Entry # 136: Monologo ng Mangingibig (Romance/Tragedy)

692 5 3
                                    

Kamusta ka na kaya d’yan? Ilang buwan na ba? Ayaw ko na kasing bilangin. Nakakain ka na kaya? Sigurado ako, ikaw ‘yung taga-ubos ng pagkain d’yan lagi kapag nabubusog ang mga kasamahan mo. Kapag naalala ko kung gaano ka katakaw sa pagkain, natatawa na lang ako.

Naalala ko nung una nating pasok sa UP, probinsyanong-probinsyano ka pa. Naka-violet kang flannel tapos sa loob ay naka-shirt kang puti – nakabukas pa ang polo mo. Hindi ko gustong husgahan kita agad sa unang pagkakita ko sa’yo, pero kasi yung lakad mong nag-aangas  ay nagpatawa sa akin ng sobra. Para kang isa sa mga tambay na laging nakikita sa mga bungad ng kanto.

Hindi ko akalaing magiging magkaibigan tayo. Pareho tayong nasa iisang college. Naging magkaklase sa ilang subjects. Laging nasa iisang pila kapag lunch. Sa parehas na tindahan tayo laging bumibili ng pagkain. Matalino ka – lagi kang nagre-recite sa mga discussion, laging may naisasagot sa mga quizzes, pinupuri ng mga instructor at prof ang iyong ka-intelektwalan sa katawan. Napapataas na lang ako ng kilay. Aba s’yempre, ‘di ako papayag na mas magaling ka sa akin, ‘no. Mas intelektwal ako sa’yo ng kahit kaunti.

Sabay tayong pumasok sa mga organisasyon sa loob ng unibersidad. Naapektuhan ang ating mga paniniwalang political, pati na rin ekonomikal sa pagsali natin. Pero hindi naman tayo – o ako, for that matter, nagsisi sa kung ano ang ating paninindigan. Alam naman nating tama ang pinaglalaban natin.

Naalala ko nung unang rally natin, sabi mo ay natatakot kang makuhanan ng camera. Baka kasi makita ka ng nanay at tatay mo sa mga demo. Kamo baka mapagalitan ka’t ‘di na papasukin ulit. Pero sige lang. ‘Di ka nagpapigil. Nag-rally ka pa rin. Kaso nga lang nakatakip ang iyong mukha ng baligtad na placard habang isinisigaw ang mga katagang, “Edukasyon! Edukasyon! Karapatan ng mamamayan!”

Sa rally ding yaon ko napagtanto na meron akong nararamdaman para sa’yo. Ang bawat dikit natin sa isa’t-isa, ang pagkapit-bisig natin, nagdadala iyon ng masarap na pakiramdam sa aking utak. Parang sinasabi nitong, “Hay, ayaw ko nang kumalas pa.”

Isang araw, bigla mo akong hinila. Sabi mo, may sasabihin kang importante sa akin. Kinabahan ako, pero sa likod ng aking isip ay ang saya na baka ikaw ay magtatapat din sa akin kaya’t ang sabi ko ri’y may sasabihin din ako sa’yo. Nung nandoon na tayo sa isang tahimik na lugar, nagulat ako. Nais mong sumapi sa hukbo. Seryoso ka. Maraming bagay ang tumakbo sa aking isip. Paano kung mapahamak ka? Alam mo ba ang gusto mong pasukin? Gusto kitang pigilan kaso katulad ng dati, ayaw mong magpapigil.

Pumunta ka na sa hukbo. Sigurado akong kasama mo na sila d’yan. Nakikipaglaban kasabay ang pagmamahal mo sa masa. Sana naisip mo na pwede namang mahalin ang masa dito. Dito malapit sa akin.

Oo, pareho tayong lalaki pero hindi ako nakaamin sa’yo. Ngayon, handa na ako. Pagkakita natin sa hukbo, aamin ako sa’yong gusto kita nung una pa lang kitang makilala. Sabay nating mamahalin ang masa at ang isa’t-isa.

Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon