Nangyari iyon sa ilalim ng asul na kalangitan. Kaygandang umaga sa gitna ng tagsibol, ngunit isang araw ng pagluluksa. Sa engrandeng sahig ng palasyo ng Galeon, isang binata ang naglalakad tungo sa trono, suot ang kapa ng isang Hari. Ang korona'y perpektong hinahagkan ang kanyang ulo.
"Magbigay pugay sa bagong Hari ng Anja!"
Walang lumuhod.
"Isang asasinasyon sa mahabang panahon. Paano humantong ang lahat sa ganito-"
"Isang maduming ampon!"
"Shh! Kapag narinig ka nila-"
Tuloy ang martsa ng binata paakyat sa taas ng engrandeng hagdan, sa upuang kagabi lang ay napaliguan ng pulang dugo. Umaawit ang mga bayarang kantor at tuwid ang tayo ng mga kawal. Nang marating niya ang tuktok ng plataporma ay hinarap niya ang lahat. Lilang mga mata'y tumingin sa kanyang nasasakupan, ang tingin niya'y bakante ng anumang emosyon. Saka, inanunsyo ang kanyang pangalan.
"Malugod kayo! Si Kaius ng Bahay ng Morgana ang inyong bagong tagapamuno. Wala na ang mga araw ng pagsunod sa isang hangal! Mula sa araw na 'to, ang Anja ay mapupuno ng mga pagbabago. Panahon na upang itama ang mga baluktot na pamamalakad ng Emperyo! Ngayon! Isumpa niyo ang inyong mga katapatan..."
Nilabas ng mga kawal ang kanilang mga espada at tinutok sa mga nobleng naroroon. Nahintakutan ang lahat.
"...o harapin ang inyong kamatayan."
Lahat ay napalunok sa takot. Ang pumayag ay sumpa; ang tumaligsa ay kanilang katapusan. Wala silang magagawa kundi ang sumunod sa taong umagaw sa korona't trono ng dating Hari. 'Pagkat siya na ang monarkiya ng kanilang bansa.
"Kaius," usal ni Cian, ang knight na kanyang kapatid sa papel.
Tumango ang binata, saka itinaas ang kanyang kamay.
"Kikilalanin niyo ako."
Tatlong salita niya'y gumalaw sa takot ang katawan ng lahat ayon sa kanyang kagustuhan. Bumagsak sila sa kanilang mga tuhod, nakababa ang mga ulo. "Mabuhay ka, mahal na Haring Kaius!"
Isang mala-ahas na ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Kaius.
Sa wakas. Pagkatapos ng maraming taon, ang kapangyarihang ito ay nasa mga kamay ko na.
"Kinikilala ka namin upang ang dakilang tagapamuno ng Anja! Mabuhay ka! Ikinalulugod ka naming pagsilbihan. . . hanggang kamatayan!"
Bumaluktot ang kurba ng mga labi ng binata, saka inilabas ang isang hagikgik na unti-unting lumakas. Naging isang pagtawa na kumilabot sa buong korte.
"Haha. . . Hahaha! Ahahaha!"
At sa unang beses sa buong emperyo, naiukit ang pangalan ni Kaius.
Siya, ang kauna-unahang nakoronahang traydor.
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...