Capitulo 69: Aninong Hindi lumilingon

118 3 0
                                        




Walang lagda ang liham. Hindi rin pormal ang pagkakasulat. Ttila minadali, at ang tinta'y bahagyang may bahid ng tubig. O luha.


"Mag-ingat ka. Hindi lahat ng lumalapit ay kakampi. Minsan, ang apoy ay hindi mula sa kaaway kundi mula sa kandilang itinuturing mong ilaw. Hindi mo kakailanganing lumayo, sapagkat ang babagsak sa'yo ay nasa tabi mo na."


Sandaling natigilan si Casimiro. Parang biglang humina ang liwanag sa paligid. Inikot niya ang kanyang paningin sa loob ng silid: mga papel, talaan ng bigas, mapa ng mga sakahan, at ilang sulat mula sa mga bayaning repormista. Ngunit ngayon, ang lahat ng iyon ay tila naging anino. Isang malamig na hanging dumaan sa siwang ng bintana ang nagparamdam sa kanya ng ginaw, pero hindi ito ginaw ng katawan kundi ng kaisipang binulabog ng pagdududa.


Sino?


Ang tanong ay sumiklab agad sa kanyang utak. Sino sa kanyang hanay? Sino sa mga taong pinapapasok niya sa kanyang mundo ang posibleng may binabalak na masama?


Tumindig siya, lumapit sa bintana, at tumingin sa kalsadang may kaunting liwanag ng parol. Ilang mga babae ang nagbabalot ng pagkain sa ibaba, kabilang si Anastacia na abalang-abala sa pagtuturo kung paano ibalot nang pantay ang mga tulong. Kumislap ang kanyang mata sa buwan. Isang ngiti ang sumilay sa labi nito habang may batang kumalabit sa kanyang braso.


Ang bigat sa dibdib ni Casimiro ay tila nabawasan saglit. Ngunit hindi tuluyang nawala. Sapagkat ang babala ay hindi basta sulat lamang . Ito'y panimula ng isang aninong hindi pa niya lubos na maaninag.


Kinabukasan, pinatawag ni Casimiro ang ilang pinuno ng bayan upang pag-usapan ang muling pagbubuo ng imbakan ng palay at ang plano sa pagtugon sa lumalalang kakulangan sa pagkain. Ngunit gaya ng dati, ang ilang miyembro ng principalia ay hindi umupo para makinig. Umupo sila para manisi.


"Ano pa bang silbi ng pagpupulong na ito," ani Don Lucio, isang matandang kavinte na matagal nang salungat sa kanilang reporma. "Hindi ba't dapat ang mga repormista mong kasamahan ang nagpapaliwanag kung bakit kayo palpak?"


"Kung hindi sana dahil sa mga eksperimentong makabago n'yo," dagdag ni Don Hilario, "edi sana hindi nasunog ang imbakan! 'Yang Balai ti Babbai n'yo, anong silbi kung kababaihan na ang nagtuturo ng bayan tapos tayo ay nagugutom?"


Tahimik si Casimiro. Hindi niya na muling ipinaliwanag ang plano. Hindi niya na muling binanggit ang inisyatiba ni Anastacia. Sa halip, tinitigan niya ang kanilang mga mata. Hinahanap niya ang aninong sinasabi sa sulat.


Lumalim na ang gabi ngunit hindi pa rin matahimik ang loob ni Casimiro. Paulit-ulit niyang binabasa ang sulat na tila ba kapag inisa-isa niya ang bawat titik, may masisilayang bagong kahulugan, bagong palatandaan. Ngunit wala. Nananatili itong mapanlinlang, nananahimik at mapanganib.


Hindi sapat ang sapantaha.


Kung may natutunan siya bilang pinuno. Ito ang aral: ang hinala na hindi pinatunayan ay parang apoy na walang direksyon. Lumalamon ito ng kahit sino.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon