Entry # 111: Mali nga ba? (Romance/Fantasy)

914 3 12
                                    

“Anak, kumain ka muna.” Binalewala ko lang si Mama at patuloy pa rin sa panonood ng video ng aking mahal.

Pilit siyang nakiusap ngunit hindi talaga ako tumugon sa kanya kaya bumalik na lang siya sa kusina.

Pagkatapos kong nanood ay tumayo na ako’t naglakad papunta sa kwarto. Pagkabukas ko’y larawan ng mahal ko, simula pagkabata hanggang siya’y nagdalaga, ang agad na bumungad sa’kin. Sa aking nakita’y napabalik tanaw ako sa nakaraan kung saan una kaming nagkakilala.

Pumunta ako no’n sa kapitbahay nami’t nakinood ng palabas. Ipinakilala siya ng aking kaibigan at simula noon ay palagi ko na siyang pinapanood. Walang araw na hindi kami magkasama at sa tuwing kaarawan ko’y nariyan siya para batiin ako ng maligayang kaarawan. Kaya naman nahulog na talaga ako ng tuluyan sa kanya at ipinagtapat ang aking nararamdaman. Akala ko sasagutin niya ako’t magsasama kami habang buhay ngunit hindi man lang siya tumugon. Bigla na lang siyang naglaho at hindi na nagpakita sa’kin.

Kinuha ko ang isang larawan niya na nakaframe sa ibabaw ng lamesa. “Alam mo, namimiss na kita. Naaalala mo pa ba ‘yong mga adventures natin? Palagi kaya tayong napapasok sa gulo. Tsaka sabi mo na walang iwanan, pero ano ‘to ha? Iniwan mo lang ako na mag-isa. Hindi ka man lang nagpaalam sa-”. Naputol ako bigla dahil sa padabog na pagbukas ni papa sa pintuan. Walang pagdadalawang isip na tinanggal niya’t pinagpipiraso ang mga larawan.

“Pa, ano ba? H’wag mong pakialaman ang mga larawan niya.” Galit kong sabi sa kanya habang pinipigilan siya sa kanyang ginagawa.

Hindi siya tumigil at sinuntok pa ako sa mukha. “Nababaliw ka na, anak.”

Hinawakan niya ang kwelyo ko at susuntok na sana nang biglang pumasok si Mama sa kwarto na umiiyak. “Tama na ‘yan, Alejandro. Intindihin mo na lang ‘yong anak natin.”

Binitawan ni Papa ‘yong kwelyo ko at padabog na lumabas ng kwarto. Tumakbo naman si Mama palapit sa’kin. “Anak, okay ka lang ba?”

“Hindi po, parang sinaksak ng ilang beses ang puso ko. Ba’t ba kasi hindi na siya nagpapakita sa TV? Ba’t ba pabalik-balik na lang ‘yong mga palabas niya? Okay lang po ba siya, Ma? Palagi kasing nasasabak sa gulo ‘yon eh. Tsaka bakit iba siya tingnan kaysa sa’tin?”

“Anak, hindi siya totoo. Guhit lang siya ng isang tao.”

“Hindi, totoo siya. Sabihin mo na totoo siya.” Hindi umimik si mama at walang humpay ang pagtulo ng mga luha sa kanyang pisngi. “Bakit ba ayaw niyo sa kanya? Bakit ba nagagalit si Papa sa’kin? Mali bang magmahal ako, Ma? Mali bang mahalin ko si Darna?”

Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon