"Maraming salamat, Ate Asuncion. Unti-unti na nagkakaliwanag. Ito mga listahang naririto ay maaari nating imbestigahan, kung saan ginamit ang mga gaserang binili nila," saad ni Anastacia sa kapatid.
"Walang anuman, nais kong makatulong upang malinis ang ngalan ng aming samahan," tugon ni Asuncion.
"...at ni Maximiliano," wika ni Casimiro.
Napayuko si Asuncion. "Nassan na kaya siya?"
"Huwag kang mag-alala, tiyak na matatagpuan rin siya," saad ni Anastacia.
Hindi sumagot si Casimiro dahil nananatiling inililihim niya ang pagkakatagpo niya kay Maximiliano habang ito ay nagpapagaling pa lamang. Ngunit ang mga tingin niya kay Asuncion ay nagpapahiwatig sa dalaga na kontrol ang lahat ng Casimiro at sinisiguro niya ang kaligtasan ni Maximiliano.
Malaki ang pasasalamat ni Asuncion at mabibigyang solusyon na rin ang kanilang suliranain. Kaya ipinangako niya sa sarili na tutulungan ang adbokasiya ni Anastacia para sa mga kababaihan, upang magkaroon ang bawat isa ng pagkakataong tumindig at magkaroon ng papel sa lipunan.
Kaya naman sa tuwing may sobra sa mga pagkaing mula sa Balai ti Babbai, hindi niya kinakalimutang magdala ng pagkain sa kumbento bilang pasasalamat at pagdarasal sa kaligtasan ng buong bayan at ng mga taong mahal niya.
Isang takipsilim, ipinadala siya ng kumbento upang magdala ng pagkain sa isang may sakit na madre sa kabilang bayan. Iniwasan niya ang daang pampubliko at tinahak niya ang mas maiksing daan papunta sa sa kumbento sa Bantay. Umaasa rin siyang mahahanap niya si Maximiliano sa kagubatan. Napadpad siya sa gilid ng Ilog Mestizo.
Isang anino ang nahagip ng kaniyang mga mata, dahil sa kuryosidad, lihim niyang sinundan ito. Nang magtamaan ito ng buwan nakita niya ang isa sa mga kawani sa pamahalaan na kilala sa pagiging sunud-sunuran kay Don Alvaro. Matagal na siyang nagtataka sa mga kilos ng lalaki. Pumasok ito sa isang maliit na kubo.
Dahan-dahan siyang lumapit sa bintanang kawayan na may kaunting siwang.
Sumalampak sa isang lumang silya ang lalaki, hawak ang isang baso ng alak. Sa harap niya ay ang ilang lalaking mukhang tulisan—may peklat, may tagilid ang mata, at may ilang may hawak pang patalim.
At doon niya narinig ang boses na hindi niya malilimutan.
"Siguraduhin mong makalusot ang mga 'tulisan' sa mismong entrada ng simbahan. Sa gitna ng misa, sisigaw sila ng pag-aalsa. Sa gulo, ipapakalat ang mga pasabog na papel na nagsasabing si Casimiro ang nag-utos."
"Hindi sapat ang apoy," aniya sa isang lalaking nakatayo sa kanyang tabi, nakatalukbong ng itim na kapa. "Kailangan nila ng takot. Kailangan nilang maalala kung sino ang tunay na makapangyarihan."
Nanlamig ang katawan ni Asuncion. Tinakpan niya ang bibig upang hindi mapasigaw.
"Nagtagumpay tayo sa sunog. Ngunit hindi pa tayo tapos," aniya. "Ang babae ang dahilan. Kung walang Anastacia, madali kong mauuto ang batang Casimiro."
BINABASA MO ANG
La Escapador
Historical Fiction[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
