54.

256 16 10
                                    



࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

f r e j a

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇



Hindi nagtagal bago makarating sa'kin ang usap-usapan sa buong Galeon. Si Dean, na tila sabik na sabik, ang nagbagsak ng balita. "Pakiulit?" tanong ko.

"Nakapili na ng Emperatris si Kaius."

Pumintig ang puso ko. "Sino?"

Umiling-iling siya na kaunting natatawa. "Si Sigrid."

Sa sobrang pagkabigla ko'y tila nasuntok ang hangin palabas sa'kin. "Si Sigrid? Pero bakit—Akala ko ba siya ay—"

"Iyan din ang tanong ng korte kanina nang i-anunsyo niya iyon sa mga Bahay at sa Konseho. Ang kaaway? Para sa isang Emperatris? Sabi lang niya'y isa iyong estratehiya."

May parte sa'king nakahinga nang maluwag, Alam kong may nakaraan sa kanila, pero kung gaano kalalim ay hindi ko natitiyak. Kung gayon, hindi sila magpapaksal dahil may nararamdaman si Kaius sa kanya. Pero ang mas importante—

Estratehiya? Gagamitin ni Kaius si Sigrid laban kay Jiro?

"At alam mo pa? Yung knight niya—si Trystan—nahuli kagabi. Tapos na ang laban sa kanila. Hinding-hindi na sila makakaalis dito."

Tumalikod ako at naglakad palayo. Hindi na ako lumingon kay Dean kahit tinatawag niya ang pangalan ko. Nais ko lang makita si Sigrid. Kahit na kaaway siya, alam ko pa rin ang pakiramdam na gamitin laban sa kagustuhan mo.

Ngunit pagdating ko sa silid niya'y hinarang ako ng tatlong Elite.

"Hindi kayo maaaring pumasok, binibini." sabi ng isang matangkad at bruskong lalaki. "Tanging si Emperador Kaius lang at si Pinunong Cian ang—"

"Pakiusap," sabi ko. "Kailangan ko talaga siyang makita. Papasukin niyo ko."

Hinawakan ako sa braso ng isang babaeng kalbo, may malapad na noo at itim sa talukap. "Mahigpit na utos sa'min ito. Kung maaari lang ay umalis na kayo bago namin—"

"Kilala ko si Kaius! Papasukin niyo 'ko!" Tinulak ko ang dalawa at siniko ang pangatlo sa mukha. Nanlaban ako nang hawakan nila ako at itulak sa dingding, mga kamay ko'y ginagapos nila sa aking likod.

"Pakiusap!" palag ko.

"Tama na 'yan," isang malamig na boses ang narinig ko.

Ah, Panginoon! Salamat naman. "Pinunong Cian, ang babaeng 'to ay—"

"Bitawan niyo na siya. Hindi siya pahamak." Saka tumingin sa'kin si Cian ng masama. Tila tinatanong kung ano bang ginagawa ko dito.

Nang pakawalan ako ng mga Elite ay hinimas ko ang aking mga palapulsuan sa sakit. Lumapit ang mukha ni Cian. "Baliw ka ba ah? Hindi ka dapat narito."

"Para ano? Itago niyo ni Kaius sa'king magpapakasal na siya?"

Ngumisi siya. "Walang panahong magselos sa digmaan."

Agad akong namula at tinulak siya palayo. "Hindi ako—"

Winasiwas niya ang kamay sa isang hindi makitang kontrol sa pinto at bumukas ito. Tulad doon sa pintuan sa kulungan ni Sigrid sa underground. "Kung papasok ka, dalian mo na."

Kinagat ko ang labi sa inis at saka sumunod.

Natagpuan namin si Sigrid na nagbabasa ng ilang papel sa carpet, ang likod ay nakasandal sa kama. Nang makita niya kami'y agad niyang sinara ito at tinago na parang isa itong kasalanan.

Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon