Entry # 149: Lihim na Pagsinta (Romance/Humor)

737 5 7
                                    

“You may now kiss the bride,” nakangiting sabi ng pari.

Napapikit na lamang ako dahil ayokong makita ang hindi kanais-nais, nakagigimbal at nakapangingilabot na eksenang ito. Hanggang ngayon ay hindi ko masikmura ang katotohanang sila ang ikinakasal ngayon at hindi kami. Ako dapat yung bride na hahalikan ni Bruno at hindi si Sheila na mukhang lamok na tipaklong na garapatang lisa!

Bestfriend ko si Bruno at si Sheila naman ay wala akong pakialam kung saang lupalop n’ya napulot. Nagkakilala kami ni Bruno sa trabaho—sa isang ahensya ng gobyerno na itago na lamang natin sa initials na D.P.W.H. Architect s’ya at engineer naman ako. Dahil madami kaming mga bagay na napagkakasunduan, lumalim ang aming pagkakaibigan. Ngunit sa paglipas ng panahon ay unti-unting nahulog ang loob ko kay Bruno. Palihim akong umasa na sana ay humantong sa pag-iibigan ang aming pagkakaibigan.

Pakiramdam ko ay soulmate na kami agad sa tuwing papasok ako sa opisina at pareho ang kulay ng suot naming damit. Kilig na kilig naman ako noong isinoli n’ya ang ballpen na hiniram n’ya sa akin. Naisip kong dumampi ang mga palad ni Bruno sa ballpen. Kaya naman halos hindi ko iyon mabitawan sa kadahilanang feeling ko ay magka-holding hands kami kapag hawak ko ang ballpen na hiniram n’ya. Halos maghurumentado naman ang puso ko noong minsang nakita kong kasama n’ya ang girlfriend niyang ang kagandahan ay mula paa hanggang leeg. Oo, may girlfriend si Bruno.

Lumubog ang napakadaming araw at sumikat ang daan-daang buwan. Kasabay nito ay ang pag-usbong ng mas sumidhi kong pag-ibig para kay Bruno. Dumating ang sandaling napagdesisyunan kong aminin ang lihim kong pagsinta sa kanya kahit na alam kong may girlfriend na s’ya. Pero isang kahindik-hindik na balita ang sinabi n’ya sa akin na naging dahilan para hindi ko maamin sa kanya ang tunay kong nararamdaman.

“Toni, ikakasal na ako! Magpapakasal na kami ni Sheila!” tuwang-tuwa n’yang sabi sa akin habang ang ngiti n’ya ay abot hanggang anit. Pakiramdam ko ay hinagupit ako ng latigo, pinalamon ng basag na bumbilya at binalatan ng buhay matapos kong marinig ang sinabi n’ya. Makalipas ang ilang taon ay…

Napatigil ako sa pagkukwento sa inyo dahil nagising ako bigla. Sa tagal pala ng pagkakapikit ko ay nakatulog na ako. Oo, nakapagkwento ako sa inyo habang tulog ako.

Nagpunas ako ng aking bibig dahil may kaunting tulo ng laway. Kasalukuyang nagpipicture taking sa harap ng altar sina Bruno at Sheila kasama ang mga pamilya nila. Mababakas sa kanilang mga mukha ang sobrang kaligayahang nadarama nila. Napabuntong hininga na lamang ako. Siguro ay dapat ko na lang tanggapin ang mapait pa sa ampalayang katotohanan na hindi kami ang nagkatuluyan ni Bruno. Magiging masaya na lamang ako para sa kanilang dalawa ni Sheila. Sadyang may mga bagay na hindi para sa akin dahil nakalaan para sa iba. ‘Di bale, mayroon namang mga bagay na hindi para sa iba dahil nakalaan para sa akin. Hindi man ako ‘yung bride na mamahalin ni Bruno magpakailanman, sapat na sigurong ako ang kanyang naging best man.

Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon