Capitulo 59: Mga Pangil sa Lilim ng Gabi

148 3 1
                                        


Mabilis ang tibok ng puso ni Anastacia habang papalapit sa silid-kasulatan. Bagamat madilim na ang langit sa labas, ang loob ng Casa Municipal ay maliwanag pa rin, tila sumasalamin sa apoy ng pagnanais nilang ilantad ang katotohanan. Nasa kabilang gilid ng silid si Casimiro, tahimik na binabasa ang isa sa mga talaan, ngunit paminsan-minsan ay lihim siyang sumusulyap kay Anastacia. Hindi niya maitanggi sa sariling gumagaan ang loob niya sa tuwing nakikita ang dalaga, lalo na ngayon, na kahit sa gitna ng panganib, nananatili itong matatag at buo ang loob.


"Bakit ganyan ang tingin mo, Casimiro? Para kang nakakita ng diwata," pabirong sabi ni Anastacia habang kinikilig sa loob.


"Dahil sa kadahilanang.... para kang ilaw sa madilim kong mundo," sagot niya, sabay ngiti.


Napailing si Anastacia. "Naku, kung kailan seryoso ang sitwasyon, saka ka nagpapatawa."


"Ay, gusto mo bang seryosohin kita ngayon?" tanong niya, sabay lapit.


Namula ang pisngi ni Anastacia, pero bago pa siya makasagot, may narinig silang ingay mula sa ibaba. Mabilis silang nagkatinginan. Nasa itaas pa rin ang mga dokumentong kanilang isinuri, mga patunay ng sistematikong pandaraya sa lupa, pangalan ng mga Don, pati na si Padre Jimeno, na ngayon ay isa nang nabunyag na traydor sa bayan.


Nagmadali silang ayusin ang mga tala at ilagay sa kahong dala ni Casimiro. Tumakbo sila papunta sa kabilang silid, ang silid-aklatan, kung saan naroon ang nakatagong lagusan. Ngunit pagbukas nila ng pintuan, isang pamilyar na tinig ang sumalubong sa kanila.


"Hindi ko na kailangang hanapin pa kayo. Alam kong sa huli, kayo ang magbubunyag sa sarili n'yong kapahamakan."


Si Don Dionisio. Kasama ang dalawang lalaking armado ng sundang at baril.


Tahimik ang gabi ngunit ramdam ang tensyon. Dahan-dahang naglakad si Don Dionisio papasok, ang sapatos niyang itim ay umuukit ng tunog sa kahoy na sahig. Tila musika ng panganib.


"Ano ang kailangan ninyo, Don Dionisio?" tanong ni Casimiro na mariing hawak ang kahon.


"Isang babala," aniya. "Na may hangganan ang pakikialam sa mga bagay na hindi ninyo kayang baligtarin."


"At kung hindi kami tumigil?" tanong ni Anastacia, mariing nakatingin.


Tumawa si Don Dionisio, mababa, malamig. "Hindi na ako kailangang magsalita pa. Ang mga kaganapan na ang magsasara ng inyong bibig."


Pero bago pa siya makalapit, isang palakpak ang umalingawngaw mula sa anino ng pasilyo. Lumabas si Ramon, kasama ang ilang kawal ng pueblo, na agad tumutok ng armas sa mga tauhan ni Don Dionisio.


"Hindi lamang kayo ang may kaalyado," aniya, at sa wakas, nagtagpo ang kanilang mga pwersa.

====

Nagsagawa ng pagpupulong sina Casimiro at Anastacia kasama ang mga repormista. Inatasan niya ang mga ito na suriin isa-isa ang mga dokumento. Dahil sa pagod, napag-isipan ni Casimiro na manatili muna nang mag-isa sa kaniyang opisina. Ngunit sa halip na magpahinga, hinihila ng mga papeles ang kaniyang katawan upang isa-isang suriin.


Habang pinipilit ni Casimiro na intindihin ang sulat-kamay sa isang dokumento, napalapit si Anastacia.


"Parang kailangan mo ng salamin, Senyor Gobernadorcillo," biro niya.


"Mas kailangan ko yata ng magtuturong suriin ang mga lumang sulat. Hindi ko mabasa kung 'Pedro' ba o 'Petrang pusakal.'"


Napahagalpak ng tawa si Anastacia. "Ako na nga. Alam mo ba, kung hindi ka lang matikas at matalino, iisipin kong inosente kang bata."


"Eh paano kung sabihin kong ako'y bata sa puso pero lalaking handang magmahal?"


Namula siya, pero hindi siya nagpatalo. "Mabuti na lang at may ginagawa tayo. Baka kung saan mapunta ang usapang 'yan."


Ngunit matapos ang usapang biro, naging seryoso ang gabi. Pinag-isa nila ang lahat ng dokumento, mga patunay ng pamemeke ng titulo, lagda ni Padre Jimeno sa ilang kontrata ng pagbili ng lupa mula sa mga sapilitang pinaalis na indio, at mga resibo ng suhol mula kay Don Anselmo at Don Dionisio. Naging malinaw na hindi lamang iisang tao ang nasa likod ng lahat kundi isang buong sistema ng katiwalian.


Habang isinusulat ni Casimiro ang ulat para sa Real Audiencia, naupo si Anastacia sa tabi niya, at sa isang di-inaasahang sandali, sumandal ito sa balikat niya.


"Alam mong maaaring mawala tayo sa laban na ito, hindi ba?" bulong niya.


"Oo," sagot ni Casimiro. "Pero kung ang pagkatalo ay kapiling ka, mas pipiliin ko iyon kaysa manalo nang mag-isa."


Tahimik. Nang sumulyap si Casimiro, nakatingin si Anastacia. Sa isang iglap, tila walang katiwalian, walang Don, walang Padre Jimeno sila lamang. Muntik na silang maghalikan nang biglang bumukas ang pinto.


"May dumating na kabayo, may bisita!" sigaw ng isang kawal. At nagbago ang ihip ng hangin.


"Ano ang mga dokumentong hawak ninyo?" tanong ni Don Anselmo, habang tinuturo ang kahon.


"Katibayan ng inyong kasinungalingan," tugon ni Casimiro.


Ngunit bago siya makalapit upang agawin ang kahon, inamba ni Ramon ang baril. "Subukan mong kunin ito, at baka hindi na makarating sa Real Audiencia ang balita kundi sa iyong puntod."


Tumalikod si Don Anselmo, malamig pa rin ang ekspresyon. "Bibigyan ko kayo ng isang gabi. Isang gabi para isiping mabuti kung nais n'yong mabuhay nang tahimik o mamamatay na parang mga rebelde."


Lumabas silang lahat, at naiwan sina Casimiro at Anastacia sa gitna ng katahimikan.


"Hindi na ito basta imbestigasyon," bulong ni Anastacia. "Rebolusyon na ito."


"Oo," sagot ni Casimiro, hawak pa rin ang kamay niya. "At sa rebolusyon, kailangan ng tapang... at ng pag-ibig."


Ngumiti si Anastacia. "Kung ganon, hindi tayo matatalo."

La EscapadorMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon