Entry # 157: Kaibigan, bakit? (Romance/Tragedy)

719 0 3
                                    

Umuulan. Nasa loob ako ng sasakyan, tinitignang pumatak ang mga luha ng langit sa kung saan man ito babagsak. Alam kong kabaklaang maituturing pero miski luha ko ay kumakawala na rin sa mga mata ko, gusto ring pumatak. ‘Di ko na ‘to mapipigilan.

Mahal ko siya. Oo, mahal na mahal. Pero, ang tanga ko para ‘di malamang hindi niya ako mahal. Sa tuwing sinasabihan ko siya ng ‘I Love you’, tanging matamis lang na ngiti ang isinasagot niya sa’kin. Ang bobo ko para ‘di mapansin ‘yun. Nilinlang niya ako sa nakakabighani niyang ngiti.

‘Di ko matandaang sinagot niya ‘ko ng salitang ‘oo’. “Sige na nga lang. May gusto din akong malaman sa sarili ko eh.” ‘Yan lang ang isinagot niya sa’kin pero in-assume ko pa ring iyon na ang pinakahihintay kong sagot na makakapagpagalak sa puso kong ilang taon nang tigang.

Malakas na ang hangin sa labas, bagyo na yata ito. Bigla namang rumehistro ang maganda niyang mukha sa alaala ko, siya at ang buhok niyang isinasayaw ng malakas na hangin.

Isang linggo na mula noong tinapos niya ang lahat sa’min. Oo, siya ang tumapos. Lalaki ako pero bakit bumaligtad yata?

Hinintay ko lang na tumila ang ulan. Halos isang oras din akong nasa loob ng sasakyan, nagpapahupa ng mga nararamdaman.

Nang medyo mabuti na ang panahon, binuksan ko ang bintana ng sasakyan. Maambon pa pero lumilinaw na ang paligid.

Bubuksan ko na sana ang pintuan nang bigla ko silang makita. Oo, sila. Ang saya nila.

Ngumingiti siya sa kanya, ngiting may pagmamahal. Tumatawa siya sa mga pinagsasabi niya, tawang totoo.

“I love you, babe.” Nagulat ako. First time niyang binanggit ang mga salitang iyon pero hindi para sa’kin kun’di para sa kanya.

Tila sampung matatalim na espada ang tumusok sa dibdib ko. Bakit, ganun? ‘Di niya naipakita at naiparamdam iyon sa’kin pero sa kanya, umaapaw.

Umihip ang malumanay na hangin. Sinayaw nito ang parehong mahaba nilang buhok. Sabay silang tumawa at pumasok na magkahawak-kamay sa isang coffee shop.

Nakakainggit ang kaibigan ko. Oo, kaibigan ko ang kasama niya. Oo, kaibigan ko ang nagpapangiti at nagpapatawa sa kanya. Oo, kaibigan ko ang mahal niya.

Hinayaan ‘yon ng kaibigan ko. Hinayaan niyang masaktan ako. Nakakainis, ‘di ba? Pinagkatiwalaan mo pero ginago ka lang?

Si Jessica, ang ex ko, mahal niya ang kaibigan ko. ‘Di pa rin ito maproseso ng utak ko.

Cindy, ang maganda at mabait kong kaibigan… Bakit?

Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon