Lumapat ang araw sa makulimlim na langit ng Vigan habang isa-isang dumating ang mga tagapamahala, opisyales ng pueblo, at mga kinatawan ng simbahan at hukbong Kastila. Ang dating bulwagang ginagamit lamang sa pagpupulong ng bayan ay napuno ng mga usisa, kaba, at bulung-bulungan. Hindi pangkaraniwang araw ito.
Sa gitna ng silid, nakaupo si Casimiro bilang gobernadorcillo. Sa kanyang tabi si Anastacia, sa likod niya sina Asuncion, at Maximiliano. Sa dulong bahagi naman, dumating si Don Alvaro na nakaputing barong, nakangiti, tila walang alam sa nalalapit na bangin.
"Anong layunin ng pagpupulong na ito?" tanong ni Don Alvaro, nakatingin sa bagong talagang tenyente ng hukbong Kastila na siyang panauhing pandangal.
Tumayo si Casimiro. "Ito ay upang bigyang-linaw ang tangkang pagpapabagsak sa pamahalaang bayan. At ang pangunguna sa kaguluhan na pinaniniwalaang nag-ugat sa loob mismo ng pamahalaan."
Tumahimik ang lahat nang dinala si Doro sa gitna ng silid. Sa una'y napayuko siya, nanginginig, ngunit hawak-hawak niya ang kahon ng mga ebidensya. Tinapik siya ni Asuncion sa balikat.
"Hindi ko na po kaya ang katahimikan," bulong ng matanda.
Isinalaysay ni Doro, mula sa simula, ang lihim na mga utos ni Don Alvaro, ang bayarang tulisan, ang pagsunog sa imbakan, ang tangkang pagpatay kay Maximiliano, at ang listahan ng mga "sagabal" na kailangang tanggalin para sa kanyang balakin.
Ipinakita ang liham. Ipinakita ang selyo. Ipinakita ang listahan ng pangalan.
Lumingon si Casimiro sa lahat. "Ito po ba'y peke, Don Alvaro?"
Ngunit bago pa makasagot ang Don, isa sa mga kasamahang opisyales, na minsang inakala nilang kakampi ni Don Alvaro, ay biglang nagsalita.
"Ako ang tumanggap ng sulat na 'yan. Ako ang inalok ng suhol. Ngayon ko lang nakita muli ang kopya, at hindi ko kayang itago ang katotohanan."
Habang isinusugod si Don Alvaro palabas ng bulwagan, walang sinuman ang nagsalita. Ang tahimik na pagbagsak niya ay tila naging panibagong bukas para sa bayan. Ngunit sa loob nina Casimiro at Anastacia, alam nilang ito'y simula pa lamang.
"Nagawa natin ito," ani Casimiro, mahina ngunit tiyak.
"Hindi dahil masuwerte tayo," ani Anastacia, "kundi dahil pinili nating magsuri, magtiwala, at lumaban."
Tumango si Maximiliano. "At higit sa lahat, dahil hindi tayo natakot harapin ang katotohanan, kahit masakit, kahit mapanganib."
Habang papalabas ang mga tao, lumapit si Asuncion kay Casimiro. "Hindi pa tapos ang lahat, senyor."
Alam niya ang ibig sabihin: may mga lihim pa rin sa ilalim ng mga bato. May mga tauhan pa ni Don Alvaro na maaaring magpatuloy. At ang lalaking nagsunog ng imbakan ay hindi pa nahuhuli.
Ngunit sa puso ni Casimiro, alam niyang ang pinakamahalagang hakbang ay naisagawa na at ito ay ang pagbagsak ng haligi ng kasinungalingan.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Ficción histórica[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
