Entry # 60: HANGGANAN (Romance/Tragedy)

1.2K 15 19
                                    

Ang dagundong ng dagat, at bawat paghampas ng alon sa dalampasigan ay sumasabay sa galit ng hangin na animo kumakagat nang bahagya aking balat. Ang kulay-abong madaling araw ay gumagapang na sa lupa upang ako’y balutin ng isang nakakatakot na realisasyon.

Suot niya ang manipis na kulay-abong tela na bumabalot. Gayunpaman ay animo hindi nito nararamdaman ang lamig na unti-unting kumakalat sa paligid. Niyakap ko ang aking sarili, hindi iyon sa lamig, kundi sa katotohanang bago dumating ang araw ay matatapos na ang akala ko noong walang hanggan.

Kapag dumating ang araw… kami ay mamamatay…

Kanina pa ako nakatitig sa kanyang mga mata. “Puwede pang magbago ang isip mo,” sabi ko. Ayokong iyon ang maging huli kong salita. Mas lalo kong hinigpitan ang hawak sa malamig niyang balat. “Alam mong hindi nakakahiyang mabuhay… basta kasama mo ang taong mahal mo...”

“Kung ano ang nasa isip mo, wala nang magagawa iyon.” Kumibot ang mga labi niya. Marahan niya akong kinabig sa beywang. Pinaglandas niya ang malamig niyang kamay sa pisngi ko. Namalisbis ang luha ko. Dahan-dahan ay kinintalan niya ng halik ang luha ko sa pisngi upang tuyuin iyon.

Ayokong lumipat ang segundo. Ni ayaw kong kumurap. Ayokong gumalaw. Dahil sigurado akong sa bawat ikikilos ko ay katumbas iyon ng isang libong pagpikit ko. Lahat yata ng tunog ng sari-saring kulisap sa paligid ko ay naririnig ko. Na animo bumubulong sa akin na huwag na akong umasa na may susunod pang magpakailanman. Dahil kapag tuluyan na siyang maging abo, at tangayin ng mapangahas na hangin ay saka ko mapagtatanto na hanggang doon na lang lahat. Ah, sa tuwina ay naiisip ko pa ring hindi ganoon ang mangyayari sa akin.

“Ang makasama ka’y isang langit. At ang wala ka sa piling ko ay mas mahaba pang impyerno sa dibdib ko.” Mas lalong humigpit ang hawak ko sa kanya.

“Mahal na mahal kita… Kung ano ako pagkatapos nito, ay huwag mong kakalimutang may isang taong nagmahal sa 'yo ng ganito at mamahalin ka pa hanggang sa magpakailanman.”

Yumuko ako, at hinigit siya. Hindi ko kailangang sabihin ang lahat ng nasa isip ko, ang lahat ng nararamdaman ko. Alam ko lahat iyon. Ang susunod na bukas, ang hangganan na kaming dalawa lang.  Kulang ang sabihing mahal ko siya. Kahit ang kamatayan—ang totoong kamatayan—ay hindi makakapigil sa pagtibok ng puso ko. Tinaas ko ang kanang kamay ko. Iginapang ko iyon sa kanyang dibdib. Alam ko ang isinisigaw n’yon. Ang pangalan ko at ang pangarap na sana’y hindi na dumating ang traidor na araw.

Sana pulos buwan na lang…

Sana mapanglaw na lang ang lahat at balutin kami n’yon upang mabuhay pa sa bagong henerasyon.  Nang masinagan ko ang araw ay pinisil ko ang kamay niya sa huling pagkakataon. Dahil anumang sandali ay pareho na kaming tatakasan ng lakas. Sabay kaming pumikit, pinakiramdaman ang bawat himig ng paligid. Ang mga kulisap, ang mga dahong nahuhulog mula sa puno, ang alon na humahampas sa buhangin at init na unti-unting tumutupok sa aming katawan…

Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon