong ang lupang ito ay mapasakanya. Ang Pueblo Camaya ay hindi lamang misyon, kundi pamana." — Fray Pedro de Herrera.
Nagkatinginan si Anastacia at Casimiro. Sa isang iglap, bumigat ang hangin sa paligid.
Kinabukasan, pinatawag nila si Ramon sa Casa de Gobernadorcillo. Tahimik siyang umupo sa tapat ng mesa kung saan inilatag nina Anastacia at Casimiro ang sulat at ilang mga dokumentong may lagda ni Fray Pedro de Herrera.
"Ano 'to?" tanong ni Ramon, bakas ang kaba sa tinig.
"Basahin mo," tugon ni Casimiro.
Habang naglalakbay ang mga mata ni Ramon sa bawat linya, tila nawalan siya ng ulirat. Napahawak siya sa sulok ng mesa, lumulon ng bigat na hindi niya maipaliwanag.
"Ang ama ko... si Miguel Herrera... hindi ko alam. Ang buong buhay ko, ang alam ko'y anak lang siya ng isang taga-serbisyo ng kumbento," aniya, halos pabulong.
"Ang Miguel Herrera na 'yan," ani Anastacia, "ay anak ng isang paring Espanyol. Ikaw ang apo ni Fray Pedro. At ang Pueblo Camaya ay ipinamana sa inyong linya."
Habang pinoproseso ni Ramon ang rebelasyon, dumating si Isagani, dala ang isang bagong liham na nakuha sa dating silid ni Padre Jimeno.
"May kailangan kayong makita," aniya.
Binuksan ni Casimiro ang liham:
"Don Damian, gaya ng napagkasunduan, ang mga titulo ay pinalitan. Ang orihinal ay sinunog sa lumang bodega. Siguraduhin mong mananatiling tahimik ang dating sakristan na naging tagapagmana. Ang mga don ay nasa panig mo, lalo na kung may mas malaking premyo sa dulo. — P. J.
"Don Damian," bulalas ni Anastacia. "Matagal na siyang kasama sa mga pagpupulong nina Don Anselmo at Don Dionisio. Akala natin isa lang siyang cabezang tagapagitna ng dalawang Don tuwing sila ay nag-aaway.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Tarihi Kurgu[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
