Capitulo 72 (Fin) : Dulo ng Alon, Simula ng Bukas

453 11 17
                                        



"Noon, hindi kita sinagot sa mga sulat mo. Hindi dahil wala akong nararamdaman, kundi dahil alam kong may mas matimbang tayong laban. Ngunit ngayon..."


Lumingon siya sa plasa, sa mga taong sumasayaw at tumatawa.


"...Ngayon, wala na tayong dapat patunayan sa kanila. Kundi sa isa't isa."


Hinawakan niya ang kamay ni Casimiro. "Oo."


Isang tahimik ngunit mariing oo. Hindi nagpalakpakan ang gabi, ngunit sumayaw ang mga bituin sa langit. Sa kanilang pagitan, isang halik ng pangako.


Isang panukala ng pag-ibig na hinubog ng panahon, at pinanday ng pakikibaka.


Sa gitna ng pista, sa gitna ng kasaysayan, may dalawang pusong sabay na muling tumibok, hindi para sa sarili lamang, kundi para sa bayang matagal na nilang minahal.


Bumaba ang araw na parang dahon ng sinag na marahang lumalapat sa balat ng dagat. Isang gintong liwanag ang bumalot sa buong bayan na tila liwanag ng isang panahong tahimik at isang umagang sa wakas ay naabot.


Sa loob ng simbahan ng Bantay, sa ilalim ng matandang kisame na saksi sa mga panata ng mga nauna sa kanila, humimpil si Anastacia sa gitna ng mga bulaklak na puti at dilaw, suot ang isang payak ngunit maringal na saya, pinagtagpi-tagping sinulid ng nakaraan, pagkabigo, tagumpay, at ngayon ay pag-ibig. Wala ni anino ng rehas o pag-uusig. Nariyan siya, isang babae sa altar na hindi bilang bihag ng lipunan kundi bilang kanyang sariling tagapaglikha ng tadhana.


Nasa harapan niya si Casimiro, may bahagyang ngiti sa labi, suot ang isang barong may burdang palatandaan ng kanilang bayan. Sa mga mata nito'y may lungkot na natuldukan, at galak na sa wakas ay nahaplos. Humawak siya sa kamay ni Anastacia. Marahan, may bigat ng pangako, may init ng pananalig.


Ang simbahan ay puno ng katahimikan at ningning. Naroon si Donya Vivencia, may luha sa mata ngunit matikas pa rin ang tindig. Sa tabi niya si Asuncion, na hindi na babae ng anino kundi kababaihang may bagong gampanin. Si Angelita, tahimik na nakangiti, at sa hulihang upuan, isang pigura mula sa malayo, si Antonina, ang panganay ni Donya Vivencia, na naglakbay pa mula Inglatera upang dumalo. May bahid ng banyagang ayos, ngunit sa puso, hindi kailanman nawala ang pagiging Ilokana.


Hindi magarbo ang seremonya, ngunit bawat pananalita ay mabigat sa kahulugan.


"Sa harap ng Diyos at ng bayan, tinatanggap mo ba si Anastacia bilang katuwang sa hirap at ginhawa?"


"Oo," sambit ni Casimiro, hindi lamang sa papel kundi sa puso.


"At ikaw, Anastacia—tinatanggap mo ba si Casimiro, hindi bilang tagapagligtas, kundi bilang kapantay sa bawat laban?"


"Oo," sagot niya. "At bilang kasama sa mga bagay na tatahakin ko pa,maging sa mga daang wala pa sa mapa."


Nagpalakpakan ang mga tao, ngunit hindi malakas. Para bang piniling respetuhin ang katahimikan ng okasyon, na ang bawat halakhak ay isang dasal, ang bawat luha ay tanda ng tagumpay.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon