Parami ng parami ang mga bitak sa katawan ng metal monster. Pinipilit nitong makaalis sa mga kadenang nakabalot sa buong katawan.
Hinila ng halimaw ang kadenang nakapaikot sa kanyang kanang kamay. Tumalon ang Chamnian na may likha sa kadenang ito. Napabitaw na rin ang iba sa mga kadena nila. Ilang sandali pa'y napigtas na ang mga kadenang nakabalot sa buong katawan nito.
Muli itong naglabas ng sound wave ngunit walang nangyari. Napalingon ang halimaw sa Chamnian na nasa paanan niya at nakita ang isang necktie na nakatali sa matulis niyang paa.
Ibinuka nitong muli ang bibig at sumigaw. Ang pagsigaw nito ang palatandaan nila na maglalabas na naman ito ng sound wave sa kanyang mga mata. Ang inaakala pa naman nila noon na mula sa bunganga niya ang sound wave ngunit sa mga mata naman pala.
Agad namang pinaputok ni Rujin ang malaking cannon sa tulong nina Geonei at Hyper na may balang isang bilog na kristal. Pumasok ang bala sa bibig ng halimaw.
"Bullseye." Sambit ni Rujin at nakipag-high five kina Geonei at Hyper.
Walang nakakaalam kung ano ang bagay na pumasok sa bibig ng halimaw ngunit nakita nilang napapaatras-atras ito at ilang sandali pa'y natumba.
Mabilis namang lumayo si Hyell para di madaganan ng higanteng katawan ng halimaw.
Napuno ng mga usok ang buong paligid kung saan naroroon ang halimaw. Ilang minuto rin ang lumipas bago unti-unting maglaho ang usok saka tuluyan ng mawala. At ngayon, kitang-kita na nila ang isang metal monster ngunit hindi na higante kundi kasing laki na lamang ito ng isang tao at may katawang katulad sa alimango. Ang dalawang mga kamay ay katulad sa pangsipit ng alimango at may dalawang paang bakal na matutulis ang dulo.
Napatingin si Hyell sa necktie na nakatali sa paa ng halimaw. May mga letrang nakasulat dito na gawa sa isang Chamnian energy.
"Isang ability nullifier na necktie?" Di siya makapaniwalang ang inaakala niyang ordinaryong necktie lang kanina ay isa palang ability nullifier. Nagpasalamat siya at nakinig siya sa anumang sinabi ni Steffy kaya naman di na nagagamit ng halimaw ang kapangyarihan nito.
Ang di lang niya maintindihan kung ano yung bagay na nalunok ng halimaw kaya nagiging maliit ang katawan nito.
Napalingon siya sa mga kabataang tumulong sa kanila. At natuklasang nagsialisan na pala ang mga ito.
Natuwa naman ang mga Chamnian makitang bumagsak na rin ang halimaw. Ngunit naalala nila na ang lahat ng ito ay dahil sa mga kabataang galing sa CMA. Kaya naman katulad ni Hyell nilingon din nila kung saan ang mga CMA students kaso nagsialisan na pala ang mga ito.
"Bakit pakiramdam ko mas malakas pa sa atin ang mga bata?" Tanong ng isang mandirigma.
Bahagyang nakadama ng hiya ang mga Chamnian na mula sa mga adventurer's guild, mission guild at mga military guild maisip na mas nalalamangan sila ng mga kabataang hindi man lang nakakalahati ang mga edad sa kanila. At ang mas malala, hindi man lang gumagamit ng mga kapangyarihan ang mga kabataang iyon kundi mga special items lang na meron sila. Samahan na rin ng isip at talino.
Maayos naman ang hininga ng halimaw ngunit pansin nilang tila ba wala na itong lakas para tumayo.
***
"Sabihin mo na kasi. Ano ba yung pinakain niyo don sa metal monster ha?" Pangungulit ni Brindon kay Rujin.
Hindi kasi siya sinasagot nina Steffy at patuloy sa paglalakad.
"Walang pangalan ang bagay na iyon pero ang sinumang hahawak nito, mawawalan ng enerhiya at lakas." Sagot ni Rujin.
Wala talaga silang naisip na ipangalan sa mga items o magic treasures na nalilikha nila. Saka kadalasan sa mga gawa nila may mga sangkap na galing sa katawan nilang magkakaibigan. Katulad na lamang kanina, ang kristal na ginawa nilang bala ay ang kristal na nabuo mula sa dugo at kapangyarihan ni Steffy at ilan pang mga sangkap na kinolekta ni Rujin at Geonei para makagawa ng isang magic artifact version ng kakakayahan ni Steffy. Para kung may gusto silang tanggalan ng enerhiya hindi na kailangan ni Steffy na gamitin ang abilidad nito. At kung ano ang tawag sa bagay na iyon? Wala silang naisip na ipangalan.
BINABASA MO ANG
The Journey Of The Bratty Chosen Ones V-3: Journey To Mysterious Land
Teen FictionMagmula nang mapunta sina Steffy at Asana sa Mysteria, marami silang nakasalubong na mga nagiging kakampi at nagiging kaaway. Sa halip na lumaban ng harapan dinadaan lahat sa pagawa ng kalokohan. Kaya naman nakilala ang kanilang grupo bilang the bra...