39.

244 21 4
                                        


࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

k a i u s

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇



Napapaso pa rin ako ng bawat salita.

Bakit ganito na lang ang epekto ni Freja sa'kin? Magmula noong makilala ko siya, nang halikan ko siya, nang hulaan niya ang buhay ko, nang bumagsak ako sa harap niya. May kakayahan na siyang saktan ako sa lugar na tinago ko sa iba.

Nasisira na ako. Unti-unti.

Dahil sa kanya.

At heto ako, nagtatago nanaman. Iniiwasang masaktan. Ah, hindi—pinagdikit ko ang mga daliri—iniiwasan kong makasakit.

"Hindi kita mapapatawad," sabi ni Freja. "Lalong lalo na sa ginawa mo kay Anwen. Kung may hihingan ka ng patawad, iyon ay si Ekko. Dahil pinatay mo ang kapatid niya."

"Pinapatawad na kita."

Napaka-biglaan 'yung kagabi. Sinabi ni Ekko ang tatlong salitang iyon na puno ng determinasyon. Tila ginagawa niya ang pagpapatawad hindi para sa'kin—kundi para sa sarili niya.

"Ano?" ang nasabi ko pagkatapos.

Kinagat niya ang labi niya. "Hinahangaan kita sa mahusay mong mga plano, at sa totoo lang—Ikaw ang nakita kong pag-asa na magtagumpay ang rebelyong pinaglalaban ko." Isang luha ang kumawala sa pisngi ni Ekko. "At kung nasa daan mo si Ate Anwen, naiintindihan ko ang kinailangan mong gawin."

Ngumiti siya, na lalo lang nagpabigat ng loob ko.

"Wag kang yumuko, Kaius." sabi niya. "Naiintindihan ko. Maniwala ka, naiintindihan ko."

Pero nanginginig ang mga kamay niya kagabi. Nakikita ko ang kontrol niya sa mga iyon. Hindi madaling patawarin ang lalaking pumatay sa kapatid niya. At sa isang banda, hinahangaan ko siya dahil hindi siya nagpadala sa galit. Sa galit na marami na ang kinonsumo...katulad ko.

At tulad ko, kinalimutan niya ang sarili niya para sa nakakarami.

"Patawad," ulit ko.

Dahil iyon na lang ang kaya kong sabihin.

Iyon na lang ang natitira kong kayang sabihin.

"Lumaban ka muli," sabi niya. "Baguhin mo ang mundo, para hindi masayang ang buhay ng ate ko. At ang mga buhay na nawala dahil sa'yo."

Ngumiti siya—ibang klaseng ngiti, di tulad kay Freja. Dahil kay Freja ay matamis at inosente, ang sa kanya'y mapait at hinubog ng pagdurusa.

"Hindi ba't iyon na lang ang kabayaran ng lahat ng pinatay mo? Ang baguhin ang mundo para sa mga naiwan nila?"

Iyon ang nangyari kagabi, ngunit sa kabila ng pagpapatawad ni Ekko ay nahirapan pa rin akong makatulog.

Nakarinig ako ng yabag papunta sa hardin ng mga gulay na pinagtataguan ko. Agad akong kumilos at sumandal sa pader ng kalapit na shed. Nakarinig ako ng pigil na paghikbi at naramdaman ko ang presensya ng taong iyon na sumandal din sa pader.

Pero hindi sa tabi ko. Sa kabilang gilid ng shed.

"Bakit," bulong ng boses. "Bakit, bakit, bakit..."

Suminghot siya at humagulgol nang tahimik, tila iniipit ang palad sa bibig.

Nagbaba ako ng tingin—hindi makapagdesisyon kung lalapitan ko ba o hindi. Pero parang ang sama naman na makinig lang. Niyukom ko ang mga palad. Ano bang gagawin mo, Kaius? Ano?

Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon