Entry # 165: Muli (Romance/Spiritual)

637 1 3
                                    

Malamig na simoy ng hangin ang yumakap sa akin paglabas ko ng simbahan. Pasado alas-singko na ng madaling araw at katatapos lamang ng misa para sa huling simbang gabi. Isang bagong pag-asa ang sumibol sa aking puso sa paniniwalang matutupad ang hiling ko kapalit ng pagkumpleto ko sa siyam na simbang gabi, na sana kahit isang araw lang o kahit isang saglit man lang ay makita kitang muli.

Hindi naging madali para sa akin ang paghihiwalay natin lalo na at katulad ito ng naging dahilan ng paghihiwalay rin namin ng nauna kong kasintahan. Pareho kayong umalis ng bansa. Pareho din kayong natakot sa magiging takbo ng mga relasyon natin sa kabila ng malayong distansya. Ang pinagkaiba lang ay siya, sumuko sa gitna samantalang ikaw, sumuko na sa una.

"Ayaw kong maranasan mo ulit 'yong pinagdaanan mo sa ex mo. Ayaw kong matali tayo sa isa't-isa kasi natatakot ako na baka may mahanap kang iba," iyan ang naging dahilan mo sa'kin noon na mahirap namang pinroseso ng utak ko. Sumagi sa isip ko kung nagkulang ba ako sa pagmamahal sa'yo para hindi ako pagkatiwalaan na kaya kitang hawakan, na hindi kita pakakawalan at pagpapalit sa iba. Pero napatunayan ko sa sarili ko na hindi ako nagkulang kailanman bagkus ay naging labis pa ang mga nararamdaman ko sa'yo noong mga panahong iyon. Pinaramdam mo sa akin ang tunay na ibig sabihin ng first love. Ito 'yong pakiramdam na parang hindi ako nagka-nobyo dati sapagkat natakpan na ng pagmamahal ko sa'yo ang lahat ng mga naging karanasan ko kasama siya. Gano'n katindi ang naging damdamin ko para sa'yo. Marahil ito ang dahilan kung bakit sobrang sakit at hirap ang dinaanan ko noong mawala ka.

Gayunpaman, hindi man matagal ang mahigit isang buwan na relasyon para sa iba ngunit ito ang isang yugto sa aking buhay na hindi ko kailanman gugustuhing kalimutan. Sapagkat dito sa mga panahong 'to nakabuhos ang nag-uumapaw at samu't-sari nating mga damdamin na naging pundasyon ng ating wagas at totoong pag-ibig para sa isa't-isa, at hindi ito mapapantayan ng kahit anupaman sa mundo. Kung pahihintulutan man ng panahon at ng pagkakataon, gusto kong malaman mo na hindi nawala 'yung pagmamahal ko para sa'yo kahit hindi na tayo. Hindi 'yon mawawala, hindi rin mababawasan...pero kung anuman iyong nandoon, iyon na lang iyon, hindi na madadagdagan. Natuto akong makuntento sa kung ano ang kinahinatnan nating dalawa. Malaki ang pasasalamat ko sa’yo dahil isa ka sa mga naging instrumento para ako’y maging mas matapang at mas matatag. At gusto kong makita mo na sa oras na magkrus ang landas nating dalawa sa hinaharap, kaya ko nang ngumiting muli ng taos sa puso para sa'yo.

Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon