Entry # 138: Walang Takas (Romance/Mystery)

712 3 2
                                    

Tila ba’y isang bangungot ang balitang pinaslang ang aking matalik na kaibigan sa mismong bahay pa ng kanyang walang-hiyang nobyo.

Gulong-gulo ang aking isipan nang magtama ang aming mga mata ni Adrianne, ang salarin sa nasabing krimen. Ramdam ko din ang lamig ng posas sa kanyang mga kamay at kalungkutan na namumuo sa kanyang mga mata. Gayunpaman, hindi na niya maibabalik pa ang buhay ng taong pinahahalagahan ko nang husto. Wala na si Rowena. Patay na ang aking matalik na kaibigan.

Naganap ang nasabing pagpaslang kaninang madaling araw. Natagpuan ang bangkay nito sa mismong silid-tulugan ni Adrianne. Hubo’t ubad. Sinasabing ginahasa muna bago ibinaon ang kutsilyo sa puso niya, na siya namang ikinasawi nito.

Narinig ko pa ang bulung-bulungan. Wala nang takas si Adrianne sa kanyang karumal-dumal na ginawa. Maraming fingerprints ang natagpuan sa kutsilyo at siya lamang ang nandoon sa mga oras na iyon. Kahina-hinala, nababalot ng misteryo ang buong istorya.  Bakit niya iyon nagawa sa babaeng minamahal siya nang husto? Anong klaseng pagmamahal ba iyan at nagawa niyang tapusin ang buhay nito?

Kahit ano pa man ang mangyayari, gusto kong paniwalaan na siya ang salarin.

Siya lang.

“Aiza,” pagsusumamo nito sa akin. “Hindi ko pinatay si Rowena. Maniwala ka. Mahal na mahal ko ang bestfriend mo.”

Gusto ko siyang sampalin, saksakin, patayin nang paulit-ulit ngunit kahit hindi na nito maibabalik pa ang buhay ni Rowena. Mabulok sana siya dito sa bilangguan.

“Kulang pa ‘yan sa’yo. Hayop!”

“Inosenti ako, Aiza. Wala akong kasalanan. Hanapin natin ang tunay na salarin! Hindi ako! Hindi ako!”

Ayaw ko nang pakinggan pa kung anuman ang mga sasabihin niya. Tinalikuran ko na ang kanyang selda at walang imik na naglakad papalayo sa empiyernong lugar na ito. Hindi niya ako maiintindihan dahil hindi niya naman alam kung ano ang nawala sa akin. Si Rowena na lang ang mayroon ako. At wala na siya ngayon. Hindi niya alam kung gaano kasakit iyon. Hindi.

 

****

 

Sa harapan ng kanyang kulay krema na kabaong, nagsimula nang mag-unahan sa pagbagsak ang aking mga luha.

Pinagmasdan ko pa ang kanyang larawan na nakapatong sa salamin. Wala pa rin siyang kasing ganda. Palagi ko pa ring nagugunita ang kanyang malumanay na boses na madalas ay sinersermunan ako sa tuwing may gagawin akong mali. At ang kanyang matamis na ngiti ay pawang isang alaala na lamang ngayon. Hindi ko pa rin matanggap. Ang hirap. Ang sakit. Kaya wala akong pakialam kung mahigpit ko na palang niyayakap ang kanyang ataul habang nagpatuloy pa rin ako sa aking paghikbi.

Mas lalo kong inilapit ang aking mukha sa salamin at kaagad kong nasilayan si Rowena na tila ba’y natutulog lamang sa loob ng kanyang ataul.

“Sesermunan mo din ba ako ngayon?” bulong ko. “Hiniram ko lang naman ang kutsilyo sa kanyang kusina. Wala na siyang takas. Siniguro ko ‘yon. Kasalanan mo din naman ang lahat dahil may nangyari na sa inyong dalawa. Alam mo naman na sa akin ka lang, hindi ba?”




Royal Rumble Season 2: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon