Naabutan ni aling Pasing si Elcid sa kanilang living room na tulala at parang malalim ang nasa isip. Halos dalawang beses pa nga itong tinawag ang pangalan niya bago siya napansin ng binata.
"Elcid, iho may problema ka ba?" Tanong ng matanda.
"ho? ah wa-wala naman po Nay Pasing, may naisip lang po ako." Tugon sa matanda.
"Siya nga pala, nagkita na ba kayo ni Fina? Kumusta naman pala ang paghatid mo sa kanya nung nakaraang gabi? Hindi ba nagalit ang nanay niya?" Usisa pa ng matanda.
"Hindi naman po. Nagpasalamat pa nga po na buti na lamang at hinatid ko siya." Sagot niya dito. Ngunit walang sigla.
Mariin siyang pinagmasdan ng matanda. Parang nararamdaman nito na may gumugulo sa isip niya. Mula pagkabata nito ay kilala na niya ang ugali ni Elcid kung may dinaramdam ito o may itinatago sa kanya. Kaya hindi rin ito nakatiis at tinanong ang binata. Umupo ang matanda sa tabi ng binata at nagsalita.
"Iho, may nangyari ba? Maari kang magsabi sa akin kung gusto mo. Baka may maitulong ako."
Napatingin naman si elcid sa mga mata ng matanda, at nagyuko ng tingin.
"Ano yun iho?" Tanong nito.
"Nay Pasing, nagkausap po kasi kami ng nanay ni Fina. Nagkita ho kami sa labas kanina at kinausap po niya ako."
"Ano naman ang pinagusapan niyo?"
"Nakiusap po kasi siya sa akin."
"Nakiusap para saan?"
Tahimik pa rin si Elcid. Kapagdaka ay humugot ng malalim na buntung hininga at nagsalita. "Nakiusap po siya na ano man daw ang namamagitan sa amin ni Fina ay huwag na daw namin ituloy." Malungkot na sabi ng binata at hinilot-hilot pa ang sintido nito.
"Ganoon ba? Bakit may namamagitan na nga ba sa inyo ni Fina?"
"Nay Pasing, alam niyo naman na kahit hindi ko deretsahang sabihin sa inyo na espesyal sa akin si Fina. Mahal ko po siya. Gusto ko sana siyang pormal na ligawn at maging kasintahan kung bibigyan niya ako ng pag-asa."
Kitang-kita naman sa mga mata ng matanda ang pagkagalak pagkatapos niya itong sabihin.
"Naku iho masasabi kong napakahirap nga niyan. Ngunit naiintindihan ko naman ang pinaggagalingan ng loob ng nanay ni Fina. Siguro ay gusto lang niyang protektahan ang damdamin ng anak niya. At siyempre mga bata pa kayo. Kaya siguro gusto muna niya na huwag ka na muna manligaw sa anak niya."
"Ganon nga po ang sinabi niya sa akin. May mga pangarap daw siya para kay Fina, at naiinitndihan ko naman po ang ibig niyang sabihin."
"Ganun naman pala. Natutuwa ako at naiintindihan mo ang gustong mangyari ng nanay ni Fina. Kung ako ang tatanungin mo, gusto ko si Fina. Mabuti siyang bata at alam kong mapagmahal na anak. Pero kung iyon ang hinihiling ng kanyang ina, respetuhin natin iyon iho. Tutal mga bata pa naman kayo, marami pa kayong kailangang gawin. At alam mo na ikaw man ay may resposibilidad sa Papa at Mama mo at sa inyong kumpanya. At alam kong may mga pangarap si Fina para sa kinabukasan niya at ng Nanay niya. Kung talagang kayo nga sa mga darating na panahon, mangyayari at mangyayari iyon iho."
"Pero Nay Pasing mahal ko po si Fina. Parang ang isipin pa lamang na iwasan siya hindi na kaya ng isip at damdamin ko." Malungkot na sabi ng binata.
"Iho, kung talagang ganun kalalim ang nararamdaman mo sa isang tao at ganoon siya kahalaga sa iyo, iisipin mo yung makakabuti sa kinabukasan niya. At kung talagang totoong mahal mo siya, magiging handa ka sa paghihintay hanggang dumating yung panahon na pwede na." Saad naman ng matanda.
Tahimik na lamang si Elcid. Ang daming tumatakbo sa isip niya. Hindi niya malaman ang gagawin kung magkikita sila ni Fina.
"Hindi naman kinakailangang tuluyan mo siyang iwasan. Pwede naman kayong maging magkaibigan na lang muna hindi ba. Mas maiigi nga iyon at ng makilala niyo pa ng lubusan ang isa't-isa." Dagdag pa ng matanda.
"Susubukan ko Nay Pasing. wala naman po ako ibang magagawa dahil umayon po ako sa kasunduan namin ng nanay ni Fina. Pipilitin ko pong irespeto iyon."
Tinapik na lamang ng matanda ang mga balikat ni Elcid at iniwan na ang binata na mapag-isa. Pilit namang ngumiti ang binata kahit sa loob-loob nito ay parang sasabog ang kanyang nadarama. Sadyang nalulungkot siya sa gagawin ngunit naiwan siyang walang pagpipilian.
Sa kabilang banda ng makauwi si Fina sa bahay, pakiramdam niya ay latang-lata siya. Naabutan niya ang ina na abala sa pananahi. Nagmano siya dito at tuloy-tuloy na pumunta sa kusina at kumuha ng maiinom. Umupo siya sa hapag at nangalukbaba habang nakatitig sa baso ng tubig. Lumipas ang maghapon hindi niya nakita si elcid. Excited pa naman siyang makita ang binata. Namiss niya si elcid. Nagtatanong ang isip niya kung ano kaya ang ginagawa nito. Bakit kaya hindi ito nagpakita sa kanya? Napabintung hininga na lamang siya.
Wala siyang kamalay-malay na pinagmamasdan siya ng ina.
"Anak, ayus ka lang ba? Gutom ka ba? may pagkain na akong nailuto kung gusto mo ay mauna ka ng kumain." sabi ng ina nito.
Parang hindi niya narining ang sinabi ng ina sa lipad ng isip niya.
"Serafina!" Pagtawag na nito sa pangalan niya.
"ah-Ho?! anu ho iyon nay?" walang malay niyang tanong.
"sabi ko kanina ka pa tulala diyan. anong nangyari sayo?"
"ah wala naman nay, napagod lang sa school. magpapahinga lang muna ako sandali sa kwarto. mamaya na po ako kakain." pilit pa niyang pinasigla ang boses niya pagkasabi niyon at tumuloy na siya sa kanyang silid.
Napailing naman si Sol sa inakto ng anak. Alam niyang may gumugulo sa isip ng dalaga. At malakas ang loob niyang tungkol ito kay elcid. Naisip tuloy niya kung baka kinausap kaya ng binata ang kanyang anak tungkol sa kanilang napagusapan? Umiling naman siya, may tiwala siya kay Elcid at alam niyang tutuparin ng binata ang kanyang pakiusap. Mabuting bata si elcid at alam niyang sa batang edad nito ay naiinitindihan nito ang sitwasyon ng buhay nila ni Fina. Alam niyang malulungkot ang kanyang prinsesa ngunit sisiguraduhin niyang nasa tabi lamang niya ito kung kailangan siya nito. Hindi man malinaw sa kanya kung anong namamagitan sa kanyang anak at ni Elcid, ngunit sapat na ang kanyang mga nakita noong nagdaang gabi upang pigilan ang isang bagay na hindi pa nararapat.
BINABASA MO ANG
Somewhere in my past
RomanceNo matter how painful the past may have been. No matter how far and how long it has been. True love really has a habit of coming back.