27. Ang Nalalapit Na Kasal

617 27 4
                                    

"ARTUUROO!!" Sigaw ni Bellen sabay pumasok siya sa bahay niya at nagsara ng pinto. Biglang nawala ang nagwawalang si Arturo. Sumilip siya at nakita niyang kalmado na ang paligid. Humiga siya at natulog.

Kinabukasan ay may kumatok sa bahay niya. "Ate Bellen may naghahanap sa'yo!" Sabi ng kapit bahay niya. Binuksan niya ang pinto at nakita niya ang matandang si Rosana. Pinapasok niya at pinagtimpla ng kape. Pinaupo niya si Rosana sa paboritong maliit na upuan ni Lyka pag nag-aaral ito kasama ng mababang lamesa ni Lyka na patungan ng libro. Doon niya nilapag ang kape. Umupo si Bellen sa malinis na sahig. Magkaharap sila ni Rosana. Nakayuko lang si Bellen habang humihigop ng kape si Rosana.

"Hanggang ngayon pala ay tanda mo pa ang tamang tamis ng kape para sakin." Napatingin si Bellen kay Rosana at nagsalita uli ito. "Anong nangyari sa'yo Bellen? Ang balita dito patay ka na!"

"Kakang Osang.." Mahinang bigkas ni Bellen.

"Ang akala ko noong una ay kapangalan mo lang ang Bellen na Ina ni Lyka, pero kagabi lang ay napatunayan ko na ikaw si Bellen na dati kong tindera. Lubos ang saya ko kaya hindi ako nakatulog. Totoo nga na buhay ka. Umaasa ako na patay ka na pero halos taon ang binilang na umasa akong buhay ka."

"Pa'no niyo po nasabi na patay na ako Kakang Osang? Eto ako, buhay na bubay. Dahil ba sa nawala ako? Nagtago ako ng matagal na panahon. Inaasahan ko nang makikilala niyo ako pagtagal."

"Noong panahon na nawala ka ay may nahuling malaking ahas sa bukid. Biniyak ang katawan at nakita ng mga tao ang isang katawan ng babae. Ilang araw ka nang hindi nagpapakita kaya inakala ng lahat na ikaw ang babaing 'yon." Gulat na gulat si Bellen.

"Ganon po ba?!"

"Ikaw pala ang Ina ni Lyka na nakatira sa gubat noon. Anak siya ni Arturo, tama ba?"

"O-opo."

"Hindi namin pinaalam kay Arturo na patay ka na pero sa mga oras na ito ay malamang pinaalam na sa kaniya ni Luis ang lahat. Bumalik si Arturo dito at kinakamusta ka. Sinabi na lang namin na nasa Mindanao ka at nagbabakasyon. Para lang hindi niya sisihin pa ang sarili niya."

"Walang saysay ang pangangamusta niya dahil may asawa na siya. Bumalik lang siguro siya para sa ibang bagay."

"Tama ka Bellen. Pero anong nangyari? Paano mo nagawang buhayin si Lyka?"

"Napadpad ako sa gitna ng gubat at hinimatay. Paggising ko ay nasa kubo na ako ni Tatang Arman. Ayoko nang bumalik kaya doon na ako nanirahan hanggang sa pinanganak ko si Lyka."

"Pa'no mo naipanganak si Lyka? Marunong ba ang matandang 'yon na magpaanak?"

"Opo Kakang Osang. Marunong siya at namatay siya pagtapos ng dalawang taon. Siya na mismo ang naghukay ng libingan niya kaya hindi na ako nahirapan na ilibing siya."

"Mabuti at mabait siya?"

"Noong una natakot ako pero mabait naman pala siya."

"Gusto mo bang malaman ni Arturo na nandito ka?"

"Kakausapin ko muna si Lyka tungkol diyan. Sa susunod na taon pagkagraduate niya sa kolehiyo ay kakausapin ko siya."

"Hindi mo lang alam Bellen kung gaano ako kasaya ngayon. Ang babaing pinagluksa ko ng matagal na panahon ay buhay pala." May tumulong luha mula sa mga mata ni Rosana.

"Pasensya na po Kakang Osang."

"Ayos lang, ang mahalaga'y malusog ka ngayon. Gusto mo bang ilihim ko ito Bellen?"

"Kayo po ang bahala pero sana 'wag niyo po munang mabanggit kay Arturo ito."

Balik sa kasalukuyan.

Like A FrogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon