Hindi napansin ni Fina si Elcid. Napatingin ito sa kanyang gawi kaninang palinga-linga ito sa paligid. Ngunit nakasuot siya ng baseball cap at nakasandig sa puno kaya siguro hindi siya nito napansin. Nakita nito ang dalaga na papasok ng canteen kasama sina Tesa at Tristan.
Lalapit sana siya sa mga ito at kukumustahin si Fina ngunit nagpasya siyang huwag na lamang. Nakita rin kasi niya na pumasok ng canteen sina Mr Santos at Pia kanina at alam niyang naroroon pa ang mga ito sa loob. Paniguradong hindi na naman ito ikatutuwa ni Pia. Simula ng hilingin niya rito na mag cool-off muna sila, ayaw na muna niyang nagkakasama sila sa isang lugar. Partikular na kapag nandoon ang presensya ni Fina.Ayaw niyang idamay ang dalaga sa problema nila ni Pia. Alam niyang magkukrus ang landas nilang tatlo lalong lalo na sa practice sa banda. Pipilitin niyang hindi magpakita ng kahit anong reaksiyon sa presensya ng dalawa. Hindi niya sinasadyang magkaroon ng rivalry sa pagitan nilang tatlo, ngunit ang tanging bumuo at may gawa nito ay walang iba kundi si Pia. Dahil sa mga insecurities ng dalaga at mga pagseselos nito.
Gumawa pa ito ng hakbang at kinontak ang kanyang Mama sa Maynila at ipinaalam dito na nakipag cool-off siya sa dalaga. Tumawag tuloy ang kanyang ina at katakut-takot na sermon ang inabot niya. Pinipilit siya ng kanyang ina na amuin si Pia. Hindi naman siya nagpadikta rito. Napagtanto tuloy niya na hindi ang klase ni Pia ang hinahangad niyang babaeng makakasama. Akala niya na kapag kinausap niya ito ng masinsinan ay magbabago ito. Ngunit gumawa pa ito ng bagay na pinaka-ayaw niya. Hindi kaaya-aya para sa kanya ang ginawa nitong pagkausap sa ina niya. Kaya napagisipan na niya na tuluyan ng makipaghiwalay sa dalaga. Ipapaalam niya kay Pia ang tunay niyang saloobin kapag kumalma na ang lahat. Sa ngayon ay masyado pang mataas ang emosyon ng dalaga at alam niyang galit ito kay Fina at malaki ang tampo nito sa kanya dahil sa kanilang cool-off.
Ilang gabi rin siyang hindi nakatulog mula ng mangyari ang aksidente. At mula ng malaman niya na si Tristan at si Fina ay hindi magkasintahan. Hindi niya malaman kung ikatutuwa ba niya iyon. Pero alam niya sa sarili niya ay 'Oo' ang sagot, at ikinatutuwa niya iyon.' Ang isipin na walang nag-mamayari ng puso ni Fina ay nagbibigay sa kanya ng pag-asa. 'Pag-asa? Para saan?' Tanong niya sa kanyang sarili. Gulong-gulo siya sa damdamin niya. Pilit niyang sinasabi sa sarili niya na hindi niya mahal si Fina. Na kung totoo man at hindi siya dinadaya ng damdamin niya, kelan pa? Kelan pa niya naramdaman ang damdaming iyon na unti-unting binubuhay ng dalaga.
'Mula pa ng noong umalis ka ng hindi nagpapalam Elcid.' Parang may boses na bumulong sa kanya.Nang gabing iyon, binalikan ni Elcid ang nakaraan. Ang malapit niyang kababatang si Serafina De Jesus. Ang mga simpleng bagay na kanilang pinagsamahan ngunit masaya. Ang pagngungulit nito sa kanya noong Elementary upang mailakad sa kaibigang si Lani. At ang kung paano lumayo ang loob nito sa kanya.
Napaupo si elcid sa gilid ng kanyang kama, at nakapangalumbaba. Narealize niya na siya ang gumawa ng paraan para lumayo si Fina sa kanya. Mula ng umalis siya ng hindi nagpapaalam dito at sinikap niyang masanay ang buhay sa Maynila, ay nakaligtaan na niya ito. Kaya ng mag-balik siya ay parang estranghero ang turing sa kanya ng dalaga. Batid niyang pinahalagahan ni Fina ang kanilang pagkakaibigan noong mga bata pa sila. Hindi niya sinasadyang iwanan niya ito ng ganun-ganun nalang. Nagmamadali ang kaniyang mga magulang noon na makaluwas ng Maynila dahil sa grabeng kalagayan ng kanyang Abuelo. Sinikap niyang puntahan si Fina sa kanila ngunit wala ito roon at ang ina nito. Kung alam lamang nito kung paano niya ginustong bumalik ng San Jose at ang mga pangungulila niya sa mga bagay na nakasanayan niya kasama ang kanyang mga kaibigan.At sa kasalukuyan ay binalikan din niya ang mga pagkakataon na nagkakadikit sila ng dalaga. May kung anong sensasyong hindi niya maipaliwanag na binubuhay ito tuwing malapit sa kanya na pilit niyang nilalabanan at iwinawaksi sa kanyang isip. Ang kanyang pagkakasakit, noong alagaan siya nito. At parang may lumilinaw sa kanyang alaala na totoo ang mga naganap ng gabing iyon. Si Fina, habang yapos niya ang kamay nito sa kanyang dibdib ay masuyong haplos naman ang ginagawa nito sa kanyang pisngi. Ang aksidente at ang halos magkiskisang tungki ng kanilang ilong. Ang pagpangko niya rito at ang masuyong paghingi niya ng paumanhin.
Nagkakamali si Pia, siya ang may malaking pagkakagusto kay Fina. Hindi lang niya maamin sa sarili. Ngunit sa mga walang alinlangang mga ikinilos niya sa ilang pagkakataon nagpapakita lamang kung gaano ang pagpapahalaga nito sa dalaga. At kung gaano niya ito kamahal.Ngunit ngayon heto siya. Gulong-gulo ang isip. Ngunit iisa lang ang tanging paulit-ulit na tumatakbo sa isip niya. Mahal niya si Fina. Hindi niya alam kung paano nangyari at kung kailan nga ba talaga nagsimula. Ngunit hindi na niya maikakaila pa sa kanyang sarili. Kaya minsan ay nakakaramdam siya ng selos dahil malapit ito kay Tristan. Sinisisi niya ang kanyang sarili kung bakit hindi niya binigyang pansin ang kanyang nararamdaman noon. Hindi tuloy siya nagkaroon ng pagkakataon na isaloob ang kanyang damdamin sa dalaga. Masyado siyang nag-akala na si Tristan ay kasintahan nito. Hindi siya nagtanong. Bagkus ay inilapit niya ang kanyang sarili kay Pia. Na ngayon ay nagbigay ng malaking problema sa kaniya. Napapikit siya ng mariin. Sumuko sa pakikipagtalo sa sariling damdamin. At sa wakas ay tuluyan na niyang inamin. 'Oo, mahal na mahal niya si Serafina De Jesus.'
BINABASA MO ANG
Somewhere in my past
RomantiekNo matter how painful the past may have been. No matter how far and how long it has been. True love really has a habit of coming back.