Chapter 14.2

600 27 2
                                        

Pagdating nina Fina sa kanilang bahay, dali-daling nagtanggal na siya ng seatbelt at aktong bubuksan na ang pintuan ng sasakyan. Ngunit bigla na lamang siyang pinigilan ni Elcid.

"Fina, sandali lang." Pagpigil nito.
Natigilan naman ito at nagtatanong ang mga mata kay Elcid.

"Gusto ko sanang makausap si Aling Sol." Sabi ng binata.

"Naku Elcid kung tungkol yan sa Ilocos, ako na ang bahala doon. Hindi mo na ako kailangang ipagpaalam." Tuloy tuloy namang sabi ni Fina.

"Ah-eh hindi naman tungkol doon." Sabi ni Elcid.

"eh, tungkol naman saan?" Kunut noong tanong ng dalaga.

"Ako na lang ang magsasabi. Halika ka na at baka naghihintay na siya sayo."

Tumalima naman siya at sabay na silang naglakad papasok ng bahay.

Nasa sala naman ang ina ni Fina at nagpapahinga ng datnan nila ito.

"Nay nandito na po ako." Nagmano si Fina sa ina at sumunod naman si Elcid.

"Magandang gabi po Aling Sol." Bati pa nito.

"Naku Elcid salamat naman iho sa paghatid mo kay Fina. Mukhang ginagabi yata kayo palagi mga anak?"

"Pasensya na po kayo, kanina pa po sana kami pero may dinaanan lang po kami saglit nina Fina, at Pia."

"Ah ganun ba. Salamat ulit iho."

Nagaantay naman si Fina kung ano ang gustong sabihin ng binata sa kanyang ina. Ng biglang magsalita na ito.

"Aling Sol , pwede po ba akong umorder sa inyo ng paborito kong halayang ube at iba pang kakanin na ginagawa niyo?"

"Oo naman iho! Para sa iyo lamang ba?"

"Hindi po, darating po kasi ang aking Mama sa isang Linggo at gusto ko sana siyang isorpresa ng isang simpleng salo-salo, kasama ang mga ibang malapit na kaibigan."

"Ganoon ba iho. Sige maasahan mo. Kami nang bahala ni Fina doon." Saad pa nito.

Tahimik na lamang si Fina na nakikinig sa usapan.

"Sige ho, maraming salamat."
"Mauuna na po ako." Pagpaalam ng binata.

"O sige, magiingat ka sa pagmamaneho. At maraming salamat ulit sa paghatid mo kay Fina."

"Wala pong anuman."

Inihatid na ni Fina si Elcid sa may harapan ng kanilang bakuran. Bago pa siya makapagsalita ay si Elcid na ang nauna.

"Fina, pwede ka bang pumunta sa isang Linggo sa bahay? Gusto ko kasing imbitahan ang grupo para sa konting salo-salo. At para makilala niyo ang aking Mama."

Alanganin naman ang pagsagot ni Fina.

"Akala ko bang mga malapit na kaibigan ang iimbitahan mo?"

"Bakit hindi ba kita malapit na kaibigan?" Sagot ni Elcid.

At kitang kita ni Fina sa mukha ng binata ang pagkalungkot sa sinabi niya.

"Hindi naman sa ganun Elcid."
"Sige, hindi ako nangangako pero susubukan ko. Baka kasi mapagod ako sa dami ng kakaning inorder mo." Pagbibiro naman ni Fina.

Napangiti naman si Elcid.

"Aasahan kita doon Fina. Sana pilitin mong makadalo."Imbitado naman lahat ng grupo kaya wala kang dapat ipagalala."

"O sige Elcid. Pipilitin ko okay?"

"Basta pupunta ka." Sagot pa ni Elcid.

"Salamat nga pala sa paghatid mo." Pagtatapos na lamang ni Fina sa usapan.

"No problem." Sabay kindat na naman nito at tumalikod at sumakay na ng kanyang sasakyan.

Napapangiti na lamang si Fina sa mga ganoong akto ni Elcid. Parang nagpapa-cute kasi ito. Ngunit ayaw niyang bigyan ng kahit na ano mang kahulugan ang kabaitan nito sa kanya.
Hindi ito tama at patas lalo na at alam niyang may kasintahan na ito.

Hindi parin napapalis ang kanyang ngiti hanggang sa makapasok na siya sa bukana ng kanilang bahay, nakaabang naman ang kanyang ina sa may pintuan. Nakangiti ito sa kanya.

"Anak, mukhang napapadalas yata ang paghahatid sa iyo ni Elcid?"

"Nay, isinabay lang po ako. Silang dalawa ni Pia. Nagpaiwan lang po si Pia sa bahay ng Tita niya."
"At magkasintahan po sila Nay."

"Bakit parang malungkot ang Prinsesa ko sa pagkasabi mo ng 'magkasintahan sila?' "

"Nay, naman.. Alam ko na ang nasa isip ninyo."

"Tama ba ako anak?"

"Nay, malabo po na mangyari iyon."

"Bakit naman anak?"

"Unang-una may kasintahan na siya.
Pangalawa napakalayo naman ng agwat ng buhay natin kumpara sa kanila."

"Anak, sa pag-ibig hindi mahalaga kung anong yaman meron ka. Ang mahalaga yung gaano katotoo ang pagmamahal mo sa isang tao. Sa pag-ibig lahat pantay pantay. Kasi hindi ito nababayaran ng salapi."

"Nay ang lalim naman ng pinaghuhugutan ninyo?" Nakangiting sabi ni Fina.

"Anak, basta kung kailangan mo ng kausap, nandito lang ako handang makinig sa iyo."

"Salamat Nay. Sa ngayon, hindi po muna yun ang nasa prioridad ko. Ang gusto ko makatapos ng pagaaral at matupad ang mga pangarap natin."

"Salamat anak. Darating ang tamang panahon para sa pag-ibig na para sayo."
"Pero normal lang na makaramdam ng paghanga sa isang tao. Lalo na sa ganyang edad kagaya ninyo, hindi mawawala ang mga ganyan. Ang importante eh hindi niyo mapabayaan ang mga pagaaral ninyo."  Dagdag pa nito.

"Oo naman Nay, alam ko po iyon." 

"Oo nga pala, nagawa ko na ang isusuot mo sa sayaw ninyo para sa Intrams. Halika at sukatin mo." Pagiiba naman ng paksa ng kanyang Nanay.

Sabik namang sumunod si Fina sa kanyang ina. Natutuwa si Fina sa relasyon nilang mag-ina. Mahal na mahal niya ito. Napakabait at napakasipag ng kangyang Nanay. Kaya nakatatak na sa kanyang isip na balang araw maiaangat niya ang kanilang buhay sa hirap. Magiging maginhawa ang buhay nilang mag-ina. At tutuparin niya iyon para sa kanyang Nanay.
Hindi na muna niya bibigyang pansin ang anumang damdamin niya para kay elcid.

Ngunit napaisip siya sa susunod na Linggo. Kung dadalo ba siya o hindi?
Naguguluhan siya, parang iba kasi ang pakiramdam niya. At siguradong nandoon si Pia.
"Ipakikilala ba ni Elcid si Pia bilang nobya nito sa kanyang Mama?"

"Haaayyyy...." pagbuntung hininga niya. Nagsusumikip na naman ang kanyang dibdib.

"Pero paano na lang si Elcid?"
"Baka magtampo ito sa kanya?"
Kinakausap na naman niya ang kanyang sarili.
Pagiisipan niya. Mahaba pa naman ang araw. May oras pa siya para makapagdesisyon. Saka na lamang niya ito iisipin.

Somewhere in my pastTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon