Entry # 144: Pagmamakaawa ni Lisa (Romance/Tragedy)

698 3 2
                                    

Tahimik ang kalsadang na kinalalagyan namin. Napakalamig ng semento na siyang sumasangga sa aking mukha.

Mabagal ang aking paghinga at ang bawat pagtaas at pagbaba ng aking dibdib ay nakakaragdag lamang sa sakit na nararamdaman ko ngayon. Kung pwede lang huwag nang huminga…pero hindi. Kailangan kong mabuhay.

Pilit na inaabot ng nanginginig kong kamay si Albert ngunit umatras siya.

Napaungol ako nang bigla ulit umatake ang sakit. Patuloy ang pagdaloy ng dugo mula sa aking ulo papunta sa semento. Inipon ko ang buong lakas ko at inilagay ang kamay sa malaking sugat upang mapigilan ang pagdaloy ng dugo.

“Albert…tumawag ka ng tulong…Gusto ko pang mabuhay…”  Sunod-sunod na umiling si Albert. Hindi ko alam kung ano ang mas masakit. Ang sugat na tinamo ko o ang kaalamang hahayaan lang akong mamatay ng taong mahal ko.  “S-sinabi ko namang… pinatawad ko na ang pagtataksil mo sa akin, hindi ba?” Humalo ang dugo at luha ngunit patuloy pa rin ang pagmamatigas niya.

Nahuli ko si Albert na nakikipagtalik sa mismong anak ng landlady. Hindi ko matanggap ang nangyari kaya tumakbo ako. Ikakasal na sana kami pero bakit nagawa pa rin niya iyon? Hindi ko namalayan ang paparating na sasakyan at tumilapon ang katawan ko.

Hit-and-run. Biktima ako ng hit-and-run.

“Maawa ka… Tumawag ka lang ng ambulansya…Kung gusto mo talaga si Amelia, magpapaubaya na ako. Albert, gusto ko pang mabuhay. Umaasa pa sa akin ang mga kapatid ko.” Kaya ko pang tiisin ang sakit. Kaya ko pa…

Anong gagawin ko upang mapalambot ang kanyang puso? Hindi ba’t ako ang dapat na magalit sa kanya? Hindi siya! Ako ang pinagtaksilan niya sa kabila ng pagiging tapat ko sa aming relasyon. Ipinagtanggol ko pa siya sa aking mga magulang dahil naniniwala ako na iiwan din niya ang mga masasama niyang bisyo gaya na lamang ng pagdudruga at babae.

Kung nandito lamang sina mama. Hihingi ako sa kanila ng tawad dahil hindi ako nakinig sa kanila. Totoo ngang alam ng mga magulang ang mas nakakabuti sa kanilang mga anak ngunit hindi ko na magagawa iyon.

Sumuka ako ang maraming dugo. Nanlalabo na ang aking paningin subalit ayoko pang magpatalo kay kamatayan.

Gumapang ako sa kanyang kinatatayuan. Ipinagsawalang-bahala ko ang pagreklamo ng aking katawan. Hindi lang head injury ang natamo ko, nabali ang mga buto sa aking dibdib.

Malapit na…

Pagkatapos ng isang taon, nahawakan ko rin ang mga paa niya. Inalog ko siya, tiningala gaya ng isang diyos na puno ng pagmamakaawa.

“Manahimik ka na, Lisa. Kahit isang milyon kang magmakaawa, hindi ako tatawag ng ambulansya. Patay na tayo. Pinatay mo ako isang araw matapos kang malagutan ng hininga sa ospital.”

WAKAS

Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon