Entry # 75: UNANG PAG-IBIG (Romance/Non-fiction)

1K 0 4
                                    

Unang beses pa lang kitang nakita pagpasok mo sa restaurant na 'yon, naagaw mo na ang atensyon ko. Pakiramdam ko, bumagal ang oras, bawat pagkilos at ngiti mo, tumatatak sa isipan ko.



Nagsimula tayo sa simpleng batian hanggang sa pabigla-bigla mong pagsulpot para lang kulitin ako, at hingin ang contact number ko. Lihim akong natuwa sa mga ginagawa mo. Naging malapit tayo at kinilala ang isa't-isa, hanggang nagtapat ka ng pag-ibig at sinuyo ako. 'Di nagtagal naging tayo.



Naging masaya naman tayong dalawa, isang beses isang linggo tayo kung magkita dahil busy ka sa pag-aaral at part-time job, at ako, bilang full time sa trabaho.



Pero nagkamali ako, dahil nawalan ka ng oras sa'kin hanggang nakipaghiwalay ka. Sinabi mong 'di ka na masaya. Nasaktan ako.



Hindi mo man lang inisip ang nararamdaman ko! 'Di mo ba alam kung ga'no ako nahirapan! Bilang isang babaeng unang beses nagmahal! Tapos, iniwan mo lang nang basta-basta!



Lumipas ang maraming taon, muli akong nagmahal at inakalang nakalimutan ko na  ang nangyari. Hanggang muli tayong nagkita.



"So, kamusta ka naman," malambing mong tanong.



Tahimik kitang pinagmasdan, kasabay ng walang tigil na pagkabog ng dibdib ko. Sa sobrang gulat, 'di ako nakapagsalita ng makita ka. Parang sasabog ang puso ko sa sobrang kaba. Napakabilis, hindi ko mapigilan. Ilang taon na ng huli kitang masilayan, pero ang puso ko 'di nakalimot, kung paano mo ko sinaktan at iniwan.



Tapos muli nanamang nagbalik ang komunikasyon nating dalawa kahit bilang magkaibigan. Oo, alam kong isa 'yong kalokohan dahil may kakaiba parin akong nararamdaman para sa'yo. Pero pinigilan ko yun dahil alam kong mali. Pareho na tayong committed.



Nang dumating ang araw ng birthday ko nagbago ang lahat, saktong alas dose ng madaling araw, hinintay kong batiin ako ng boyfriend ko dahil nakaugalian na niyang gawin 'yon.



Pero lumipas ang dalawang oras, wala akong natanggap, umasa lang ako. Pero nagulat ako ng tumawag ka. Nangamusta at sinermunan mo pa ko nang malaman mong hindi pa ko natutulog.



"Ganito na lang, i-message mo siya, sabihin mo, nagtatampo ka dahil nakalimutan niya, tapos matulog ka na. Masama sa'yo ang nagpupuyat. Alagaan mo sarili mo."



Sa sinabi mo, gumaan ang pakiramdam ko at mas lalo akong natuwa ng batiin mo ko.



"Happy birthday, tandaan mo dito lang ako for you."



Simula nung naging tayo at nagkahiwalay hindi mo pa 'yon nagawa.



Nakipaghiwalay ka noon bago ang kaarawan ko, tapos ngayon, sinaktan mo naman ako sa mismong birthday ko.



Matapos nating mag-usap at ikuwento mo ang paghihiwalay ninyo, nakatulog na'ko. Kinagabihan kinamusta kita pero nagulat ako sa sinabi mo.



"Just leave me alone," madiin mong sabi. "Hindi kita kailangan."



'Di ko alam kung anong nangyari para magalit ka. Naguguluhan ako. No'ng umaga lang ang sweet mo, pero ngayon tinutulak mo ko palayo. Akala ko magkaibigan tayo pero may malisya pala sa'yo ang lahat.



"I-I'm s-sorry," gusto kong sabihin sa'yo pero 'di ko nagawa.



Sorry kasi hindi ko siya kayang iwan.



Minahal kita, noon, pero hindi na maibabalik ang nakaraan.



Siguro hanggang dito lang tayo.

Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon