Capitulo 65: Kontrol sa Dilim

121 3 0
                                        


Matapos ang mahabang paglalakad sa paligid ng burol ng Tamag at pagtawa sa mga alaala ng kabataan, pinili nina Casimiro at Anastacia na humimpil muna sa isang lugar na matagal nang hindi binabalikan ng kanilang mga paa, ang lumang balon sa likod ng kumbento. Noon pa man ay sadyang tahimik ang pook na iyon, natatabingan ng matatandang punong kahoy, at tila kinukupkop ng kalikasan ang mga lihim na naroroon. Hindi na ito kasing linis ng dati; may bahid ng lumot ang bato at ang tabing ng balon ay may mga bitak, ngunit nanatiling buo ang alaala ng kanilang kabataan dito.


"Naalala mo pa ba 'to?" tanong ni Casimiro habang pinapawi ang alikabok sa isang batong upuan.


"Tila yata dito tayo unang nagkaasaran," sagot ni Anastacia, nakangiting may bahagyang panunukso.


"Hindi ba't dito ka rin unang umiyak dahil tinawanan kita nang maputikan ka?" tugon ng binata, sabay upo sa tabi niya.


Napangiti si Anastacia. "Oo. Ngunit 'di ko inasahang iiyak ka rin nang ilublob kita sa balon pagkaraan."


"Hindi 'yun iyak. Kumikirot lang ang pagkatao ko noon," sabay irap ni Casimiro, ngunit kapwa nila 'di napigil ang tawa.


Tahimik silang umupo. Sumayaw sa hangin ang mga dahon, at ang liwanag ng buwan ay tumambad sa pagitan ng mga sanga. Wari'y ang gabi ay nagpapahintulot ng sandaling katahimikan—hindi ng pag-iwas, kundi ng pagharap.


"Ito rin ang lugar kung saan ko unang sinubukang sabihin sa'yo ang—" Naputol si Casimiro, pinipigilan ang sariling magsalita.


"Ang alin?" tanong ni Anastacia, bahagyang yumuko ngunit ang mga mata ay naniningkit sa pagtatantiya.


"...ang damdaming 'di ko maipaliwanag noon. Wala pa akong sapat na tapang. Tiningnan lang kita habang iniigib mo ang tubig, at naisip kong... kung mananatili kang nasa tabi ko, ayos na ako kahit hindi ko masabi."


Tahimik muli.


Hanggang sa may marinig silang pagaspas ng ibon mula sa itaas ng puno, at ang mga  dahon nalalaglag sa kanila. Sabay silang napalingon, at sa pagkilos ni Anastacia ay nadulas siya sa damuhang basa. Mabilis ang pagkilos ni Casimiro at siya'y nasalo, ngunit sa lakas ng pagkakahila ay kapwa sila napadapa sa damuhan, si Anastacia ay nasa ibabaw niya, halos magkalapit ang kanilang mga mukha.


Tila biglang nawala ang ingay ng paligid.


"Ah..." usal ni Anastacia, nanlalaki ang mata, ngunit hindi bumangon agad.


"Kung ganito pala ang kapalaran ng balon na ito, dapat noon pa ako nadulas," biro ni Casimiro, pilit na kinokontrol ang ngiti habang namumula ang pisngi.


"Hangal," ani Anastacia, sabay tulak sa kanya upang makatayo.


Tumawa si Casimiro. "Ngunit totoo. Noon pa man, gusto kong... hawakan ang kamay mo. Ngayon ko lang nagawa nang walang takot."


La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon