Nakasalampak si Anastacia sa bintana ng kusina, hawak ang basang trapo, ngunit matagal na itong tuyo. Mula roon ay natatanaw niya ang bakuran kung saan inaayos nina Ramon at ni Mang Erning ang lumang karwaheng may sirang gulong. Nakatindig si Casimiro sa lilim ng punong mangga, ngunit hindi siya lumalapit. Nakatitig lamang. Hindi gaya ng dati na palaging may biro sa labi o kaya'y mahinang hirit na may halong paghanga.
Napansin niya ang panlalamig. Sa bawat paglapit niya ay tila ba umiiwas si Casimiro, kung hindi man ay sadyang nagkukunwaring abala. Sa mga pagpupulong sa Casa, halos hindi siya nito pinapansin. At noong sinubukan niyang magpakita ng kabiruan, isang malamig na ngiti lamang ang kanyang tinanggap.
"Bakit kaya?" bulong ni Anastacia sa sarili, sabay ngiti.
Kinagabihan, habang abala siya sa pagsasara ng mga bintana sa Casa nahuli niyang muli si Casimiro, nakatayo sa di kalayuan, ngunit agad lumihis ng tingin nang magtama ang kanilang mga mata.
Sa sumunod na araw, kasabay ng paglubog ng araw, hindi na niya mapigil ang sarili. Mula sa Casa, naglakad siya patungong tabing-dagat ng Pueblo Camaya. Doon siya madalas nag-iisip. At doon nga niya nakita si Casimiro, nakaupo sa isang batong malapit sa dalampasigan, hawak ang isang pirasong kahoy na kaniyang hinahagis-hagis sa alon.
"Kung gusto mong umiwas, hindi dito ang tamang lugar," simula ni Anastacia.
Hindi agad nagsalita si Casimiro. Tila ba pinipigilan ang sariling humarap. Ngunit makalipas ang ilang sandali, tumindig siya at humarap kay Anastacia.
"Hindi ako umiiwas," aniya, "pinipili ko lang... huwag masaktan."
Napangiwi si Anastacia. "Masaktan? Ako ba ang nananakit sa'yo ngayon?"
"Tingin mo ba hindi? Araw-araw ko kayong nakikitang masaya ni Ramon. Tawanan dito, biruan doon. Palaging magkasama. Ano pa bang papel ko sa 'yo?" tanong ni Casimiro, may halong pait.
"Walang masama sa amin ni Ramon! Isa siyang kaibigan. Wala akong ginagawang masama," sagot ni Anastacia, lumalalim ang tono.
"Hindi mo kailangang gumawa ng masama para saktan ako, Anastacia," mariing sambit ni Casimiro. "Minsan sapat na yung makita kong may iba kang pinaglalaanan ng oras. Hindi ko iniisip. Nakikita ko. Araw-araw kayong magkasama, nag-uusap, nagtatawanan. Hindi ko maalis sa sarili kong—" naputol ang salita ni Casimiro, pinigilan ang pagbukal ng damdamin.
"Ano, Casimiro? Hindi mo maalis sa sarili mong ano?" tanong ni Anastacia, lumalapit sa kanya.
Lumingon sa wakas si Casimiro, at sa unang pagkakataon, hayagang ipinakita ang lungkot sa kanyang mga mata. "Na mahalin ka, Anastacia. At matakot. Matakot na hindi mo ako pipiliin."
Napahinga ng malalim si Anastacia. "Hindi kita hinihiling na piliin mo ako, Casimiro. Pero kung alam mo lang kung gaano kita hinanap, kung ilang liham mo ang itinago ko't binasa ng paulit-ulit—"
Hindi na siya natapos. Hinawakan ni Casimiro ang kanyang kamay, mahigpit ngunit banayad. "Kung ganoon, bakit parang ang layo mo pa rin?"
BINABASA MO ANG
La Escapador
Historical Fiction[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
