࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
k a i u s
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Maginaw na ang hangin. Sinuot ko ang mabalahibo kong panlamig at siniguradong may walong bala ang aking pilak na revolver bago ilagay sa aking gilid. Kinokonsumo pa rin ako ng galit—Ang mga sarili kong kawal ay hindi man lang ako nirerespeto.
Magiging mahirap 'to kesa sa inaakala ko. Simula palang ay inaasahan ko nang hindi magtitiwala ang mga kawal sa isang traydor na gumapi sa kanilang Hari.
Ngunit hindi naging isang mabuting Hari si Exequiel. Kung tutuusin ay dapat matuwa silang iba na ang nasa trono.
"Iniisip nilang mas masahol kang diktador, Kaius. Mas masahol pa sa pinalitan mo. Bakit hindi sila matatakot sa'yo?"
Iyon ang sabi ni Cian sa'kin kagabi.
"Madaling nakawin ang korona at trono. Iyon ay mga bagay na nahahawakan. Ngunit ang tiwala at respeto?"
Niyukom ko ang palad.
"...Iyon ang pinakamahirap kunin."
Ngayong nakamit ko na ang kapangyarihan, ipapakita ko sa mga kawal na 'to kung sino ang dapat nilang igalang.
Nagkita kami ni Cian sa pasilyo. "Naitipon na ba ang lahat sa hardin?"
"Opo, Kamahalan. Kabilang na ang pitong traydor at si Anwen."
Singlamig ng yelo ang aking tingin. "Hindi na ako makapaghintay."
Lahat ng madadaanan kong mga lingkod ay nakayuko at takot na takot, halos marinig ko ang pagsigaw ng mga kaluluwa nila.
Inalala ko nang minsan, isa rin akong katulad nila, nakayuko sa takot sa kanilang amo. Nagdadasal na sana wag tumingin sa'kin ang duke, wag mapansin dahil kapag lumapat ang tingin niya sa mukha ko, bugbog nanaman ang aabutin ko.
Hinigpitan ko ang kamay ko sa baril. Wala nang makakapanakit sa'kin.
Hindi ko na hahayaan ang mga taong iyon.
"Kaius!" tawag ng isang pamilyar na pamilyar na boses. Huminga ako nang malalim at tumingin sa gilid ko at nakita si Freja na nagmamadali. Nang tumigil siya sa harap ko ay hinihingal pa siya. "Pakinggan mo 'ko."
"Wala akong panahon sa'yo."
Naalala ko ang paglayo niya sa hawak ko kagabi, kung paano kumislap ang takot sa kanyang mga mata nang tangkain ko siyang hawakan. Sa wakas ay nakita niya na akong pumatay. Kahit may parte na medyo nagsisisi doon, pinilit kong paniwalain ang sariling mas mabuti na 'yon.
Ngayong alam na niya kung paano ako pumatay, mas mababang tsansang gumawa siya ng hakbang para saktan ako.
Ngunit sa pagkakaalam ko, hindi ako nasasaktan ng babaeng 'to sa pisikal.
Kundi sa...
"Umalis ka na dito," malamig kong sagot. "Kung ayaw mong makitang patayin ko sa harap mo ang mga traydor."
"Pakawalan mo si Anwen," taimtim niyang hiling. "Pakiusap. Wala siyang kinalaman sa pag-atake kagabi. Nakakasiguro ako!"
"Kung gayon, anong ginagawa niya sa labas ng silid natin kagabi?"
Tinuro niya si Cian. "Eh siya? Bakit naroon din siya sa labas ng silid natin kagabi? Hindi ka rin ba nagdududa sa kanya?!"
"Pinagbibintangan niyo ba ako, Kamahalan?" galit na bulong ni Cian sa aking gilid. Naglaban sila sa tingin ni Freja at hindi ko sila maintindihang dalawa.
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Фэнтези♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...
