࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
k a i u s
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Ah, narito na ang demonyong pinadala ng Khragnas para sa'kin.
Noong una, aaminin kong wala akong interes makikilala ang babaeng 'nagboluntaryo' para makasal sa'kin. Isa siyang tauhan ng Khragnas, hindi mapapagkatiwalaan. Sigurado ako na pagharap namin sa isa't-isa ay sasabuyan niya ako ng papuri, tatangkaing kunin ang aking loob gamit ng pang-aakit at matatamis na salita. Nakakasuklam. At dahil doon, kinontento ko ang sariling magpahangin na lang sa hardin imbis na siya'y salubungin.
Ngunit sa di inaasahang pangyayari, dinala siya mismo ng tadhana sa aking harapan.
Siya na tila isang kunehong tumakbo sa panga ng lobo.
Ito. . . ang babaeng papatay raw sa'kin. Ang babaeng inaalala ni Cian?
Ngunit sa itsura niyang iyan—suot ang berdeng bestida, maamo ang mukha, tsokolateng buhok na tinirintas at medyo magulo na, at kahel-pulang mga mata na tila apoy na sumasayaw sa gabi, puno ng takot at desperasyon—hindi siya mukhang makakapatay kahit lamok.
Kahit na, isip ko. Hindi ka dapat magtiwala sa maamo niyang mukha.
"Kaius," nanginginig niyang bulong. "Ahas ng emperyo."
Ngumisi ako. "At ikaw si?"
Matama niya akong tiningnan nang masama, saka itinikom ang bibig. Huh.
Nilebel ko din ang aking titig. "Hindi ko na uulitin pa," nanggagalaiti kong usal. "Ihayag mo ang pangalan mo sa'kin."
"F...Freja." Bakas ang nerbyos sa kanyang boses. "Ngayon, bitawan mo na k–"
"Hmm... Kay-inam na pangalan para sa magiging asawa ng isang traydor," ngiti ko. "Pag-ibig, digmaan, kamatayan. Sabihin mo, paano ka napunta sa hardin ko? Hinahanap mo ba ang isa sa mga bagay na binanggit ko?"
"N-Naliligaw ako," depensa niya.
"Tch. Sinungaling."
Umuwang ang kanyang bibig. "Sinong tinatawag mong—"
"Sabihin mo na." Lumapit pa ako lalo sa kanya hanggang sa ilang espasyo na lang ang nasa pagitan namin. Narinig ko ang pagtaas ng kanyang paghinga. "Pinadala ka nila rito para patayin ako, hindi ba?"
Nilayo niya ang tingin. "Iyon ay—"
"Kung hindi, pumunta ka ba rito dahil umiibig ka sa'kin?"
Namula ang kanyang mukha. "Huh?"
"Tama ako. Anong rason mo para pumunta dito at makasal sa'kin?" Tiningnan ko siya ulo hanggang paa. "Papatayin mo ako? Kaya mo ba?" Isang ngisi. "Gamit ng ano? Ng mukhang iyan?"
Kinuha ko ang baba niya sa aking mga daliri at marahas na inihilig upang mapagmasdan ko.
"Isa kang peke," bulong ko sa mga labi niya.
Nangingilid na ang mga luha niya ngunit wala akong pakialam.
"Wag mong isipin na magpapaloko ako sa maamo mong mukha. Na maniniwala ako sa mga pagpapa-awa mo. Kung magbabait-baitan ka sa'kin, tipirin mo na lang ang enerhiya mo. Hindi ako magtitiwala sa'yo kahit kailan."
"Mabuti kung ganon," matapang niyang sagot, isang pantay na ngisi sa kanyang rosas na mga labi. "Ngayon, parehas na tayo ng nararamdaman."
Sa isang saglit ay tila tumigil ang oras. Masyado akong nasorpresa sa apoy na yun sa kanyang mga mata...
Galit. Hinagpis. Determinasyon. Pagsuko.
Ah.
Isang marahas na halik ang binigay ko sa kanya.
Oo, humalik ako sa mga labi niya at naramdaman ko kung gaano niya iyon pinandirian. Nanlaban siya ngunit hinawakan ko ang mga pala-pulsuan niya at kinulong siya sa gitna ng aking mga braso at berdeng pader.
Ang mga katulad niya...
Binuka ko ang kanyang bibig at ginamit ang aking dila.
...ang pinaka-delikado.
Naramdaman ko ang mga luha sa pagitan ng aming mga pisngi ngunit hindi ako tumigil. Hinalikan ko siya nang marahas at matagal, pinapamukha sa kanya kung anong klase ng lalaki ang binabangga niya. Kung anong laro ang pinapasok niya.
May tapang din akong ganyan noon. Isang apoy na hindi napapawi, dulot ng galit sa sarili. At alam ko, ang meron lang nito ay iyong mga handang mamatay.
Nang matapos ako'y binitawan ko siya at sinampal niya ang mukha ko.
"Ahas ka," iyak niya habang nanlilisik ang mga tansong mata, isang kamay ay pinupunasan ang kanyang bibig.
Mainit ang kanyang galit.
Malamig ang aking tingin.
Habang maaga pa, pawiin mo ang apoy na iyan kundi...
"Oh, binibini, mabuting alam mo."
... Matutulad ka sa akin.
At doon, binangga niya ang aking balikat at mabilis akong iniwan. Pinagmasdan ko siyang umalis hanggang sa napangisi ako. Walang saya sa aking napagtanto. Gamit ng mga daliri, hinaplos ko ang aking pisnging nasampal.
Inaasahan kong isang dalagang marunong mang-akit ang ipapadala nila ngunit ano iyon?
Ang mga luha sa kanyang mukha. . . ay puno ng pagdurusa. . .
"Boluntaryo ka bang talaga? O tulad ko, isa ka ding..."
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...