Capitulo 57: Mga Anino sa Dilim

155 5 1
                                        


 Matapos ang emosyonal na tampuhan sa tabing-dagat, mas naging malinaw kay Anastacia at Casimiro ang halaga ng isa't isa. Hindi man ganap na naibalik ang dating lambing, tila unti-unting binubuo ang mga piraso ng tiwalang nasira dahil sa nakaraan. Ngunit higit pa sa kanilang damdamin ang kanilang kailangang pagtuunan ng pansin ngayon, ang kinabukasan ng bayan.


Mula sa narinig nilang usapan ng mga katiwala sa dilim, nagsimula ang pagkakabuo ng mas malaking palaisipan, isang kasunduang naglalayong dayain ang sistema upang mapasakamay ng iilang makapangyarihan ang mga lupang pag-aari ng mga indio. Si Don Dionisio Villamar at Don Anselmo Del Tierra, na dating nagtutunggali sa kapangyarihan, ay tila may kasunduang lihim.


Nagpulong sina Anastacia at Casimiro sa lumang kamalig sa likod ng Casa de Gobernadorcillo upang planuhin ang susunod na hakbang. Dito, ipinakita ni Anastacia ang ilang lumang papeles na nasilip niya noon sa opisina ni Don Dionisio habang naglilinis. Isa sa mga papel ay tila mapa ng mga lupain, ngunit may kakaibang marka, isang simbolo na hindi pamilyar sa kanya ngunit mukhang pirma ng katiwala ni Don Anselmo.


"Kung tama ang hinala ko, pinapalitan nila ang mga orihinal na titulo at pinipilit ang mga magsasakang umalis sa kanilang lupa para mapasakamay ito ng mga Don," ani Casimiro habang sinusuri ang mga dokumento.


"At alam mong hindi tayo makakaasa sa mga guardia civil. Karamihan sa kanila'y bayaran," sabay buntong-hininga ni Anastacia.


Nagdesisyon silang mangalap ng higit pang ebidensya. Sa tulong ng ilang kaibigang katiwala sa pamumuno ni Ramon, na nanatiling tapat kay Casimiro noong siya'y nasa ilalim pa ng pagsasanay sa pamahalaan, nakuha nila ang talaan ng mga bagong titulo na ipinasok sa tribunal. Doon nila natuklasang maraming titulo ay may parehong pirma at petsa, tila ba sabay-sabay lamang nilikha at hindi dumaan sa tamang proseso.


Sa mga sumunod na linggo, lihim nilang kinausap ang mga magsasaka. Isa rito si Ka Teban, matandang magsasaka na halos limampung taon nang nakatira sa isang bahagi ng kabukiran. "Nilapitan ako ni Don Anselmo," aniya habang paanas, "sabi'y bibigyan daw ako ng bagong lupa sa mas magandang lugar. Pero hindi ako pumayag. Ilang araw lang, dumating ang mga lalaki niya at sinabihang ako'y umalis."


Nagimbal si Casimiro. "Hindi ito basta-basta. Puwede itong ipaabot sa Audiencia."


"Kailangan nating gumawa ng ingay. Pero hindi sapat ang reklamo lang," sagot ni Anastacia. "Kailangan natin ng plano."


Iminungkahi ni Casimiro na magpatawag ng lihim na pulong kasama ang ilang pinuno ng baryo at magsasaka upang ilatag ang buong larawan ng katiwalian. Pumayag sila at ginanap ang pulong sa ilalim ng isang lumang simbahan na matagal nang hindi ginagamit. Dito nila inilatag ang mga ebidensya, mga huwad na titulo, mga salaysay ng panggigipit, at talaan ng mga pinilit palayasin.


"Hindi sapat na ipakita ito sa bagong gobernador-heneral," ani Anastacia. "Kailangan nating ipakita na ang bayan mismo ang umaalma."


"May naisip ako," tugon ni Casimiro.

Nang marinig iyon ni Anastacia, tila nag-alinlangan siya. Isa iyong malaking hakbang. Mula sa pagiging isang katulong sa Casa Gobernadorcillo, ngayon ay papasok siya sa loob ng tanggapan  ng escribano kung saan iniingatan ang mga dokumento ng bayan, mga titulo ng lupa, tala ng buwis, at kasunduan, bilang escribano. Ngunit mas nanaig ang layunin niya. Ito na ang pagkakataon para makalapit sa katotohanan.

La EscapadorMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon