Entry # 95: Love Thy Neighbor (Romance/Tragedy)

953 0 4
                                    

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko sa mga oras na ‘to. Ikaw ba naman ang makatayo sa gitna ng simbahan, kasama ang taong mahal mo? Ang bakla mang pakinggan, ngunit parang maluluha talaga ako. Parang ang bilis lang nga naman ng mga pangyayari.

Parang kailan lang no’ng una ko siyang nakita. Nasa kwarto lang ako no’n, nakaupo sa isang silya’t nakadungaw sa labas ng bintana. Bigla namang nakuha ang atensyon ko ng nakita kong babaeng papasok sa katabi naming bahay, may pasan-pasan siyang dalawang maliliit na karton. Kahit na nahihirapan siya’y napakaganda pa rin niya. Sa araw na ‘yon, nasabi kong “S’ya na.”

Parang kailan lang din no’ng napilit ko ang sarili kong magpakilala na. Linggo ‘yon at alam kong pagdating ng alas tres ay lalabas siya’t magsisimba nang mag-isa. Paglabas niya’y nakita ko na lamang ang sarili kong tumatakbo papunta sa kanya. Nagulat nga lang ‘ata siya’t bigla na lang sumigaw ng “Magnanakaw!” at muntikan pa akong mahampas. Ibang klaseng babae, hindi lang maganda, matapang pa. Naipaliwanag ko naman nang mabuti ang sarili ko’t pumayag pa siyang sabay kaming magsimba. No’ng araw ding ‘yon e nakuha ko ang number at pangalan niya. Cersei, napakagandang pangalan, hindi ba?

Parang kailan lang din no’ng ligawan ko siya. Marami rin akong sinubukang paraan mapa-oo ko lang siya. Nalaman ko namang mama niya lang pala ang kasama niya, hindi niya raw kilala ang papa niya simula no’ng bata pa siya. Napasabi tuloy ako ng “Huwag kang mag-aalala, dahil magiging mabuting tatay ako sa mga anak natin. Hinding-hindi ko sila iiwan.” Tinawanan niya lang ako, dahil sa panahon nga naman na ‘yon e hindi pa kami.

Parang kailan lang din no’ng sinagot niya ako. Totoo pala talaga ‘yong mapapatalon ka’t mapapasuntok sa hangin sa sobrang saya. Itinago nga lang namin ang aming relasyon dahil hindi pa raw siya pwedeng magka-nobyo lalong-lalo na raw kung ako. Palaisipan talaga sa’kin ang bagay na ‘yon, bakit hindi pwede? Hindi naman ako pangit at disenteng pamilya ang pinanggalingan ko. Pero masaya na rin kami sa sitwasyon naming ‘yon, dahil habang tumatagal e mas nagiging kaabang-abang.

Dumating ang araw na naglakas loob kaming magtapat sa mga magulang namin. Ngunit laking gulat ko nang isang suntok ang nakuha ko kay papa. “Hindi maaari!” ang tanging tinuran niya.

Sinubukan namin silang kumbinsihin, pero mali pala ang aming nagawa. Ang kamaliang ‘yon apat na taon na ang nakararaan, ang nagdala sa amin sa lugar na ‘to ngayon. Nakasuot siya ng damit pangkasal at ako’y naka-amerikana, nasa harap kami ng simbahan kasama ang mapapangasawa’t maid of honornila.  

Masakit. Masakit isiping best man na lang ako ngayon. Ngunit mas masakit alalahanin ang paliwanag ni papa no’ng araw na ‘yon.

“Jaime, alam na ‘to ng mama mo matagal na, pumayag pa nga siyang bilhin ko ang kabilang bahay para sa kanila,” tinuro niya si Cersei at ang mama niya, “bata pa lang kami noon at hindi ko sinasadyang pagtaksilan ang mama mo. Patawad anak, dahil ang babaeng minamahal mo’y anak ko rin. Magkapatid kayo.”

Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon