Entry # 121: Malupit na Tadhana (Romance/Humor)

660 3 6
                                    

Akala ko lagi tayong may next time. Akala ko makakapagkita pa tayong muli. Pero isang akala lang pala iyon. Malupit nga talaga ang tadhana. Bakit napakasaklap mamuhay sa mundong ito? Kung alin pa ang iyong gusto, iyon pa ang ipagkakait sa iyo. Isa lang naman ang ginusto natin at iyon ay ang magkasama tayong dalawa.

Simula nang makilala mo ako noon ay lagi mo na akong hinahanap-hanap. Madalas tayong magkasama ngunit tutol sakin ang iyong magulang noon pa man. Makakasira lang daw ako sa buhay mo. Hinayaan ka lang nila noon na makasama ako. Napakalamig ng iyong boses sa pagkanta at araw-araw mo pa akong pinupuntahan para makasama. Napakasweet mo sa akin noon dahil kahit saan ka magpunta, gusto mo ay lagi akong kasama.

Napamahal ako dahil lagi mo akong pinupuntahan. Sinasama sa iba't ibang lugar at kinakantahan. Napakaswerte ko nga sa'yo dahil ikaw lang ang taong walang palya kung bumisita sa akin. Kahit na maraming naghahangad sa akin, mas naipakita mo pa rin na angat ka sa kanila. Na hindi mo ako iiwan kahit anong mangyari. Kahit anong balakid sa buhay ay handa mong hamakin makasama lang ako.

Sa paglipas ng panahon ay lalo akong napamahal. Lumalim pa ang paghahangad mo sa akin lalo na't pinagbawalan ka na ng iyong magulang na muli pa akong masilayan. Masarap talaga ang bawal no? Sinabi ng iyong magulang na masisira daw ang karera mo sa pagkanta kapag pinagpatuloy mo pa ang paghahangad sa isang tulad ko. Sisirain ko lang daw ang buhay mo. Akala ko hindi na tayo muling magkikita. Pero pinatunayan mo sa akin na mahal mo nga ako. Bumalik ka pa rin kahit pinagbawalan ka na. Hinamak mo nga ang lahat makasama lang akong muli.

Nagmahal ako lalo. Pinagpatuloy mo lang ang lihim na pagpunta sa akin ngunit napagalaman ito ng iyong magulang. Nakita nila tayong magkasama sa isang mall at hinatak ako papalayo sa iyo. Ibinato ako sa sahig na para bang isang basura at tinapak-tapakan. Pinipigilan mo sila at namamalat na ang iyong boses pero hindi sila nagpapaawat. Sinigawan ka pa nila na makakasira ako sa karera mo at ngayon namamalat ka na. Sa akin nila sinisisi ang lahat.

Hindi na tayo nagkita simula noon ngunit unti-unti nang nasira ang iyong malagintong boses sa pagkanta. Nasira ang iyong buhay dahil sa akin. Tama nga sila. Makakasira lang ako sa iyong buhay. Pero bakit ganoon? Nagmahal lang naman tayo diba? Masama bang magmahal? Minamahal mo ako at nagmahal din ako. Napakapait talaga ng mundo. Gusto lang naman natin magsama pero pilit tayong pinaghihiwalay ng tadhana. Ngunit hindi ako nawalan ng pag-asa. Akala ko may next time pa para sa atin. Lumipas ang maraming panahon at di ka na nagpakita. May iba ka na pala. Nagmahal ka na ng iba. Mas matamis ba siya akin? Isang chocolate at namatay ka kaagad ng maaga dahil sa diabetes. Malupit nga talaga ang tadhana para sa ating dalawa.

 

Ang iyong unang minahal,

--Ice Cream.

Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon