Entry # 65: Naku naman, Doray (Romance/Humor)

1K 3 10
                                    

Meet Doray, the ever OA tindera ng Cospachem products sa mga bahay-bahay pati na rin sa hindi bahay.

"Hay naku, Madam! Pramis puputi ka niya'ng whitening lotion na 'yan. Pramis, peksman mamatay ka, ay joke, ako pala." Isa lamang ang linyang iyan sa mga pangungumbinsing ginagawa niya upang makabenta siya ng mga produkto n’yang pinaglumaan na ng panahon, ‘di na kasi uso.  "Hay, Aleng Dolyar, tu-terti lang yan, 800ml na!"

Dahil nakumbinsi ang matanda, agad siyang bumilang sa malansa-lansang perang nakasilid sa bulsa ng mabaho niyang apron na isang beses sa isang linggo lang niya kung labhan. "Oh, ayan! ‘Yan ang kita ng mga isda ko ngayon. Dapat pumuti talaga ‘ko nito, ha?" Sabi nito ng ilahad ang pera sa kanina pa handang-handang sumalo ng grasyang si Doray.

"Hay naku, Mader. Hindi ka magsisisi." Ani naman ni Doray ng mapasakamay ang perang ilang araw niyang inasam-asam. Sa wakas, may pang tinapay na si Ronaldo, isip nito. "Magsisisi ka pa ba't ngayon ka lang kumuha." Pagpapatuloy niya sa sinasabi sa matandang aleng tunog pera ang pangalan. Lubos ang kaligayahan ni Doray dahil sa wakas, may fifty pesos na siya, ang kanyang kumisyon.

"Ibibili mo ‘yan ng tinapay ni Ronaldo?" Biglang tanong sa kanya ng nagsasalitang dolyar na kanyang ikinabigla.

"Ha? Saan niyo nalaman?"

At mula sa matanda’y napag-alaman niyang ang dalawang linggo na pala niyang sinusuhulan ng tinapay upang makuha ang numero ng telepono'y wala pala  talagang telepono. Kaya pala ganoon na lang ang kanyang pagtanggi, napagtanto ni Doray.

"Mahal mo si Ronaldo?" Muling tanong sa kanya.

"Hay naku! Oo naman! Noong una ko pa lamang siyang nakita, tumibok ng malakas ang puso ko na sa sobrang lakas, akala ko’y mawawalan na ‘ko ng puso." Nakadaop palad na kinikilig nitong lahad.

"Sa sasabihin ko'y tiyak na mawawalan ka ng puso." Isang tila makapangyarihang pangungusap ang binitawan ng matanda. "Iyong kasama ni Ronaldo sa talyer, si Carding, na‘ko, iha!" Biglang naramdaman ni Doray ang kanyang puso, napahawak siya rito. Kinabog ng kabog nito ang kabog ng puso niya noong una niyang makita si Ronaldo. "Kinakasama niya iyon. Itinago nila dahil alam mo na, maraming tsismosa."

At sa rebelasyong iyo'y walang sabi-sabing sumugod si Doray sa talyer. Nawalan nga siya ng puso, tulad ng inasahan ng matanda. Ang kaninang kinkilig na si Doray ay mala-dragong nag-aalab ngayon. Nakita niya si Ronaldo at agad siyang lumapit dito. "Akin na yang kamay mo, akin na! Kunin mo 'tong fifty pesos at bumili ka ng tinapay!"

"Buong buhay ko ngayon lang ako nabastos ng ganito! Kukunin mo ba o ipagkakalat ko ‘yang pagmumukha mo sa Facebook? Hayup ka. Patay gutom ka. Ikakalat ko 'to, humanda ka! Ano'ng buo mong pangalan?" Ngunit walang ibang ginawa si Ronaldo kun’di pagmasdan ang nag-aapoy na si Doray. “Hayup ka, kabayo ka!”

Sa kaganapa’y napatunayan ni Doray na ang pamusong lab at pers sayt ay hindi totoo. Napag-isipan niyang magpaganda na lamang dahil, “Hahanapin din ako ng maghahanap sa‘kin”.  Taong magmamahal sa kanya talaga ang ibig niyang sabihin. Naku naman, Doray!

Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon