Entry # 166: Sumpa Ng Dyosa (Romance/Fantasy)

560 3 2
                                    

Ang patak ng bawat minuto ay mas lalong nagpapabilis sa kanyang galaw. Dugo. Maraming dugo ang lumitaw sa kanyang pangitain na dahilan para bumaha ang walang kapantay na kaba sa kanyang puso. Napalunok siya. Hindi maaari!

Nang makatapak na ang paa niya sa lupa ng mga mortal ay napatigagal siya. Niyanig siya ng atmosperang yumakap sa buong lugar. Inilibot niya ang kanyang mga mata para lamang mapahindig sa pamilyar na paligid na sumalubong sa kanya.

"Akala mo ba'y hindi namin malalaman ang tagpuan ninyo," wika ng isang boses na nanunuya.

Hinanap ng kanyang mga mata ang nagsalita. Nanlalaki ang kanyang ulo ng makita ito. "A-Ares..."

Puno ito ng kulay pulang likido at alam niyang hindi sa katawan nito nagmula ang dugo. Lumarawan sa mukha niya ang sakit at poot ng makita ang bulto ng isang lalaking naghihingalo at nababalutan ng dugo hindi malayo sa kinatatayuan nito.

"Ang mortal ay mortal pa rin, Ilythia."

Wala pang segundo'y hawak na niya sa leeg ang Diyos ng Digmaan. "Hindi mo gugustuhing makalaban ako, Ares!" matigas na wika niya bago buong pwersang ibinalibag ito sa kaparangan.

Nagmamadaling nilapitan niya ang katawan ng lalaking iniibig at niyakap ang duguan nitong katawan.

"M-Mahal kong Ilythia..." Inabot nito ang mukha niya at ng malamang hindi siya guniguni lang ay gumuhit ang isang masayang ngiti sa labi nito. Bumalot ang lumbay sa buo niyang pagkatao. Ramdam niya ang pamamasa ng kanyang mga mata sa nakikitang paghihirap ng minamahal. "Huwag mong pag-aksayahan ng luha ang abang mortal na umiibig sayo ng lubos, mahal ko. Hindi ko kailanman nais na dulutan ka ng pasakit."

Kahit masakit sa kanya'y binigyan niya ito ng ngiti. Hinawakan niya ang kamay nitong nakahawak sa mukha niya. Nagtagpo ang kanilang mga mata. Paano ba pumasok sa isip ng kanyang ama na wakasan ang pag-ibig na sobrang tapat at ganda?

Tumulo ang isang patak ng luha mula sa kanya. Umalingawngaw ang panaghoy niya nang huminto sa pagtibok ang puso ng minamahal.

Gaano nga kaya kaimportante ang imortalidad para sa kanyang amang si Zeus? Hindi niya kailanman maiintindihan dahil kaya niyang itaya ang lahat lahat para makapiling ang lalaking iniibig.

Puno ng poot na tinignan niya ang kalangitan bago sinimulang isakatuparan ang isang sumpa. Bumalot sa kanyang kabuoan ang sakit ng isinaksak niya ang patalim ng espada sa kanyang dibdib. Umusal siya ng mga panalangin bago ipinikit ang mga mata. "Sa pagwakas ng buhay ay mabubuo ang panibagong pag-ibig. Ang sumpang ito sana ay madinig!"

Matapos bigkasin ang katapusan ng dalangin ay naramdaman niya ang unti-unting pagkaputol ng kanyang buhay. Ang kanyang katawan ay nawawala nang parang buhangin maging ang sa lalaking pinakamamahal.

Tiningnan niya ang pinakamamahal na nasa kandungan at buong ingat na hinawakan ang mukha nitong malapit ng mawala. Hinaplos niya ang buhok nitong kaylambot. Marahang ibinaba niya ang kanyang labi at inilapat iyong sa labi ng kanyang mangingibig. Tumulo muli ang isang patak ng luha ngunit sa labi niya ay lumarawan ang ngiting puno ng saya at pag-asa.

"Magkikita tayong muli, mahal ko... Pangako."

 



Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon