02.

474 24 11
                                    

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

k a i u s

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Nilibot ko ng tingin ang hardin ng maala-palasyong mansyon ng Anja at natawa sa aking isip. Napakadaling pasukin ng mga espiya o rebelde, masyadong kalmado at mahinahon ang mga kawal para sa isang pag-atake. Mga hangal. Wala atang ginawang matino ang haring nauna sa'kin kundi magdaos ng walang habas na selebrasyon.

Tch. Kaya nga andali kong napasok ang depensa niya. Nakalimutan niyang kahit ang mga hari ay pwedeng mapabagsak.

Papunta sa silid-kainan na para lang sa'kin ay napapaligiran ako ng mga taga-silbing nanginginig sa takot. At bakit hindi? Ako lang naman ang pumatay sa dati nilang tagapamuno. Espada sa kanyang puso, tagos hanggang likod. Ang dugo niya ang nilinis nila kamakailan lang.

Tahimik at elegante akong naglakad sa gitna ng mga nakalinyang kawal para sa'kin, tanaw ang mga pintuan sa dulo ng pasilyo.

"Nakahanda na ang iyong almusal, Kamahalan." pekeng ngiti ng isang matabang opisyal.

Hindi ko siya pinansin.

Wala akong panahon sa mga pagbati. Nais ko nang makita kung may magtatangkang lumason sa pagkain ko tulad ng aking inaasahan.

Humakbang ako.

Kasabay ng paggalaw sa aking gilid. "MAMATAY KA NA!!!"

Isang kawal ang nagtutok sa'kin ng baril at pinutok.

Ngunit mas mabilis ako. Umikot ako, ang aking kapa ay sumabay sa mosyon, binunot ang espada sa scabbard ng kanyang kasama at nilaslas ang leeg niya.

Tumalsik ang mainit niyang dugo sa aking mukha. Nagsigawan sa takot ang mga alipin sa aking likod.

Napigil ang hininga ng mga kawal.

Saka bumagsak ang katawan sa aking mga paa. Humawak ako sa aking pisngi at nakita ang dugo sa mga daliri ko.

"Hmm. Hindi lason ang inihanda para sa'kin ngayong umaga, kundi ito..." Napangisi ako. "Huh."

Winasiwas ko ang espada at tumalsik ang dugo sa uniporme ng opisyal na bumati sa'kin. Nginitian ko siya at halos makita ko ang pagtaas ng mga balahibo niya.

"Anong pangalan mo?"

Nautal siya. "O-Oreus, Ginoo."

"Oreus," ngiti ko, hinuhubad ang aking kapa upang iabot sa nahihintakutang alipin. "Iisipin kong hindi mo plinano ang pagtatangkang ito."

Namutla ang kanyang mukha at ilang segundo siya bago sumagot, na nagpapatunay na planado nga ang lahat ng ito. "Hindi ako mangangahas na gawin 'to sa aking Hari!" At yumuko pa talaga siya.

Nais kong matawa. Kaya lang, matagal ko nang pinatay ang bersyon kong tumatawa nang totoo at ngumingiti nang malapad.

Lumapit ako sa kanya at pinunasan ang duguan kong espada sa kanyang dibdib. Nanlaki ang mga mata niya sa ginagawa ko. "Alam mo kasi, maraming nais pumatay sa'kin sa mga rasong makasarili tulad ng akin. Ang pinagkaiba ko sa kanila... handa akong pumatay gamit ng mga kamay ko. Habang sila," tinitigan ko si Oreus. "Nagtatago sa likod ng mga mahihinang gagawa ng trabaho nila."

Tinapat ko ang espada sa kanyang lalamunan.

"Ngayon," bulong ko sa kanyang tenga. "Linisin mo ang kalat na ginawa mo at lumayas sa palasyo ko. Kapag nasilayan ko pa ang mukha mo mamayang gabi, susunod ka na sa suwail na 'to."

Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon