Capitulo 62: May Bagong Tagapagmana

118 4 1
                                        



"Naging sakristan si Don Damian ni Fray Pedro noon. Alam niya ang tungkol sa anak ni Fray de Herrera. Kaya nang mamatay ito, pinilit niyang kunin ang mga titulo at sirain ang koneksyon ni Ramon sa kanyang pinagmulan. Siya ang nagsulsol kina Don Anselmo, Don Dionisio, at Padre Jimeno upang kamkamin ang mga lupain sa Pueblo Camaya. Sa ganoong paraan, walang maghahanap ng karapatang mana," saadanalisa ni Anastacia.


Halos mabingi ang katahimikan sa loob ng silid.


"Iyon ang dahilan kung bakit naging abala si Padre Jimeno sa paglikha ng mga pekeng titulo," bulalas ni Casimiro. "Gusto nilang burahin ang ama ni Ramon sa kasaysayan."


Sa gitna ng seryosong talakayan, napansin ni Anastacia na parang luluha si Ramon, di malaman kung sa tuwa o lungkot. Nilapitan niya ito at mahina ang boses na nagtanong, "Ayos ka lang ba?"


Ngunit bago pa ito makasagot, inakbayan ni Casimiro si Ramon.


"Kung lolo mo pala si Fray Pedro, dapat may hitsura kang prayle," sabay tawa, tinutukso.


"Eh ikaw," sabat ni Anastacia, "kung apo ni Gobernadorcillo ka pala, dapat marunong ka ring mangamkam—ay, teka... Marunong ka nga pala magmahal," biro ni Anastacia.


Napangiti si Casimiro, pero agad itong namula.


"Bumawi ka sa susunod na banat mo, Casimiro," biro ni Ramon.


Nagkatawanan ang tatlo na parang isang munting pahinga mula sa bigat ng kanilang laban.


Ang unang bugso ng umaga ay tila may dalang bagyo, hindi sa langit kundi sa puso ng mga taong nagsisimula nang makakita ng liwanag matapos ang matagal na kadiliman.


Sa lumang kumbento na ngayo'y pansamantalang tinutuluyan ni Ramon, pinagmamasdan niya ang hawak na kasulatan, ang natagpuang huling testamento ni Fray Pedro de Herrera.


Hindi siya anak ng isang magsasaka, gaya ng paulit-ulit na sinasabi ng kanyang ina. Siya ay apo ni Fray Pedro de Herrera, at ang kanyang ama na namatay sa murang edad, ay si Miguel de Herrera, anak sa labas ng prayle.


"Hindi ako makapaniwala... ako?" anas ni Ramon, hinahaplos ang pangalan sa lumang papel. "Lupaing pinag-aagawan nila... akin pala talaga ang karapatan."


Isang linggo ang lumipas mula nang matuklasan nila ang lihim ng mga titulo ng lupa at ang tunay na pinagmulan ni Ramon. Pinabilis ang proseso ng imbestigasyon, at sa kabila ng lahat ng unos, natutunan nilang magsalita at magtulungan. Ang kanilang laban ay hindi natapos sa mga dokumento, kundi sa mga hakbang na magdadala ng pagbabago sa kanilang komunidad.


Si Don Damian, ang sinisisi sa lahat ng kaguluhan at katiwalian, ay ipinasok sa korte para sa paglilitis. Kasama ang mga katunayan ng kanyang mga pekeng kasulatan, mga testimonya mula sa mga saksi, at mga dokumento na nagpatibay sa kanyang mga krimen, isang magiting na paglilitis ang naganap sa harap ng mga hurado ng Real Audiencia.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon