Entry # 135: ROSARIO (Romance/Tragedy)

674 1 5
                                    

Isang taon na ang nakakalipas nang pumanaw ka at iniwan ako. Ngayon, may asawa na ako at masasabi kong maginhawa na ang buhay ko. Pero kahit kailan ay di ako naging masaya magmula nung mawala ka.

Sapilitan akong pinakasal ng pamilya ko sa hindi ko mahal kapalit ng kaginhawaan. Pero ang isa pang kapalit niyon ay ang dagdag na kalungkutan at kamiserablehan sa buhay ko. Kung alam mo lang, kung gaano karaming pasakit at suntok ang natatamo ko mula sa asawa ko. Pero tinanggap ko at tiniis lahat ng iyon dahil iyon lang ang magtataboy sa kalungkutang namamayani sa dibdib ko tuwing naaalala ko ang pinagsamahan nating dalawa.

Pero ngayong nasa harap na kita, wala na akong hihilingin pa kundi ang makasama ka.

Araw-araw tayo nagkikita sa sementeryo at babanggitin mo ang pangalan kong hango sa isang pulang bulaklak kasabay ng pagsasalubungan natin ng mainit na yakap.

Sobrang saya.

Hanggang sa nahuli ako ng asawa ko at ikinulong sa isang kandadong silid. Ayaw niya akong maging masaya at maging malaya.

Kung alam mo lang kung gaano kahirap ng pinagdaanan ko sa kamay niya. Para akong isang aso na ibig kumawala sa isang kulungan o sa kaniyang kadena.

Napakasakit.

Iniisip kong baka iwan mo ulit ako dahil hindi ako sumisipot sa tagpuan natin na umabot na ng ilang buwan.

Pangit na ako at nangangayat. Baka hindi mo na ako gugustuhin pang makita. Para akong baliw. Pero iyon ay dahil, pinanghahawakan ko ang pangako natin sa isa't isa, ang maghintayan at magmahalan.

Kaya napag-isip-isip kong tumakas, kaso hindi iyon ganoon kasimple. Kailangan kong maging madiskarte at maging maingat para makasama ka nang ligtas.

 

Gagawin ko ang lahat makasama ka lang. Kahit sa pagdanak ng dugo sa kamay ko, gagawin ko.

Hanggang sa isang araw, naging matagumpay ako. Nagagalak na dinalaw kita sa sementeryo kaso... di kita nakita. Wala ka.

 

Naghintay ako hanggang gabi, nagbabakasakaling may tatawag sa'king pangalan at sasalubungin ako ng mainit na yakap at halik.

Wala parin.

Hanggang sa bumalik ako sa mansyon nang nanlulumo. Di mo alam kung gaano ako nasaktan, kung gaano nanghinayang sa pagkakataong dapat ay para sa ating dalawa.

Pinanghawakan ko pa naman ang pangako natin sa isa't isa, pero ikaw naman pala ang unang bibitiw.

Kaya heto ako nasasaktan sa hindi mo paghintay sa akin.

 

Isang gabi, nagising ako bigla at nakaramdam ng kakaibang presensya.

Sa may paanan ko, bigla kitang nakita.

Sobrang tuwa ko kaya hinagkan kita nang sobra.

Marami mang pagtataka pero ayos lang, dahil ang mas mahalaga'y nandito ka.

Sa unang pagkakataon, pinagsaluhan natin ang gabing iyon at nangako sa isa't isa nang panghabambuhay na pagsasama.

Pero sa kalagitnaan ng gabi, sinambit mo ang pangalan ko.

"Akin kang muli, Rosario."

 

Kahit kailan, 'di mo ako tinawag sa pangalang hango sa banal na bagay.




Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon