Entry # 137: Kapag Tama Na (Romance/Spiritual)

685 3 10
                                    

Hindi pa tuluyang mulat ang mga mata ko sa mundong ito nang ipakilala Ka nila sa’kin. Siguro nga’y isa pa ako sa mga paslit na nag-iingay at masayang naglalaro sa loob ng tahanan Mo sa tuwing dumadalaw kami sa’yo noon.

 

Mabait, mapagpatawad at mapagmahal, diyan Kita unang nakilala. At bilang isang musmos, madali akong naniwala noong sabihin nilang ibibigay Mo ang lahat ng gugustuhin ko basta iparinig ko lang ito nang mula sa puso.

 

Nagsimula sa noo, patungong dibdib, pakaliwa’t pakanan na siyang nagtapos sa pagdidikit ng dalawa kong palad, sinimulan kong banggitin ang nais ko. “Kung totoo ngang mabait Ka, bigyan mo nga ako ng malaking Barbie doll sa birthday ko. Mula ‘yan sa puso ha, Amen.” Malambing kong hiling noon.

 

Laking tuwa ang gumuhit sa akin matapos matupad ang kahilingang iyon. Maliit, pero sobrang kasiyahan ang naging hatid. Simula noon, palagi na Kitang kinakausap, palagi na akong lumalapit. Akala ko pa nga no’n close na talaga tayo e, palagi Ka kasing nariyan at sumasagot sa akin.

 

Kaya naman noong bigla Kang lumamig, niyakap kong mag-isa ang sarili ko. Iniwan Mo'ko e.. iniwan Mo akong bitbit ang pangarap at pamilya ko. Ano nga bang kasalanan ko? Huwag Mong sabihing dahil iyon sa pagiging abala ko sa maraming bagay kaya hindi ko na nasasagot pa ang mga pagtawag Mo. Naiintindihan Mo naman ako ro'n, hindi ba?

 

Kumupas ang maong; naluma ang mga damit, nabuhay akong parang aninong sunod-sunuran sa itim na paraiso kung saan walang pagkilala. Doon, hindi uso ang abot at bigay, walang pagkukusa, walang pagmamahal. At kung hindi pa ako naligaw, hindi ko siya makikilala.

 

"Hindi ganyan, ganito ang tama." Umayos siya ng upo’t humarap sa akin saka ako hinalikan sa noo at sabihing, "I.." bumaba ito patungong ilong, "love.." at nagtapos sa labi. "You.."

 

Naging masaya naman ako nang wala Ka, naging kontento naman ako nang wala Ka, at nabuo naman ako nang wala Ka. ‘Yan nga siguro ang naging dahilan kung bakit binawi mo siya kaagad sa’kin at dinala sa lugar kung saan wala ako.

 

Sinumbatan Kita, ilang beses nga ba? At ang dating madilim kong landas ay mas dumilim pa. Ito na ba ang kapalit ng mga bagay na ibinigay Mo noon? Kung alam ko lang, hindi na sana kita kinilala pa.

 

Masakit pa sa masakit ang naging epekto ng lahat sa’kin, kaya ninais kong wakasan nalang din ang buhay na ito. Handa na ako sa balak ko nang makita Kita – nakangiti’t iniaabot ang Iyong kamay. Hindi ko alam pero roon, nakakita ako ng bagong pag-asa.

 

Lahat ng bagay ay may tamang oras, hindi man ngayon, tandaan mong hindi nauubos ang bukas.

 

Ang pagmamahal na aking hiniling, napunan nang tamang tao sa tamang panahon. Kasama Niya, ng aking mga anak at ng lalaking naging kabiyak - si Jesus.


“Hindi mo na kailangang ilayo pa ang isip mo, nandito lang naman ako e." Napangiti na lamang ako. Tama nga siya, hindi ko na kailangang lumayo pa, dahil alam kong nasa malapit lang sila.

Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon