Sa tulog niya'y napanaginipan niya si Noreen.
Nakatingin ang batang Kaius sa makulimlim na langit. Ang nyebe'y bumabagsak sa kanyang mukha at kinikiliti siya sa lamig. Ngumiti siya na nagpasakit lalo sa mga pasang nakuha niya sa duke. Pero hindi niya iyon pinansin.
"Taglamig na," masaya niyang bulong.
Ilang araw na lang at magkakaroon na ng selebrasyon sa mansyon. Igagawa na uli ako ni Ina ng mainit na tsokolate at papayagan na ako ni ama na samahan siyang bantayan ang mga kabayo sa kwadra. Magiging maayos na muli ang lahat, kahit panandalian.
"Hindi ka ba giniginaw?"
Lumingon siya at nakita ang isang babaeng mas matanda sa kanya, suot ang isang itim na taklob. Kumunot ang noo ni Kaius. "Sino ka?"
Wala naman siyang maalalang may bisita sila ngayong araw.
"Ang pangalan ko ay Noreen." Naglakad ang babae tungo sa kanya at inilahad ang kanyang kamay. "Akin na ang kamay mo."
Sa sobrang hiwaga niya sa babae ay nilagay niya ang palad sa kamay nito. Nakaramdam siya ng kakaibang init doon. Ngumiti nang mabait ang babae. "Matagal na kitang hinahanap. At alam ko ang pinagdadaanan mo. Wag kang matakot sa'kin, narito ako upang tulungan ka."
"Paano mo naman ako tutulungan?" bulong ni Kaius.
Ang babae ay namumula sa lamig at ang pulang buhok nito'y hanggang sa kanyang panga–mukha siyang bata ngunit ang kanyang mga gintong mata ay tila isang daang taon na.
"Ano ang kagustuhan ng puso mo?" mapagmahal na tanong ni Noreen.
Hinawakan ng kamay nito ang mga pasa ni Kaius sa mukha.
At nahanap ni Kaius ang sagot. "Na wala nang makapanakit sa'kin. Na magamit ko ang kapangyarihan nilang saktan ako laban sa kanila. Nais kong gumanti. Nais kong protektahan ang lahat ng mga mahal ko!"
Kumurba ang mapupulang labi ni Noreen at sa kanyang dibdib, lumiwanag ang marka ng isang lilang pakpak. Humawi ang taklob niya at ang kanyang pulang buhok. Nanlalaki ang mga mata ni Kaius at hindi maintindihan ang mga nangyayari.
"Makukuha mo ang kapangyarihan na nais ng puso mo," bulong niya, mahigpit na ang kapit sa kamay ni Kaius. "Ngunit mag-ingat ka, dahil may presyo ang tipan na ito."
Kinuha ni Noreen ang mga pisngi ng lalaki at narinig ni Kaius ang boses nito sa loob ng isip niya.
"Sa bawat paggamit mo ng regalo ko ay kapalit ang buhay ng iba. Ibinibigay ko na sa'yo ang aking marka. Gamitin mo iyon sa tama."
"Sandali-"
"Naniniwala akong...ikaw ang magiging pinakamalakas sa mundo. Paalam..."
Pagdilat niya'y wala na ang babae.
Hinanap niya ang markang nakita niya sa dibdib nito sa kanyang buong katawan. Ngunit wala siyang natagpuan.
Tumingin siya sa makulimlim na langit at nakita ang nyebe.
Tila nag-iba na ang tingin niya sa mundo habang naaalala ang mga dinanas niyang pagpapahirap.
Marahas, at masama ang mundo.
Binigyan siya ni Noreen hindi lang ng kapangyarihan, pati na rin ng kaalaman. Niyukom niya ang palad at isinumpa–na ang regalong ito ay hindi mauuwi sa wala.
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Mahina siyang sinipa ni Freja upang magising.
"Oras mo nang magbantay," sabi niya saka humiga na sa damo at tumalikod.

BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasia♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...