Ang gabi'y hindi pa tapos, ngunit sa puso ng bayan, tila tuluyan nang dumilim ang langit.
Usok. Apoy. Alingawngaw ng sigawan.
"Tubig! Bilisan ninyo! May naiwan pa sa loob!"
Halos matumba si Anastacia habang inaakay ang isang matandang tindera palayo sa lumalagablab na imbakan ng palay. Namumula ang mata ng babae, hinahabol ang hininga habang hinahaplos ang dibdib. May dala siyang basang sako, ipinapalo sa nag-aapoy na bubong, habang ang ilang mga lalaki mula sa kilusan ay nagsisilbing tagapamagitan ng takot at pagkilos.
"Akin na 'yan, Anastacia!" Hinablot ni Casimiro ang balde mula sa kanyang mga kamay, kita sa kanyang mukha ang halo ng galit at pagkasindak. Basang-basa na ang kaniyang kamisa, sunog sa isang balikat, at may bahid ng abo ang kaniyang noo.
Hindi ito isang pangkaraniwang sunog. Isa itong mensahe.
"Walang nanakawin dito," sabi ni Anastacia habang pinipigilan ang luha, "wala silang sinira kundi ang pagkain ng mga tao."
Ang imbakan ng palay , bunga ng mga buwan ng pagtitipid, sakripisyo, at pagkakaisa ng mamamayan, ay nilamon ng apoy. Mula sa gilid ng gusali, isang bata ang umiiyak, bitbit ang bisig ng kapatid na sugatan ang binti.
Kinabukasan, tila mas madilim pa ang langit kaysa sa gabi ng nagdaang sunog. Ang bayan ay punong-puno ng usok, hindi na mula sa apoy kundi mula sa pangamba, hinala, at panibagong kawalang-tiwala.
"Nasaan si Maximiliano?" tanong ni Casimiro, hindi na napigilang maglakad pabalik-balik sa harap ng tribunal. "Kailangan ko ng paliwanag. Hindi ito pinangakong pagkakaisa."
Ngunit buong umaga ay walang dumating. Wala si Maximiliano. Wala ni isang mensahe mula sa kaniya. Pinuntahan nila ang mga lugar na karaniwan nitong tinutuluyan, ang lumang bahay sa tabing-ilog, ang pugad ng kilusan sa ilalim ng simbahan, pati ang lumang imbakan sa dulo ng kalsada, ngunit lahat ay tahimik. Parang nalunod sa abo ang kanyang bakas.
"Hindi niya 'to magagawa," mariing sambit ni Anastacia. "Hindi si Maximiliano ang klase ng taong susunog ng pagkain ng mga bata. Hindi siya hayop."
Si Casimiro, na noo'y hindi mapakali, ay napatingin sa dalaga. May mga tanong sa kaniyang mga mata, hindi lamang tungkol sa sunog, kundi tungkol sa lalim ng pagkakakilala ni Anastacia kay Maximiliano.
"Paano mo nasasabing kilala mo siya? Mas kilala mo pa siya kaysa sa akin. Isa siyang ampon. Walang pangalan noon. Hindi natin alam kung sino ang tunay niyang pamilya, kung saan siya nanggaling."
Ang tinig ni Casimiro ay bahagyang pabulong ngunit puno ng tagilid na damdamin.
Napatigil si Anastacia. Napuno ng lungkot at pagkadismaya ang kanyang mukha. "At anong ibig mong sabihin, Casimiro? Dahil wala siyang apelyido noon, mas may posibilidad siyang traydor? Dahil ampon siya, mas karapat-dapat siyang pagdudahan? Ako ba ang pinupuntirya mo, o ang pagkatao niya?"
Walang naisagot si Casimiro. Sa halip ay tinalikuran niya si Anastacia.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Ficción histórica[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
