11.

296 20 15
                                    


࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

f r e j a

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇


Naalimpungatan ako.

Sa aking kanan, si Kaius na natutulog. Sa aking kaliwa, ang bintanang may rehas kung saan sumisilip ang bilog na buwan. Siguro'y mga hatinggabi na. Mga ganung oras lang naman ako nagigising para pumunta ng banyo eh. Maingat akong bumaba sa kama upang hindi maistorbo si Kaius.

Malay ko kung may delikadong ugali 'yan pag nagising. Brr.

Sinara ko ang pinto sa aking likod nang makapasok sa banyo. Pagkatapos, umupo na sa kubeta. Amoy pa rin sa hangin ang ginamit na sabon ng lalaking 'yun–matapang at maanghang. Tipikal na ginagamit ng isang katulad niya. Psh. "Hmm. Ibig sabihin ba nito maaamoy din niya ang sabon ko pagkatapos maligo?" Nag-init ang aking mukha.

Winasiwas ko ang kamay sa ere. "Hindi, hindi!"

Bastos pa naman ang Kaius na 'yon!

"Pwede naman siguro akong maligo sa ibang banyo diba? Hehe," kinakabahan kong tawa. "Hindi naman niya ipapakandado ang ibang banyo para lang maligo ako dito, diba? Diba?..."

Binaon ko ang aking mukha sa mga palad.

Aaah! Mababaliw na ako.

Sa totoo lang, nahihiwagaan ako sa kanya. Nagbibiro siya. Madaldal siya. Nakakatakot siya, oo. Lalo na kapag nagalit. Pero sinapak ko siya kanina, hindi naman siya nainis sa'kin? Natuwa pa nga ata siya? Tsaka pinatulog niya ako sa tabi niya, at kahit may kapangyarihan siya bilang Hari na angkinin ang pagkababae ko, hindi niya ako ginalaw.

Hindi niya ako pinagtangkaan.

"T-Teka, ibig bang sabihin...wala akong alindog para sa kanya?" bulong ko.

Mali ka, Freja! Mabuti nga 'yon, diba? Para hindi ka niya bastusin!

"Ano bang nakakatakot sa kanya para naisin siyang patayin ng lahat?" Iyon ang binubulong ko sa sarili nang pinihit ko ang pinto pabukas... at makita si Kaius na nakatalikod sa'kin, espada sa kamay na tumatagaktak ng dugo at isang pugot na ulo sa sahig.

Pugot. Na. Ulo. Sa. Sahig.

Duguang. Espada. Sa. Kamay. Ni. Kaius.

Marahang humarap sa'kin si Kaius at lumiwanag ang mga lila niyang mata. "Fre-"

Sumigaw ako ng malakas.

"Freja!" sigaw ni Kaius at gumalaw upang ibaon ang espada sa tyan ng isang lalaking di ko kilala. May mga tela silang nakaharang sa mukha at naka-suot sila ng itim. Hindi ako makagalaw. Pinanood ko ang baril ni Kaius sa isang kamay na bumaril ng bala, perpektong putok sa gitna ng noo ng tatlong tao.

Baril at espada? Sabay? Anong klaseng tao si Kaius?!

At sino 'tong mga lalaking sumusugod sa kanya? ANONG NANGYAYARE?!

"Wag kang tumunganga dyan! Magkulong ka sa banyo, ngayon na!" sigaw niya.

"Pero...pano ka?!" alala kong tanong.

"Wag nang matigas ang ulo!"

"O-Oo na!" At umapak akong muli sa loob ng banyo. Hinila ko ang pinto pasara ngunit isang kamay ang pumigil dito. Ako, na mahinang nilalang, ay bumagsak sa aking pwetan sa sahig nang hinigit ng naka-itim na lalaki ang pinto.

"Aaah!!!" sigaw ko nang sunggaban ako ng lalaki.

"Binibining Freja. Narito ako upang-"

"Bitawan mo 'ko! Bitawan mo 'ko!"

"Ako si Trys-"

Nahawakan ko ang porselanang takip sa taas ng kubeta at inihampas ko sa ulo niya gamit ng lakas na meron ako. Bumagsak siya na walang malay sa sahig. Agad akong gumapang palayo sa katawan.

"Whoo," bulong ko, mabilis ang puso.

Muntik na akong mamatay?!

"Freja! Buhay ka pa ba?!" sigaw ni Kaius mula sa labas.

Aba't–Napakagandang tanong, ano? "Oo!"

Sumilip ako sa labas ng banyo at hiniling na sana'y hindi ko na lang nakita. Hiwa, baon, hiwa–nagtalsikan ang dugo sa kama. Bumagsak ang dalawang huling lalaki sa silid at walang buhay na tumitig sa'kin ang isang pares ng mata. Kinilabutan ako at sinimulang maiyak.

Naamoy ko ang langsa ng kamatayan sa kwartong madilim at pinigilang masuka. Bumagsak ako sa aking mga tuhod.

Lumapit sa'kin si Kaius, ang kanyang espada'y makinang na pula.

Ngayon, nakita ko na siyang pumatay. At walang awa siya. Tama ang mga naririnig ko. Mabilis at makamandag, tulad ng isang ahas. May pagka-elegante sa galaw niya, at kapag lumapat ang mga mata niya sa'yo–isa lang ang kahihinatnan mo–impyerno.

"Nasaktan ka ba?" Lumuhod siya sa harap ko.

Nanginginig ang mga kamay ko at tinitigan ko siya. Dugo sa mukha, sa leeg, sa katawan at kamay. Inabot niya ang kamay niya upang hawakan ang mukha ko ngunit natigilan nang lumayo ako sa hawak niya.

Natatakot ako sa kanya...

Natatakot ako kay Kaius ngayon.

Hindi siya mukhang nasaktan sa reaksyon ko. Tila sanay na siya. Malamig niya akong tiningnan. "Mukhang wala ka namang sugat. May umatake sa'yo?" Tumango ako, tila nawalan ng dila. "Nasa'n?"

Tiningnan ko ang banyo at tumayo siya upang puntahan iyon.

Nang makaalis siya, nakita ko ang mga katawan sa sahig at carpet. Puno ng dugo. Ang iba'y wala nang ulo. Naging mababaw ang mga hininga ko, ang mundo'y umiikot nang mabilis. Ito pala–ang sinasabi nilang mamamatay-taong si Kaius.

May kumatok sa pinto at napalundag ako.

"Kaius? Kaius, si Cian 'to! Nahuli ko na ang may pakana ng pagsugod na 'to!"

Nakilala ko ang boses na 'yun at nagmamadali akong pumunta sa pinto, maingat na wag matapakan ang mga katawan sa sahig. Binuksan ko ang ilaw at tinanggal ang tatlong kandado. Nang buksan ko ang pinto'y nanlaki ang aking mga mata.

Hawak ni Cian si Anwen sa mga brasong nakagapos.

Isang lilang pasa ang namumuo sa pisngi ng aking Grand Knight. "A-Anong..."

"Mahal na Reyna, ang iyong knight-" Tinulak niya si Anwen at bumagsak siya sa aking paanan. Ang mga mata niya'y nangungusap sa kabila ng busal niya sa bibig. "-ay isang traydor na pinadala ng Khragnas!"

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon