Tinipon ang lahat ng mga kabataang nakalabas ng Jinoma mountain sa isang bulwagan. Hindi nila inaasahan na kahit marami ang mga Mystic level Deiyo beast, makakauwi paring buhay ang mga kabataang Chamnian.
Marami man ang mga nasugatan kaunti lang naman ang nasawi.
Pipili ngayon ng top 100 na mga kabataan ang Representives ng CMA. Ang top 100 na mapipili nila ang siyang maaring pumasok sa Chamnian Mystic Academy. At mabibigyan ng karangalan.
Aalis na sana sina Steffy at Rujin kaso hinarang sila ni Zin. Ang pinuno ng mga kawal na kasama ni Elder Cid.
"Maaari lamang kayong umalis kung susunduin na kayo ng mga magulang ninyo." Sabi ni Zin sa dalawa.
Utos ng nakakataas na wag hayaang umuwing mag-isa ang mga kabataang nakaligtas sa Jinoma mountain sa pag-alalang may masamang mangyayari sa kanila bago makarating sa kanilang mga pamilya.
May maghahatid sa kanila sa kani-kanilang mga bayan at susunduin muli kapag magsisimula na ang pasukan sa mga paaralan kung saan sila napiling maaaring mag-aral.
Sa Chamni, hindi estudyante ang namimili kung saan gustong mag-aral ng mga estudyante kundi ang mga paaralan mismo ang mamimili kung sino ang maaaring mag-aral sa kani-kanilang mga paaralan.
"Hindi alam ng mga magulang namin na nandito kami. Sinong susundo sa amin?" Sagot ni Steffy.
"Kung ganon, kailangan niyong hintaying matapos ang programa at ibabalik namin kayo sa bayang inyong pinagmulan." Sagot ni Zin.
Bagsak balikat na bumalik si Steffy sa upuan niya.
"Hindi sila papayag?" Tanong ni Rujin. Umiling si Steffy.
"Kundi lang siya mabait naku, naku talaga." Sabi pa ni Steffy na tila ba nanggigigil.
"Ano namang magagawa mo? Wala tayong kapangyarihan, tandaan mo yan." Paalala ni Rujin.
"Kung di siya mabait di ako makikinig sa kanya." Sagot ni Steffy. Ramdam kasi niyang tunay ang pag-aalala ng mga kawal sa kanila ni Rujin. Wala rin siyang mararamdamang anumang negatibong emosyon sa mga kawal na pinabantay ni Elder Cid sa kanila.
Nabaling ang kanilang atensyon sa mga nagsidatingang mga Chamnian na dumalo sa programa nilang ito. Malayo sila sa stage pero kitang-kita parin nila ang stage na parang nasa tapat lang nila.
Mahigit isang milyon din ang mga Chamnian na patuloy sa pagdagsa upang saksihan ang awarding ceremony na ito pero hindi parin napupuno ang mga upuan.
"Ganito pala ang sinasabi nilang parang magic." Sambit pa ni Steffy. Parang magic dahil tila hindi napupuno ang bulwagan kahit maliit lang itong tingnan.
"Magic na nga, bakit may parang pa?" Sagot ni Rujin sabay iling.
Tinawag na ngayon ang top 100 na maaaring makapasok sa CMA. Habang tinatawag ang mga pangalan naisipan nina Steffy at Rujin na matutulog na lang at maghintay kung kailan matapos ang ceremony.
Marami naman ang umaasang magiging top 1 ang pinakamagaling na estudyante sa batch na ito.
"Siguradong si Jumei Brix ang magiging top one. Ang pinakamakapangyarihang sa lahat ng mga kabataang Chamnian."
"Sinabi mo pa. Wala namang makakatalo sa kanya e."
"Alam mo bang pinag-aagawan siya ng mga paaralan dati? Pero pinili niya paring mag-aral sa Zaihan Academy. Sabagay, halos lahat ng mga pumasang makapag-aral sa CMA ay nanggagaling sa Zaihan Academy."
Naidilat ni Steffy ang mga mata at ipinadyak-padyak ang mga paa sa inis dahil sa mga naririnig na boses sa paligid.
"Ang ingay-ingay naman. Brix sila ng Brix. Mas gwapo pa kuya ko don." Reklamo niya at tinakpan ang tainga kaso naririnig parin ang mga boses na halos sabay-sabay na pumapasok sa pandinig niya.
BINABASA MO ANG
The Journey Of The Bratty Chosen Ones V-3: Journey To Mysterious Land
Novela JuvenilMagmula nang mapunta sina Steffy at Asana sa Mysteria, marami silang nakasalubong na mga nagiging kakampi at nagiging kaaway. Sa halip na lumaban ng harapan dinadaan lahat sa pagawa ng kalokohan. Kaya naman nakilala ang kanilang grupo bilang the bra...